Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG NG MGA MAMBABASA

Ano ang Mali sa mga Kaugalian sa Pasko?

Ano ang Mali sa mga Kaugalian sa Pasko?

Matagal nang inilalarawan ang Pasko bilang isang tradisyonal na kapistahang Kristiyano para ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus. Pero maitatanong natin kung ano nga ba ang kaugnayan ng maraming kaugalian tuwing Pasko sa kapanganakan ni Jesus.

Una, nariyan ang alamat ni Santa Claus. Ang Santa Claus na ito na inilarawang masayahin, may puting balbas, mamula-mulang pisngi, at nakasuot ng pulang damit ay naging sikat na advertisement ng Pasko para sa isang inumin sa Hilagang Amerika noong 1931. Noong dekada ng 1950, sinubukan ng ilang taga-Brazil na palitan si Santa Claus ng kanilang katutubong Grandpa Indian. Ang resulta? Hindi lang tinalo ni Santa Claus si Grandpa Indian kundi “tinalo [pa nga] ang batang si Jesus at naging opisyal na kinatawan ng kapistahan kung Disyembre 25,” ang sabi ni Propesor Carlos E. Fantinati. Ngunit ang mga alamat lang ba na gaya ni Santa Claus ang mali sa pagdiriwang ng Pasko? Para masagot ito, balikan natin ang sinaunang Kristiyanismo.

“Noong unang dalawang siglo ng Kristiyanismo, mahigpit na tinutulan ang pagdiriwang ng kapanganakan ng mga martir o ni Jesus,” ang sabi ng Encyclopedia Britannica. Bakit? Para sa mga Kristiyano, ang pagdiriwang ng kapanganakan, o birthday, ay isang kaugaliang pagano na dapat iwasan. Ang totoo, hindi binabanggit sa Bibliya ang petsa ng kapanganakan ni Jesus.

Noong ikaapat na siglo C.E., sa kabila ng paninindigan ng unang mga Kristiyano laban sa kaugalian ng pagdiriwang ng mga birthday, pinasimulan ng Simbahang Katoliko ang Pasko. Gusto ng simbahan na palakasin ang impluwensiya nito sa pamamagitan ng pag-aalis sa isa sa mga pangunahing hadlang—ang popular na mga paganong relihiyong Romano at ang kanilang mga kapistahan ng winter solstice. Taon-taon, mula Disyembre 17 hanggang Enero 1, “karamihan ng mga Romano ay naghahanda, naglalaro, walang-taros na nagsasaya, nagpaparada, at nakikisali sa iba pang kapistahan habang nagpupugay sa kanilang mga bathala,” ang sabi ng Christmas in America, ni Penne L. Restad. Tuwing Disyembre 25 naman, ipinagdiriwang ng mga Romano ang kapanganakan ng Di-malulupig na Araw. Nang simulang ipagdiwang ang Pasko noong araw na iyon, hinikayat ng simbahan ang maraming Romano na ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus sa halip na ang kapanganakan ng araw. Ang mga Romano ay “nasisiyahan pa rin sa mga dekorasyong nauugnay sa mga kapistahang ito sa kalagitnaan ng taglamig,” ang sabi ng Santa Claus, a Biography, ni Gerry Bowler. Ang totoo, “ipinagdiwang [nila] ang bagong kapistahan gamit ang dating mga kaugalian.”

Maliwanag, ang pangunahing dahilan kung bakit maling ipagdiwang ang Pasko ay dahil sa di-magandang pinagmulan nito. Sa kaniyang aklat na The Battle for Christmas, tinukoy ni Stephen Nissenbaum ang Pasko bilang “isang paganong kapistahan lang na pinagmukhang Kristiyano.” Kaya ang Pasko ay isang paglapastangan sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Maliit na bagay lang ba ito? Ang Bibliya ay nagtatanong: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?” (2 Corinto 6:14) Gaya ng baluktot na katawan ng isang puno, ang Pasko ay maling-mali anupat ito ay “hindi maitutuwid.”—Eclesiastes 1:15.