Anemia—Mga Dahilan, Sintomas, at Paggamot
“Nagkaroon ako ng anemia noong tin-edyer ako,” ang sabi ni Beth. “Matamlay ako, mabilis akong mapagod, sumasakit ang mga buto ko, at nahihirapan akong magpokus. Niresetahan ako ng doktor ng mga iron supplement. Ininom ko ’yon, at kumain ako ng masustansiyang mga pagkain. At unti-unting gumanda ang pakiramdam ko.”
Karaniwan na lang sa ngayon ang sakit ni Beth. Ayon sa World Health Organization (WHO), dalawang bilyong tao—mga 30 porsiyento ng populasyon ng mundo—ang anemic. Sa papaunlad na mga bansa, tinatayang 50 porsiyento ng mga buntis at 40 porsiyento ng mga bata sa preschool ang anemic.
Puwedeng magdulot ng ibang mga sakit ang anemia. Puwede pa nga itong mauwi sa sakit sa puso. Sa ilang bansa, “20% ng namamatay habang nagdadalang-tao” ay dahil sa anemia, ang sabi ng WHO. Ang mga sanggol na ipinapanganak ng mga nanay na may iron-deficiency anemia—ang pinakakaraniwang uri ng anemia—ay puwedeng maging kulang sa buwan at timbang. Posibleng bumagal ang paglaki ng mga batang anemic, at mas madali silang kapitan ng sakit. Pero puwedeng maiwasan o magamot ang iron-deficiency anemia. a
Ano ang Anemia?
Ang anemia ay isang sakit. Ang mga taong may anemia ay kulang ng pulang selula ng dugo, at iba-iba ang dahilan nito. Ang totoo, natuklasan ng mga siyentipiko ang mahigit 400 uri ng anemia! May anemia na gumagaling, at mayroon ding malala.
Bakit Nagkakaroon ng Anemia ang Isang Tao?
May tatlong pangunahing dahilan:
Nababawasan ang pulang selula ng dugo sa katawan dahil sa pagdurugo.
Hindi makagawa ang katawan ng sapat na pulang selula ng dugo.
Sinisira ng katawan ang mga pulang selula ng dugo.
Ang iron-deficiency anemia ay itinuturing na pinakakaraniwang uri ng anemia. Kapag kulang ang iron sa katawan, hindi ito makagawa ng sapat na hemoglobin, isang substansiya sa loob ng mga pulang selula ng dugo na tumutulong para makapaghatid ang mga ito ng oxygen.
Ano ang mga Sintomas ng Iron-Deficiency Anemia?
Baka hindi ganoon kalubha ang anemia sa simula. Baka nga hindi pa alam ng isang tao na mayroon siya nito. Iba-iba ang sintomas ng iron-deficiency anemia, kasama na ang sumusunod:
Matinding pagkapagod
Panlalamig ng mga kamay o paa
Panghihina
Pamumutla
Pananakit ng ulo at pagkahilo
Pananakit ng dibdib, mabilis na pagtibok ng puso, at pangangapos ng hininga
Marupok na kuko
Kawalan ng gana sa pagkain, lalo na ng mga sanggol at bata
Kagustuhang kumain ng yelo, starch, o kahit lupa
Sino ang Posibleng Magkaroon Nito?
Ang mga babae ay posibleng magkaroon ng iron-deficiency anemia dahil nawawalan sila ng dugo sa panahon ng pagreregla. Puwede ring magkaroon nito ang mga buntis kung ang kinakain nila ay kulang sa folate, o folic acid, na isang B vitamin.
Sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan o timbang at hindi nakakakuha ng sapat na iron mula sa gatas ng nanay nito o sa formula milk.
Batang hindi kumakain ng masustansiyang mga pagkain.
Vegetarian na ang mga kinakain ay kulang sa iron.
May malubhang sakit, gaya ng sakit sa dugo, cancer, kidney failure, slow-bleeding ulcer, o ilang impeksiyon.
Kung Paano Gagamutin ang Anemia
Hindi lahat ng anemia ay puwedeng maiwasan o magamot. Pero ang anemia na sanhi ng kakulangan ng iron o bitamina ay kadalasan nang naiiwasan o nagagamot sa tulong ng mga pagkaing may ganitong mga sustansiya:
Iron. Makukuha sa karne, beans, lentils, at berde at madahong gulay. b Makakatulong din ang paggamit ng lutuang gawa sa iron. Ayon sa mga pag-aaral, mas napapataas nito ang iron content ng pagkain.
Folate. Makukuha sa prutas, berde at madahong gulay, green peas, kidney beans, keso, itlog, isda, almonds, at mani. Makukuha rin ito sa grain products na mayaman sa bitamina, gaya ng tinapay, cereal, pasta, at kanin. Ang synthetic form ng folate ay folic acid.
Vitamin B-12. Makukuha sa karne, dairy products, fortified cereal, at produktong gawa sa soya.
Vitamin C. Makukuha sa citrus fruit at juice, pepper, broccoli, kamatis, melon, at strawberry. Ang mga pagkaing may vitamin C ay tutulong sa katawan mo na mag-absorb ng iron.
Iba-iba ang pagkain sa bawat lugar. Kaya alamin kung anong mga pagkain sa lugar ninyo ang mayaman sa sustansiyang kailangan mo. Mahalaga iyan kung isa kang babae, lalo na kung buntis ka o nagpaplanong mag-anak. Kung aalagaan mo ang kalusugan mo, mababawasan ang tsansa na maging anemic ang baby mo. c
a Ang mga impormasyon sa artikulong ito tungkol sa dapat kainin at iba pang may kaugnayan dito ay mula sa Mayo Clinic at The Gale Encyclopedia of Nursing and Allied Health. Magpatingin sa doktor kung iniisip mong may anemia ka.
b Huwag uminom ng iron supplement at huwag ding ipainom ito sa iyong anak nang hindi kumokonsulta sa doktor. Ang sobra-sobrang iron ay puwedeng makasira sa atay at magdulot ng iba pang problema.
c Kung minsan, ang solusyon ng mga doktor sa anemia ay ang pagpapasalin ng dugo, isang paraan ng paggamot na hindi tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova.—Gawa 15:28, 29.