Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | GUSTO MO BANG MAG-ARAL NG BIBLIYA?

Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?
  • Ano ang layunin ng buhay?

  • Bakit nagdurusa at namamatay ang tao?

  • Ano ang magiging kinabukasan natin?

  • Nagmamalasakit ba sa akin ang Diyos?

Naitanong mo na ba iyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Pinag-iisipan ng mga tao sa buong mundo ang mga tanong na iyan. May masusumpungan ka bang sagot?

Milyon-milyon ang sasagot ng, “Oo!” Bakit? Dahil nakasumpong sila ng kasiya-siyang sagot sa kanilang mga tanong sa Bibliya. Gusto mo bang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya? Kung oo, baka gusto mong makinabang sa libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova. *

Totoo, pagdating sa pag-aaral ng Bibliya, sinasabi ng ilan: “Busy ako.” “Napakahirap niyan.” “Ayoko ng obligasyon.” Pero gusto namang malaman ng iba kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa:

  • “Nagsimba ako sa simbahan ng mga Katoliko at Protestante, templo ng Sikh, at monasteryo ng Budista, at nag-aral din ako ng teolohiya sa isang unibersidad. Pero hindi nasagot ang maraming tanong ko tungkol sa Diyos. Pagkatapos, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay ko. Humanga ako sa mga sagot niya na salig sa Bibliya, kaya tinanggap ko ang pag-aaral sa Bibliya.”—Gill, England.

  • “Marami akong tanong tungkol sa buhay, pero hindi ako nasiyahan sa mga sagot ng pastor namin. Gayunman, sinagot ng isang Saksi ni Jehova ang mga tanong ko gamit ang Bibliya. Nang tanungin niya kung gusto kong matuto pa nang higit, pumayag ako.”—Koffi, Benin.

  • “Gusto kong malaman kung ano ang kalagayan ng mga patay. Naniniwala ako na maaaring saktan ng mga patay ang mga buháy, pero gusto kong malaman ang sinasabi ng Bibliya. Kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa kaibigan ko na isang Saksi.”—José, Brazil.

  • “Sinubukan kong basahin ang Bibliya pero hindi ko ito maintindihan. Pagkatapos, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova at malinaw na ipinaliwanag ang ilang hula sa Bibliya. Gusto kong matuto pa nang higit.”—Dennize, Mexico.

  • “Iniisip ko kung talaga bang mahal ako ng Diyos. Kaya ipinasiya kong magdasal sa Diyos ng Bibliya. Kinabukasan, kumatok sa pinto ko ang mga Saksi, at tinanggap ko ang isang pag-aaral sa Bibliya.”—Anju, Nepal.

Ipinaaalaala sa atin ng mga karanasang iyan ang pananalita ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Oo, likas sa tao ang makadama ng pangangailangang sumamba sa Diyos. Ang Diyos lang ang makapaglalaan niyan, at ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.

Paano ba ginagawa ang pag-aaral ng Bibliya? Paano ito makatutulong sa iyo? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

^ par. 8 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.