Maganda Kahit sa Pagtanda
ANO ang nadarama mo kapag naiisip mo ang pagtanda? Marami ang nababahala, nababalisa, at natatakot pa nga. Karaniwan na kasing iniuugnay ang pagtanda sa negatibong mga bagay, gaya ng pagkakaroon ng kulubot, panghihina ng katawan, pagiging malilimutin at masasakitin.
Pero iba-iba naman ang nararanasan ng mga tao sa kanilang pagtanda. May malalakas pa ang pangangatawan at malinaw pa ang isip. Dahil sa mga pagsulong sa medisina, nagagamot o nakokontrol ng iba ang pagkakasakit. Kaya naman sa ilang lupain, parami nang paraming tao ang nabubuhay nang mas mahaba at mas malusog.
Nakararanas man ng problema sa pagkakaedad o hindi, gusto ng karamihan na maganda pa rin kahit sa pagtanda. Ano ang maaaring gawin? Depende ito sa ating saloobin, kakayahan, at pagiging handang makibagay sa bagong yugtong ito ng buhay. Upang tulungan tayo rito, isaalang-alang natin ang ilang simple at praktikal na mga simulain sa Bibliya.
MAGING MAPAGPAKUMBABA: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Sa konteksto nito, ang “mga mahinhin,” o mapagpakumbaba, ay maaaring tumukoy sa mga may-edad na kinikilala ang kanilang mga limitasyon at tinatanggap na hindi na nila nagagawa ang mga bagay na gaya nang dati. Hindi nila ikinakaila ni winawalang-bahala ang kanilang mga limitasyon. Si Charles, 93 anyos na taga-Brazil, ay makatotohanan nang sabihin niya: “Habang humahaba ang buhay mo, tumatanda ka. Hindi ka na babata pa.”
Gayunman, ang pagiging mapagpakumbaba ay hindi naman nangangahulugan ng pagkakaroon ng negatibong kaisipan na “matanda na ako, at wala na akong silbi.” Ang ganiyang saloobin ay nakakawala ng sigla. “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti,” ang sabi ng Kawikaan 24:10. Sa halip, ang taong mapagpakumbaba ay may positibong saloobin at ginagawa ang kaniyang makakaya.
May-katalinuhang sinabi ni Corrado, 77 anyos na taga-Italy: “Kapag nagmamaneho ka nang paahon, magpapalit ka ng kambiyo para hindi mahirapan ang makina.” Oo, kailangan ang mga pagbabago kapag nagkakaedad ang isa. Natutuhan ni Corrado at ng misis niya na maging balanse pagdating sa mga gawaing-bahay, anupat hinay-hinay lang sila para hindi masagad ang lakas nila sa maghapon. Praktikal din ang paraan ni Marian, 81 anyos na taga-Brazil. “Natutuhan
kong maghinay-hinay,” ang sabi niya. “Nagpapahinga ako nang sandali pagkatapos ng isang gawain kung kinakailangan. Nauupo ako o nahihiga para magbasa o makinig ng musika. Natutuhan kong tanggapin na hindi ko na magagawa ang mga bagay na gaya nang dati.”MAGING TIMBANG: “Gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” (1 Timoteo 2:9) Ang pananalitang “maayos na pananamit” ay nangangahulugan ng pagiging timbang at maganda. Sinabi ni Barbara, 74 anyos na taga-Canada: “Sinisikap kong maging maayos at malinis. Ayaw kong magmukhang losyang at sabihing ‘Matanda na ako; wala akong pakialam sa hitsura ko.’” Si Fern naman, 91 anyos na taga-Brazil, ay nagsabi: “Paminsan-minsan, bumibili ako ng mga bagong damit para masaya.” Kumusta naman ang mga lalaking may-edad na? “Sinisikap kong magtinging disente, kaya nagsusuot ako ng malinis na damit,” ang sabi ni Antônio, 73 anyos na taga-Brazil. Tungkol sa personal na kalinisan, sinabi pa niya: “Naliligo ako at nag-aahit araw-araw.”
Sa kabilang dako naman, mahalaga na iwasang labis na mabahala sa iyong personal na hitsura anupat nawawalan ka na ng “katinuan ng pag-iisip.” Si Bok-im, 69 anyos na taga-South Korea, ay may timbang na pangmalas tungkol sa mga damit. Sinabi niya: “Alam kong hindi na bagay sa akin ang mga damit na isinusuot ko noong bata pa ako.”
MAGING POSITIBO: “Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.” (Kawikaan 15:15) Habang nagkakaedad ka, maaaring makaranas ka ng negatibong mga damdamin kapag naaalaala mo ang iyong lakas noong bata ka pa at ang maraming bagay na dati mong nagagawa. Natural lang iyan. Pero sikapin mong huwag madaig ng gayong negatibong mga damdamin. Kapag binabalik-balikan mo ang nakaraan, malulungkot ka lang at masisiraan ng loob sa paggawa ng mga kaya mo pang gawin. Positibo si Joseph, 79 anyos na taga-Canada: “Sinisikap kong gawin ang mga bagay na kaya ko pang gawin at hindi ko na iniintindi ang mga bagay na hindi ko na nagagawa ngayon.”
Ang pagbabasa at pag-aaral ay makatutulong din sa iyo na maging mas positibo, anupat binubuksan nito ang iyong isipan sa bagong mga ideya. Hangga’t maaari, maghanap ng mga pagkakataong magbasa at mag-aral ng mga bagong bagay. Si Ernesto, 74 anyos na taga-Pilipinas, ay nagpupunta sa aklatan at naghahanap ng kawili-wiling mga aklat na mababasa. Sinabi niya, “Gustong-gusto ko pa rin ang kapana-panabik at kakaibang mga karanasan, ang masayang pagbibiyahe kahit sa pamamagitan lang ng pagbabasa.” Nagawa pa nga ni Lennart, 75 anyos na taga-Sweden, na mag-aral ng isang bagong wika.
MAGING MAPAGBIGAY: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Lucas 6:38) Ugaliing ibahagi sa iba ang iyong panahon at tinatangkilik. Magiging maligaya ka. Sinisikap ni Hosa, 85 anyos na taga-Brazil, na tumulong sa iba sa kabila ng kaniyang pisikal na mga limitasyon. Sinabi niya: “Tinatawagan ko ang mga kaibigan kong may sakit o nasisiraan ng loob at sinusulatan ko sila. Kung minsan pinadadalhan ko sila ng munting mga regalo. Gusto ko ring ipagluto ng pagkain o minatamis ang mga maysakit.”
Kapag tayo ay mapagbigay, nauudyukan din ang iba na maging mapagbigay. “Kapag mapagmahal ka sa iba, mamahalin ka rin nila,” ang sabi ni Jan, 66 anyos na taga-Sweden. Oo, ang taong mapagbigay ay mapagmahal at mapagpahalaga, na nagugustuhan naman ng iba.
MAGING PALAKAIBIGAN: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Bagaman may mga panahong gusto mong mapag-isa, iwasang ibukod ang sarili. Si Innocent, 72 anyos na taga-Nigeria, ay nasisiyahan sa pakikisama sa mga kaibigan. “Masaya akong nakikisama sa mga taong iba-iba ang edad.” Ganito naman ang sabi ni Börje, 85 anyos na taga-Sweden: “Sinisikap kong makahalubilo ang mga kabataan. Para akong bumabata kapag kasama ko sila.” Anyayahan ang mga kaibigan paminsan-minsan. Si Han-sik, 72 anyos na taga-South Korea, ay nagsabi: “Gusto namin ng misis ko na mag-anyaya ng mga kaibigan—mga may-edad at tin-edyer—para sa isang salusalo o hapunan.”
Ang pagiging palakaibigan ay hindi lang nangangahulugan ng pakikipag-usap sa iba kundi ng pakikinig din sa kanila. Magpakita ng personal na interes sa iba. Sinabi ni Helena, 71 anyos na taga-Mozambique: “Palakaibigan ako at pinakikitunguhan ko ang iba nang may dignidad. Pinakikinggan ko ang sinasabi nila para malaman ko ang iniisip at gusto nila.” Ganito naman ang sinabi ni José, 73 anyos na taga-Brazil: “Gusto ng mga tao na makasama ang mahuhusay makinig—mga nagpapakita ng empatiya at interes sa iba, nagbibigay ng komendasyon sa tamang panahon, at palabiro.”
Kapag may gusto kang sabihin, dapat na ‘tinimplahan ng asin ang iyong pananalita.’ (Colosas 4:6) Maging maalalahanin at nakapagpapatibay.
MAGING MAPAGPASALAMAT: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.” (Colosas 3:15) Kapag tinutulungan ka, magpasalamat. Ang pasasalamat ay tumutulong sa pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa iba. Ganito ang sinabi ni Marie-Paule, 74 anyos na taga-Canada: “Kami ng mister ko ay lumipat kamakailan sa isang apartment. Maraming kaibigan ang tumulong sa amin. Gayon na lang ang aming pasasalamat sa kanila. Nagpadala kami ng card ng pasasalamat na ginawa namin at inanyayahan ang ilan para sa pananghalian.” Pinasasalamatan naman ni Jae-won, 76 anyos na taga-South Korea, na may nagpapasakay sa kaniya papunta sa Kingdom Hall. Sinabi niya: “Labis akong nagpapasalamat sa tulong na ito anupat nag-aabot ako ng pera na panggasolina. Kung minsan, nagbibigay ako ng maliliit na regalo na may kasamang maikling sulat ng pasasalamat.”
Higit sa lahat, maging mapagpasalamat sa buhay mismo. “Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon,” ang paalaala sa atin ng matalinong haring si Solomon. (Eclesiastes 9:4) Oo, kung tama ang iyong saloobin at handa kang makibagay, posible pa ring maging maganda kahit sa pagtanda.