Sino ang Antikristo?
Isang pelikulang horror kamakailan ang pinamagatang Antichrist.
Pinanganlan ng isang kilaláng banda ang isa sa mga album nito na Antichrist Superstar.
Tinawag ni Friedrich Nietzsche, pilosopo noong ika-19 na siglo, ang isa sa kaniyang mga akda na The Antichrist.
Kadalasang tinatawag ng mga hari at emperador noong Edad Medya ang kanilang mga kalaban na mga antikristo.
Binansagan ni Martin Luther, lider ng Repormasyon sa Germany, ang mga papa ng Romano Katoliko na mga antikristo.
YAMANG matagal nang ginagamit ang terminong “antikristo” bilang bansag sa lahat ng bagay mula sa mga monarka hanggang sa mga pelikula, natural lang na magtanong: Sino ang antikristo? May anumang kaugnayan ba ito sa atin sa ngayon? Tiyak na makatuwiran lang na sa Bibliya hanapin ang pagkakakilanlan ng antikristo, yamang limang beses lumitaw rito ang terminong iyan.
INILANTAD ANG ANTIKRISTO
Si apostol Juan lang ang manunulat ng Bibliya na gumamit ng salitang “antikristo.” Paano niya ito inilarawan? Pansinin ang sinabi niya sa unang liham na nagtataglay ng kaniyang pangalan: “Mga anak, ito ang huling oras, at, gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo; na dahil sa bagay na ito ay natatamo natin ang kaalaman na ito ang huling oras. Sila ay lumabas mula sa atin, ngunit hindi natin sila kauri . . . Sino ang sinungaling kung hindi yaong nagkakaila na si Jesus ang Kristo? Ito ang antikristo, yaong nagkakaila sa Ama at sa Anak.”—1 Juan 2:18, 19, 22.
Naunawaan ni apostol Juan na ang antikristo ay ang lahat ng sadyang nagkakalat ng relihiyosong kasinungalingan tungkol kay Jesu-Kristo at sa mga turo ni Jesus
Ano ang itinuturo sa atin ng mga pananalitang ito? Binanggit ni Juan ang “maraming antikristo,” na nagpapakitang ang antikristo ay hindi isang indibiduwal, kundi isang grupo ng mga tao. Ang mga tao o organisasyong bumubuo sa antikristo ay nagkakalat ng mga kasinungalingan, ikinakaila nila na si Jesus ang Kristo, o ang Mesiyas, at pinipilipit ang kaugnayan ng Diyos at ng Kaniyang anak, si Jesu-Kristo. Inaangkin nilang sila ang Kristo o mga kinatawan niya, pero yamang “sila ay lumabas mula sa atin,” lumihis sila sa tunay na mga turo ng Bibliya. Isa pa, naroroon na ang mga ito nang isulat ni Juan ang kaniyang liham, sa “huling oras,” malamang sa pagtatapos ng panahon ng mga apostol.
Ano pa ang isinulat ni Juan tungkol sa antikristo? Hinggil sa mga bulaang propeta, nagbabala siya: “Bawat kinasihang kapahayagan na nagpapahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman ay nagmumula sa Diyos, ngunit bawat kinasihang kapahayagan na hindi nagpapahayag tungkol kay Jesus ay hindi nagmumula sa Diyos. Karagdagan pa, ito ang kinasihang kapahayagan ng antikristo na inyong narinig na darating, at ito ngayon ay nasa sanlibutan na.” (1 Juan 4:2, 3) Pagkatapos, sa kaniyang ikalawang liham, inulit ni Juan ang puntong ito: “Maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan, mga taong hindi naghahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman. Ito ang manlilinlang at ang antikristo.” (2 Juan 7) Maliwanag, naunawaan ni Juan na ang antikristo ay ang lahat ng sadyang nagkakalat ng relihiyosong kasinungalingan tungkol kay Jesu-Kristo at sa mga turo ni Jesus.
“MGA BULAANG PROPETA” AT “ANG TAONG TAMPALASAN”
Matagal na bago pa isulat ni Juan ang tungkol sa gayong mga relihiyosong manlilinlang, pinayuhan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit Mateo 7:15) Binabalaan din ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica: “Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan, sapagkat hindi ito [ang araw ni Jehova] darating malibang ang apostasya ay dumating muna at ang taong tampalasan ay maisiwalat, ang anak ng pagkapuksa.”—2 Tesalonica 2:3.
sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo sila.” (Maliwanag na noong unang siglo, sinisikap nang pahinain ng mga bulaang propeta at apostata ang kongregasyong Kristiyano. Kasama sa tinatawag ni Juan na “antikristo” ang lahat ng nagkakalat ng kasinungalingan at sangkot sa relihiyosong panlilinlang tungkol kay Jesu-Kristo at sa mga turo niya. Nahayag ang pangmalas ni Jehova sa kanila nang ilarawan sila ni Pablo bilang “ang anak ng pagkapuksa.”
MAG-INGAT SA MGA GAWAIN NG MGA ANTIKRISTO SA NGAYON
Kumusta naman sa ngayon? Ang mga tao at organisasyong bumubuo sa antikristo ay salansang pa rin kay Kristo at sa mga turo niya. Sadya silang nagkakalat ng kasinungalingan para lituhin ang mga tao sa pagkakakilanlan ng Ama, ang Diyos na Jehova, at ng Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kaya dapat tayong mag-ingat sa gayong relihiyosong mga kasinungalingan. Tingnan natin ang dalawang halimbawa.
Sa loob ng mga dantaon, pinalaganap ng mga simbahan ang doktrina ng Trinidad, na sinasabing ang Ama at ang Anak ay iisang persona. Kaya nililito at itinatago ng antikristo ang pagkakakilanlan ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Hinahadlangan ng misteryong ito ng Trinidad ang taimtim na mga tao na tularan si Jesu-Kristo at maging malapít sa Diyos, gaya ng paghimok ng Bibliya sa kanila.—1 Corinto 11:1; Santiago 4:8.
Nakaragdag pa sa kalituhan ang mga simbahan nang itaguyod nila ang paggamit ng mga salin ng Bibliya kung saan inalis sa teksto ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova. Ginawa nila ito sa kabila ng katotohanang ang pangalang Jehova ay lumilitaw ng mga 7,000 ulit sa orihinal na teksto ng Bibliya. Ang resulta? Ang pagkakakilanlan ng tunay na Diyos ay lalo pang nakubli sa misteryo.
Sa kabilang dako naman, ang pagkaalam sa pangalan ng Diyos na Jehova ay nakatulong sa maraming tapat-pusong mananamba na maging mas malapít sa Diyos. Iyan ang naranasan ni Richard, na naalaala ang pakikipag-usap sa dalawang Saksi ni Jehova. “Ipinakita nila mula sa Bibliya na ang pangalan ng tunay na Diyos ay Jehova,” ang sabi ni Richard. “Nakaakit sa akin ang ideya na may personal na pangalan ang Diyos, isang bagay na noon ko lang narinig.” Mula noon, binago niya ang kaniyang buhay upang maiayon ito sa mga pamantayan ng Bibliya at mapalugdan si Jehova. “Ang pagkaalam sa pangalan ng Diyos ay nakatulong sa akin na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya.”
Sa loob ng mga dantaon, pinanatili ng antikristo ang milyon-milyon sa espirituwal na kadiliman. Pero sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, nalaman natin ang tunay na pagkakakilanlan ng antikristo at napalaya tayo mula sa relihiyosong mga kasinungalingan ng antikristo.—Juan 17:17.