BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Akala Ko Masaya Na ang Buhay Ko
-
ISINILANG: 1982
-
BANSANG PINAGMULAN: POLAND
-
DATING MARAHAS, ADIK, AT MAY MAGANDANG PROPESYON
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa isang maliit na bayan sa Poland, di-kalayuan sa border ng Germany. Tahimik ang buhay ko sa lugar na napaliligiran ng kabukiran at kagubatan. Hinimok ako ng aking maibiging mga magulang na maging mabuting tao, mag-aral nang mabuti, at magkaroon ng magandang propesyon.
Nagsimula ang problema ko nang mag-aral ako ng abogasya sa isang unibersidad sa lunsod ng Wrocław. Palibhasa’y malayo ako sa aking mga magulang, nagkaroon ako ng mga barkada na hindi mabuting impluwensiya. Paborito ko ang soccer, pero lalo akong nahumaling dito dahil sa mga bago kong kabarkada. Ang paborito kong team ay mula sa Warsaw, at tuwing Sabado’t Linggo, sinusundan ko sila saanman sila maglaro. Puro inuman at pagdodroga ang nangyayari doon, at kung minsa’y napapaaway kami sa mga tagasuporta ng kalabang team. Paraan ko ito para matakasan ang stress sa araw-araw, kahit na alam kong maaaring masira ang propesyon ko kapag nahuli ako ng mga pulis.
Mahilig kaming magpunta ng mga barkada ko sa mga club at disco. Pero madalas kaming mapaaway doon. Ilang beses akong naaresto ng mga pulis, pero lagi ko itong nalulusutan—kung minsan sa pamamagitan ng suhol. Akala ko talagang masaya na ako sa buhay ko. Pero alam kong mali ang ginagawa ko. Nagsisimba ako tuwing Linggo para hindi ako makonsensiya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Noong 2004, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa aking pinto, at pumayag akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila. Nang marami na akong natututuhan tungkol sa kahulugan ng pagiging tunay na Kristiyano, nakonsensiya na ako nang husto. Alam ko na kailangan kong ihinto ang malakas na pag-inom, pagdodroga, at pakikisama sa mga taong hindi namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Agresibo ako at marahas, at alam kong dapat ko rin itong baguhin. Pero wala akong ginawang pagbabago.
Biglang nagbago ang buhay ko nang isang gabing mapaaway ako sa walong tao. Natatandaan kong nakahiga ako sa kalye habang sinusuntok at sinisipa sa ulo. Akala ko mamamatay na ako, kaya nanalangin ako: “Patawad po, Diyos na Jehova, dahil hindi ko sineryoso ang iyong Salita. Kung mabubuhay ako, nangangako po akong makikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at aayusin ko na ang aking buhay.” mag-aral ng Bibliya.
Laking gulat ko, nakaligtas nga ako. Tinupad ko ang aking pangako naNoong 2006, lumipat ako sa England. Gusto kong kumita ng sapat na pera para makakuha pa ng karagdagang degree sa abogasya sa Poland. Habang patuloy akong nag-aaral ng Bibliya, isang teksto ang tumatak sa isip ko. Sumulat si apostol Pablo: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.” (Filipos 3:8) Gaya ko, si apostol Pablo ay nagtapos ng abogasya—at siya rin noon ay napakarahas na tao. (Gawa 8:3) Gayunman, nakita niya na may mas mabuting paraan ng pamumuhay: ang paglilingkod sa Diyos at paggawa ng buong makakaya para tularan si Jesus. Nang pag-isipan ko ang halimbawa ni Pablo, nalaman ko na ang propesyong may malaking kita at ang pagiging marahas ay hindi susi sa kaligayahan. Kumbinsido ako na kung nagawa ni Pablo na magbago, magagawa ko rin iyon. Kaya nagpasiya akong manatili sa England at huwag nang kumuha ng karagdagang degree sa abogasya.
Habang natututo ako tungkol kay Jehova, lalo akong napapalapít sa kaniya. Naantig ako sa pangako niya na patatawarin niya ang mga gusto talagang magbago. (Gawa 2:38) At nang pag-isipan ko ang 1 Juan 4:16, na nagsasabing “ang Diyos ay pag-ibig,” naunawaan ko kung bakit kinapopootan ng Diyos ang karahasan.
Gusto kong maging bahagi ng masayang kapatiran ng mga Saksi
Humanga rin ako sa ugali ng mga Saksi. Kitang-kita ko na sinisikap nilang mamuhay ayon sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya. Gusto kong maging bahagi ng masayang kapatiran nila. Pagkatapos ng ilang pagpupunyagi at pagbabago sa aking buhay, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong 2008.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Binago ako ng Bibliya—mula sa pagiging ambisyoso, marahas, adik, malakas uminom, sobrang mahilig sa soccer, isa na akong lingkod ng Diyos ngayon na masayang nagtuturo ng Bibliya sa iba. Nag-e-enjoy pa rin akong manood ng soccer, pero determinado akong panatilihin ito sa tamang dako.
May asawa na ako ngayon at masaya sa piling ng aking magandang asawa, si Esther, na sumasamba rin kay Jehova. Tunay na kaligayahan ang nararanasan namin sa pagtuturo ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Polish dito sa hilagang-kanluran ng England. Ngayon lang ako nakadama ng tunay na kasiyahan sa buhay. Mayroon akong malinis na budhi at masayang buhay.