Ibinalik ng Dalawang Tagapagsalin ang Pangalan ng Diyos sa Bagong Tipan
Isa sa mga panalanging unang natututuhan ng mga tao ay ang Ama Namin o ang Panalangin ng Panginoon. Itinuro ito ni Jesus sa mga tagasunod niya. Mababasa ang panalanging ito sa tinatawag ngayon na Bagong Tipan. Nag-uumpisa ito sa mga salitang: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Kapansin-pansin na sa mga English translation ng Bagong Tipan, bihirang makita ang pangalan ng Diyos na “Jehovah” o “Yahweh.” Pero makikita sa mga translation na ito ang mga pangalan ng huwad na mga diyos, gaya nina Zeus, Hermes, at Artemis. Kaya hindi ba dapat lang na banggitin din nila ang pangalan ng tunay na Diyos at Awtor ng Bibliya?—Gawa 14:12; 19:35; 2 Timoteo 3:16.
Naniniwala ang mga tagapagsalin ng Bibliya sa wikang English na sina Lancelot Shadwell at Frederick Parker na dapat ibalik sa Bagong Tipan ang pangalan ng Diyos. Bakit para sa kanila kailangan itong ibalik? Kasi nasuri nila na nandoon talaga ang pangalan ng Diyos noong una pero tinanggal ito. Bakit ganoon ang konklusyon nila?
Alam nina Shadwell at Parker na libo-libong ulit na makikita ang personal na pangalan ng Diyos sa mga manuskrito ng tinatawag ngayon na Lumang Tipan, na orihinal na isinulat sa Hebreo. Kaya nagtataka sila kung bakit inalis ang buong anyo ng pangalan ng Diyos sa mga manuskrito ng Bagong Tipan na nababasa nila. a Napansin din ni Shadwell na kapag ginagamit sa mga manuskrito ng Bagong Tipan ang ilang pananalitang galing sa Lumang Tipan, gaya ng “anghel ni Jehova,” lumilitaw na pinapalitan ng mga tagakopya ng Griegong Bagong Tipan ang pangalan ng Diyos. Ginamit nila ang mga terminong gaya ng Kyʹri·os, na nangangahulugang “Panginoon.”—2 Hari 1:3, 15; Gawa 12:23.
Bago pa ilathala nina Shadwell at Parker ang mga English translation nila, ibinalik na rin ng ilang tagapagsalin ang pangalan ng Diyos sa mga English translation ng Bagong Tipan. Pero ibinalik nila ito sa ilang teksto lang. b Lumilitaw na bago ilabas ni Parker ang A Literal Translation of the New Testament noong 1863, walang ibang tagapagsalin sa wikang English ang nagbalik ng pangalan ng Diyos nang maraming ulit sa inilathala nilang Bagong Tipan. Sino sina Lancelot Shadwell at Frederick Parker?
Lancelot Shadwell
Si Lancelot Shadwell (1808-1861) ay isang abogado at miyembro ng Church of England. Anak siya ni Sir Lancelot Shadwell, ang vice-chancellor ng England. Kahit naniniwala siya sa Trinidad, nirerespeto niya ang pangalan ng Diyos. Inilalarawan niya ito bilang “ang maluwalhating pangalan na JEHOVA.” Sa translation niya, na The Gospels of Matthew, and of Mark, ginamit niya ang “Jehovah” nang 28 ulit sa mga teksto at 465 ulit sa mga isinulat niyang paliwanag.
Posibleng dahil nakikita ni Shadwell sa Lumang Tipan ang pangalan ng Diyos, na nasa orihinal na Hebreo, kaya nalaman niya ito. Sinabi niya na “hindi tapat ang mga tagapagsalin” na gumamit ng terminong Kyʹri·os sa Greek translation ng Lumang Tipan kasi pinalitan nila ang pangalan ng Diyos.
Sa translation ni Shadwell, una niyang ginamit ang “Jehovah” sa Mateo 1:20. Sa paliwanag niya para sa tekstong iyon, sinabi niya: “Ang salita na [Kyʹri·os] dito, at sa maraming iba pang teksto sa Bagong Tipan ay nangangahulugang JEHOVA, ang pangalang pantangi ng Diyos: at napakahalaga na ibalik ang salitang ito sa saling English.” Sinabi rin ni Shadwell: “Kailangan ito para maparangalan ang Diyos. Ipinakilala niya ang sarili niya gamit ang pangalang JEHOVA: at ang pinakamagandang magagawa natin ay gamitin ang pangalang iyan kapag tinutukoy natin siya.” Sinabi pa ni Shadwell: “Sa ating E.V. [Established, Authorized, o King James Version] ng Bibliya, bihirang lumitaw ang pangalang JEHOVA . . . Sa halip na pangalan ng Diyos, Panginoon ang mababasa natin.” Sinabi ni Shadwell: “Talagang hindi angkop na ipalit ang titulong Panginoon” sa pangalan ng Diyos. Sinabi pa niya na kahit siya, tinatawag na “Panginoon” sa tahanan niya, o sa lugar nila.
“Ipinakilala ng Diyos ang sarili niya gamit ang pangalang JEHOVA: at ang pinakamagandang magagawa natin ay gamitin ang pangalang iyan kapag tinutukoy natin siya.”—Lancelot Shadwell
Inilathala ni Shadwell ang translation niya ng Mateo noong 1859 at ang pinagsamang bersiyon niya ng Mateo at Marcos noong 1861. Nakakalungkot hindi na niya naipagpatuloy ang ginagawa niya. Namatay siya noong Enero 11, 1861, sa edad na 52. Pero hindi nasayang ang mga pagsisikap niya.
Frederick Parker
Nalaman ng isang mayamang businessman na taga-London ang translation ni Shadwell ng aklat ng Mateo. Siya si Frederick Parker (1804-1888). Mga 20 years old siya nang umpisahan niyang isalin ang Bagong Tipan. Di-gaya ni Shadwell, hindi naniniwala si Parker sa turo ng Trinidad. Isinulat niya: “[Nawa] ang buong Simbahan ng minamahal na Anak ng [Diyos] . . . ay buong pusong yumakap sa katotohanan . . . at sambahin ang nag-iisang Kataas-taasang si Jehova.” Dahil ginamit ng mga manuskrito ng Bagong Tipan ang salitang Kyʹri·os para sa mga terminong Panginoong Diyos at Panginoong Jesus, naramdaman ni Parker na mahirap nang malaman ang kaibahan ng dalawang terminong ito. Kaya naging interesado siya noong makita niya na ginamit ni Shadwell sa ilang teksto ang pangalang “Jehovah” imbes na Kyʹri·os.
Paano ito naintindihan ni Parker? Nag-aral siya ng wikang Greek at sumulat ng ilang aklat at tract tungkol sa balarila nito. Naging miyembro din siya ng Anglo-Biblical Institute, na nagre-research ng mga manuskrito ng Bibliya para mas mapaganda ang mga Bibliyang English. Noong 1842, sinimulang ilathala ni Parker ang unang translation niya ng ilang bahagi at edisyon ng Bagong Tipan. c
Mga Ginawa ni Parker Para Ibalik ang Pangalan ng Diyos
Sa loob ng ilang taon may mga isinulat si Parker tungkol sa mga tanong na gaya ng: “Kailan tumutukoy sa Panginoong Jesus ang Kyʹri·os, at kailan naman ito tumutukoy sa Panginoong Diyos?” “Bakit madalas gamitin ang Kyʹri·os bilang pangalan at hindi titulo?”
Nang makita ni Parker ang 1859 na translation ni Shadwell ng Mateo at ang mga komento nito tungkol sa Kyʹri·os, nakumbinsi siya na sa ilang konteksto ang Kyʹri·os ay “dapat isalin na Jehova.” Kaya binago niya ang translation niya ng Bagong Tipan. Inilagay niya ang “Jehovah” sa mga teksto na sa tingin niya ay dapat itong nandoon—batay sa konteksto o balarila ng tekstong Griego. Kaya sa 1863 edisyon ng A Literal Translation of the New Testament ni Parker, makikita nang 187 ulit ang pangalan ng Diyos sa mga teksto. Lumilitaw na ito ang pinakaunang inilathalang English version na gumamit ng banal na pangalan sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. d
Noong 1864, inilabas din ni Parker ang A Collation of an English Version of the New Testament . . . With the Authorized English Version. Pinagsama niya ang dalawang bersiyon ng Bagong Tipan para ipakita kung saan at paano naiiba ang bersiyon niya. e
Para ipakita na mahalagang ibalik ang pangalan ng Diyos, itinawag-pansin ni Parker ang ilang teksto sa Authorized Version, gaya ng Roma 10:13: “Sapagkat ang sinumang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” Itinanong ni Parker: “May [sinuman] bang nag-isip na ang mga tekstong ito mula sa Authorized English Version na si Jehova, at hindi ang Anak, si Jesu-Kristo na ating Panginoon, ang tinutukoy”?
Napakalaki ng nagastos ni Parker para ilathala at ipakilala ang mga tract at isinulat niya. Ang totoo, sa loob lang ng isang taon, gumastos siya ng 800 pounds, na katumbas ngayon ng mahigit 100,000 British pounds. ($132,000 U.S.) Nagpadala rin siya ng mga libreng kopya ng maraming publikasyon niya sa mga kakilala niya at sa matataas na klero para masuri nila ito.
Minaliit ng ilang iskolar ang mga isinulat ni Parker pati na ang mga translation niya ng Bagong Tipan, na iilang kopya lang ang naimprenta. Kaya sa ginawa nila, hindi nila pinahalagahan ang mga pagsisikap nina Parker, Shadwell at ng iba pa, na ibalik ang pangalan ng Diyos sa mga English na Bagong Tipan.
Puwede mo ring panoorin ang 10-minutong video: Tour sa Warwick Museum: “The Bible and the Divine Name.”
a Ang “Jah,” pinaikling anyo ng pangalang “Jehova,” ay makikita sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6 sa pananalitang “Hallelujah,” na nangangahulugang “Purihin ninyo si Jehova!”
b Hindi nai-translate ni Shadwell ang buong Bagong Tipan. Kasama sa ilang tagapagsalin sina Philip Doddridge, Edward Harwood, William Newcome, Edgar Taylor, at Gilbert Wakefield.
c Para maihiwalay ang negosyo niya sa ginagawa niyang pagsusuri sa Bibliya, ginamit ni Parker ang pangalang Herman Heinfetter sa kaniyang mga relihiyosong akda at mga translation ng Bibliya. Maraming beses na lumitaw ang pangalang ito sa apendise ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.
d Noong 1864, inilabas ni Parker ang An English Version of the New Testament kung saan 186 na ulit ginamit ang pangalan ng Diyos.
e Bago inilabas ang translation ni Parker, maraming Hebrew translation ng Bagong Tipan ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa iba’t ibang teksto. Noong 1795, naglathala din si Johann Jakob Stolz ng isang German translation. Ginamit dito ang pangalan ng Diyos nang mahigit 90 ulit mula Mateo hanggang Judas.