Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | PINALITAN NA BA NG SIYENSIYA ANG BIBLIYA?

Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Ayon sa isang diksyunaryo, ang siyensiya ay “sistematikong pag-aaral ng katangian at paggalaw ng materyal at pisikal na uniberso, batay sa obserbasyon, eksperimento, at pagsukat.” Mahirap na trabaho ito at kadalasan nang nakadidismaya. Walang ginawa ang mga siyentipiko kundi mag-eksperimento at magmasid sa loob ng ilang linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung minsan wala silang nakikitang solusyon, pero kadalasan ay may naibibigay silang pakinabang sa mga tao. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Isang kompanya sa Europa ang nakagawa ng isang kagamitan mula sa matibay na plastik at makabagong mga pansala para hindi magkasakit ang tao dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Ginagamit ang mga ito kapag may likas na sakuna, gaya ng lindol sa Haiti noong 2010.

May mga network ng satellite sa kalawakan na tinatawag na Global Positioning System (GPS). Bagaman dinisenyo ito para gamitin sa militar, nakatutulong din ang GPS sa mga motorista, piloto, nabigante ng barko, at maging sa mga mangangaso at hiker. Dahil sa mga siyentipikong nag-imbento ng GPS, mas madali tayong makapunta sa gusto nating puntahan.

Gumagamit ka ba ng cellphone, computer, o Internet? Napansin mo bang mas bumuti ang iyong kalusugan dahil sa makabagong medisina? Sumasakay ka ba ng eroplano? Kung oo, nakikinabang ka sa mga bagay na naitulong ng siyensiya sa tao. Apektado ng siyensiya ang buhay mo sa maraming positibong paraan.

MGA LIMITASYON NG MODERNONG SIYENSIYA

Para lumawak pa ang kanilang kaalaman, masusing sinasaliksik ng mga siyentipiko ngayon ang kalikasan. Sinusuring mabuti ng mga nuclear physicist ang kayarian at pagkilos ng atomo, habang tinutunton naman pabalik ng mga astrophysicist ang bilyon-bilyong taon para maunawaan ang pinagmulan ng uniberso. Habang lumalalim ang kanilang pagsasaliksik, kahit pa nga sa mga bagay na di-nakikita at mahirap unawain, iniisip ng ilang siyentipiko na kung mayroon ngang Diyos gaya ng sinasabi ng Bibliya, masusumpungan nila siya.

Higit pa ang ginagawa ng ilang kilaláng siyentipiko at pilosopo. Sinusuportahan nila ang ideya na walang Diyos gaya ng sinabi ng awtor ng siyensiya na si Amir D. Aczel. Halimbawa, sinabi ng isang sikát na physicist na “ang kawalan ng ebidensiya ng anumang Diyos na gumaganap ng mahalagang papel sa uniberso ay maliwanag na nagpapatunay na walang diyos.” Tinutukoy naman ng iba ang mga ginawa ng Diyos ng Bibliya bilang “madyik” at “salamangka.” a

Pero ang tanong: Sapat na ba ang nalaman ng siyensiya tungkol sa kalikasan para makagawa ng matibay na konklusyon? Hindi. Ang siyensiya ay nakagawa ng malalaking pagsulong, pero kinikilala ng maraming siyentipiko na marami pang bagay na di-alam at marahil ay imposibleng malaman pa. “Alam natin na may mga bagay na hinding-hindi natin malalaman,” ang sabi ng physicist na si Steven Weinberg na tumanggap ng Nobel Prize tungkol sa pag-unawa sa kalikasan. Isinulat ni Propesor Martin Rees, Astronomer Royal ng Great Britain: “May mga bagay na hindi kailanman mauunawaan ng tao.” Ang totoo, marami pa sa kalikasan, mula sa napakaliit na selula hanggang sa napakalawak na uniberso, ang hindi pa rin maintindihan ng modernong siyensiya. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

  • Hindi lubusang nauunawaan ng mga biyologo ang mga prosesong nagaganap sa loob ng buháy na mga selula. Palaisipan pa rin sa siyensiya kung paanong ang mga selula ay gumagamit ng enerhiya, gumagawa ng protina, at kung paano ito nahahati.

  • Apektado tayo ng grabidad araw-araw. Pero misteryo pa rin ito sa mga physicist. Hindi nila lubusang nauunawaan kung paano ka hinihila ng grabidad kapag tumalon ka o kung paano nito pinananatili ang buwan na umiikot sa palibot ng lupa.

  • Tinataya ng mga cosmologist na mga 95 porsiyento ng uniberso ay di-nakikita at di-nahihiwatigan ng mga instrumentong ginagamit sa siyensiya. Hinati nila ito sa dalawang kategorya, ang dark matter at ang dark energy. Palaisipan pa rin ito.

May iba pang di-alam na mga bagay na nakalilito sa mga siyentipiko. Bakit ito mahalaga? Sinabi ng isang manunulat ng popular science na mas maraming bagay tayong di-nalalaman kaysa sa mga bagay na nalalaman natin. Para sa kaniya, dapat tayong makadama ng pagkamangha at hangaring matuto pa sa halip na maging makitid ang isip.

Kaya kung iniisip mong papalitan na ba ng siyensiya ang Bibliya at aalisin nito ang paniniwala sa Diyos, pag-isipan ito: Kung limitadong kaalaman lang sa kalikasan ang nakukuha ng matatalinong siyentipiko gamit ang kanilang pinakamahusay na mga instrumento, makatuwiran bang tanggihan agad ang mga bagay na hindi kayang alamin ng siyensiya? Sa pagtatapos ng isang mahabang artikulo tungkol sa kasaysayan at pag-unlad ng astronomiya, sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Matapos ang halos 4,000 taon ng astronomiya, nananatili pa ring mahiwaga ang uniberso gaya ng tingin dito ng mga Babilonyo.”

Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng bawat tao na magpasiya sa bagay na ito. Sinisikap naming sundin ang sinasabi ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Sa diwang ito, inaanyayahan namin kayong suriin kung paanong magkasuwato ang siyensiya at ang Bibliya.

a Tinatanggihan ng ilang tao ang Bibliya dahil sa turo ng simbahan noon at ngayon, gaya ng paniniwala na ang lupa ang sentro ng uniberso o na nilalang ng Diyos ang mundo sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.—Tingnan ang kahong “ Ang Bibliya at ang Mapananaligang mga Katotohanan sa Siyensiya.”