Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Higit Pa sa Katanyagan ang Nasumpungan Ko

Higit Pa sa Katanyagan ang Nasumpungan Ko

Isang gabi noong 1984, nagbago ang buhay ko—mula sa pagiging ordinaryong tin-edyer, bigla akong naging sikát. Kinoronahan ako bilang Miss Hong Kong. Nasa front page ng mga magasin at pahayagan ang litrato ko. Umawit ako, nagsayaw, nagtalumpati, nag-host sa mga palabas sa TV, nagsuot ng magagandang damit, at humarap na kasama ng mga importanteng tao, gaya ng gobernador ng Hong Kong.

Nang sumunod na taon, pumasok ako sa mundo ng pag-aartista, at naging bida sa ilang pelikula. Gustong isulat ng mga reporter ang buhay ko, paborito akong kunan ng litrato ng mga photographer, at gusto akong makita ng mga tao sa mga premiere night ng pelikula, ribbon cutting sa inagurasyon ng bagong gusali o negosyo, at sa mga lunch at dinner. Lagi akong sentro ng atensiyon.

Sa isang pelikulang aksiyon

Pero unti-unti, natuklasan kong hindi naman pala kasingganda ng inaakala ko ang lahat ng ito. Nasabak ako sa mga pelikulang aksiyon, at mapanganib ito. Karaniwan nang hindi gumagamit ng mga ka-double, o stunt man, ang mga artista sa Hong Kong gaya ng ginagawa sa Hollywood. Kaya ako ang gumagawa ng sarili kong stunt, gaya ng pagpapatakbo ng motorsiklo sa ibabaw ng isang kotse. Maraming pelikulang pinagbidahan ko ang imoral at marahas, at ang ilan ay nagtatampok ng demonismo.

Noong 1995, napangasawa ko ang isang prodyuser ng pelikula. Kahit waring nasa akin na ang lahat ng bagay para maging maligaya—katanyagan, kayamanan, at maibiging asawa—depres pa rin ako at malungkot. Kaya huminto ako sa pag-aartista.

INALALA ANG DATI KONG PANANAMPALATAYA

Natutuwa akong alalahanin ang pananampalataya ko noong bata ako. Tuwing Sabado noon, kami ng ate ko ay pumupunta sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Si Joe McGrath ang nagtuturo sa amin ng Bibliya kasama ng kaniyang tatlong anak na babae. Magiliw at maibigin ang kanilang pamilya, at magalang ang pakikitungo ni “Tito Joe” sa kaniyang asawa at mga anak. Gustong-gusto kong sumasama sa kanilang Kristiyanong pagpupulong. Kung minsan, nagpupunta kami sa malalaking asamblea. Masasayang panahon iyon, at panatag ang loob ko kasama ng mga Saksi.

Ibang-iba ito sa nangyayari sa aming tahanan. Ang paraan ng pamumuhay ni Tatay ay nagdulot ng maraming pasakit kay Nanay, anupat nadepres siya nang husto. Nang mga 10 taon na ako, hindi na nakisama si Nanay sa mga Saksi ni Jehova. Nagpatuloy ako pero parang napipilitan lang, at nabautismuhan sa edad na 17. Ngunit di-nagtagal, nasangkot ako sa di-makakristiyanong paggawi at hindi na ako naging bahagi ng kongregasyon.

NAGPASIYA AKONG BUMALIK

Noong mag-asawa na ako, dinalaw ako ng dalawang tagapangasiwa mula sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar namin. Ipinaliwanag nila kung paano ako makababalik sa Diyos na Jehova, at isinaayos nila na tulungan ako ni Cindy, isang misyonera. Nang panahong iyon, humina na ang pananampalataya ko, kaya hiniling ko sa kaniya na patunayang ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos. Ipinakita niya sa akin ang ilang halimbawa ng mga hula sa Bibliya na natupad na. Naging matalik kaming magkaibigan, at niyaya niya akong pag-aralan namin ang pangunahing mga turo ng Bibliya, na tinanggap ko naman. Sa kauna-unahang pagkakataon, napahalagahan ko na si Jehova ay Diyos ng pag-ibig at gusto niya akong maging maligaya.

Nang dumalo akong muli sa mga Kristiyanong pagpupulong, nadama kong mas enjoy ako kapag ang kasama ko ay mga Saksi kaysa mga taga-showbiz. Ngunit dahil sa mga naranasan ko noong bata pa ako, hiráp akong magtiwala sa mga tao, at naiinis ako sa sarili ko. Natulungan ako ng isang miyembro ng kongregasyon nang ipakita niya sa akin mula sa Bibliya kung paano haharapin ang emosyonal na mga problemang iyon. Natutuhan ko ring magkaroon ng tunay na mga kaibigan.

HIGIT PA SA KATANYAGAN

Noong 1997, kami ng mister ko ay lumipat sa Hollywood, California, E.U.A. Doon, mas nakatulong ako sa mga tao na makinabang mula sa karunungan ng Salita ng Diyos. Mas masaya ako sa pagtuturo ng Bibliya kaysa sa lahat ng katanyagang dala ng pag-aartista. Halimbawa, noong 2002, nagkita kami ni Cheri, na dati kong kakilala sa Hong Kong. Halos magkapareho ang karanasan namin sa buhay. Nauna siya sa akin ng isang taon na naging Miss Hong Kong. Sa katunayan, nang manalo akong Miss Hong Kong, siya ang nagkorona sa akin. Naging artista rin siya at nang maglaon ay naging prodyuser, na gumagawang kasama ng kilaláng mga direktor. Lumipat din siya sa Hollywood.

Awang-awa ako kay Cheri nang malaman kong namatay ang mapapangasawa niya dahil sa atake sa puso. Wala siyang masumpungang kaaliwan sa kaniyang relihiyong Budista. Tulad ko, narating din niya ang katanyagan na kinaiinggitan ng iba, pero malungkot siya at hindi makapagtiwala kaninuman. Ibinahagi ko sa kaniya ang natutuhan ko mula sa Bibliya, pero nahirapan siyang pahalagahan ito dahil isa siyang Budista.

Ang kaibigan kong si Cheri sa isang set ng pelikula

Isang araw noong 2003, tumawag sa akin si Cheri mula sa Vancouver, Canada, kung saan gumagawa siya ng pelikula. Tuwang-tuwang sinabi niya sa akin na habang nagmamaneho siya at hinahangaan ang magagandang tanawin, bigla siyang nanalangin nang malakas: “Sabihin mo sa akin, Sino ang tunay na Diyos? Ano ang pangalan mo?” Nang sandaling iyon, nakakita siya ng isang Kingdom Hall at nakita ang pangalang Jehova. Inisip niya na iyon ang sagot sa kaniya ng Diyos, kaya gusto niyang makakita agad ng mga Saksi ni Jehova. Gumawa ako ng paraan, at sa loob lang ng ilang araw, dumalo na siya ng pulong sa isang Chinese Congregation sa Vancouver.

“Talagang interesado sa akin ang mga taong ito,” ang sabi sa akin ni Cheri. “Nasasabi ko sa kanila ang niloloob ko.” Tuwang-tuwa akong marinig iyon, kasi nang nasa showbiz pa si Cheri, wala siyang kaibigan. Patuloy na dumalo si Cheri sa mga pulong. Pero noong 2005, pumirma siya ng kontrata para gumawa ng dalawang epic film sa China, kaya bumalik siya ng Hong Kong. Nakatutuwa, noong 2006, inialay ni Cheri ang buhay niya kay Jehova at nabautismuhan sa asamblea ng mga Saksi sa Hong Kong. Bagaman gusto niyang higit pang paglingkuran si Jehova, nahahadlangan siya ng trabaho niya, kaya hindi siya masaya.

ANG KAGALAKAN NG PAGTULONG SA IBA

Noong 2009, nagbago ang buhay ni Cheri. Nagdesisyon siyang iwan ang industriya ng pelikula upang lubusang paglingkuran si Jehova. Nagkaroon siya ng maraming bagong kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. Naging buong-panahong mángangarál siya ng mabuting balita ng Kaharian at masayang tumutulong sa mga tao na magkaroon ng mas magandang buhay.Mateo 24:14.

Pagkatapos, nag-aral si Cheri ng wikang Nepalese para suportahan ang dumaraming grupo ng mga Saksi sa Hong Kong na nagsasalita ng Nepalese. Karamihan ng mga Nepalese sa Hong Kong ay hindi pinapansin o hinahamak pa nga dahil hindi sila gaanong makapagsalita ng Ingles o Chinese at dahil iba ang mga kaugalian nila. Sinabi sa akin ni Cheri na gustong-gusto niyang tulungan ang mga taong ito na maunawaan ang Bibliya. Isang araw, nang nagbabahay-bahay si Cheri, may natagpuan siyang babaeng Nepalese na may kaunting nalalaman tungkol kay Jesus pero walang kaalam-alam tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Gamit ang Bibliya, ipinakita ni Cheri na si Jesus ay nanalangin sa kaniyang Ama sa langit. Nang maunawaan ng babae na puwede siyang manalangin sa tunay na Diyos na si Jehova, tinanggap niya ang mabuting balita. Di-nagtagal, nag-aaral na rin ng Bibliya ang kaniyang asawa at anak na babae.Awit 83:18; Lucas 22:41, 42.

Si Cheri ngayon

Nang makita ko kung gaano kasaya si Cheri sa buong-panahong pangangaral, naitanong ko sa aking sarili, ‘Ano ang pumipigil sa akin na gawin ang ginagawa niya?’ Nang panahong iyon, sa Hong Kong din ako nakatira. Inayos ko ang aking buhay para higit pang makibahagi sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Talagang masaya ako sa pakikinig sa mga tao at sa pagtulong sa kanila na maunawaan ang Salita ng Diyos.

Talagang masaya ako sa pagtulong sa mga tao na maunawaan ang Salita ng Diyos

Halimbawa, naturuan ko sa Bibliya ang isang babaeng Vietnamese na laging malungkot at madalas na umiiyak. Ngayon, may positibong pananaw na siya sa buhay at masaya kasama ng mga kapatid sa kongregasyon.

Nasumpungan namin ni Cheri ang isang bagay na higit pa sa katanyagan. Bagaman kapana-panabik ang buhay-artista at nagdala ito sa amin ng katanyagan, mas kasiya-siya ang pagtuturo sa mga tao tungkol sa Diyos na Jehova dahil nagbibigay ito ng kaluwalhatian sa kaniya. Talagang nagkatotoo sa amin ang sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”Gawa 20:35.