Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
Maraming nakakaranas ng kawalang-katarungan. Tingnan ang dalawang halimbawa ng mga taong ibinilanggo kahit walang kasalanan:
Noong Enero 2018, iniutos ng isang judge sa United States na palayain ang isang lalaki na halos 38 taon nang nakabilanggo. Napatunayan na wala siyang kasalanan dahil sa isang ebidensiya na base sa DNA.
Noong Setyembre 1994, tatlong kabataang lalaki sa isang lupain sa Africa ang ibinilanggo nang tumanggi silang magsundalo dahil sa kanilang konsensiya. Pagdating ng Setyembre 2020, nakabilanggo na sila nang 26 na taon kahit na hindi pa sila kinakasuhan o nalilitis sa korte.
Kung nakaranas ka na ng kawalang-katarungan, baka maintindihan mo ang sinabi ng karakter sa Bibliya na si Job: “Patuloy akong humihingi ng tulong, pero walang katarungan.” (Job 19:7) Totoo, baka mukhang imposible na makamit ang tunay na katarungan, pero nangangako ang Bibliya na darating ang panahon na talagang magkakaroon ng katarungan. Bukod diyan, matutulungan ka rin nito na makayanan ang kawalang-katarungan ngayon.
Bakit may kawalang-katarungan?
Nagkakaroon ng kawalang-katarungan dahil may mga taong hindi sumusunod sa patnubay ng Diyos. Ipinapakita ng Bibliya na ang tunay na katarungan ay mula sa Diyos. (Isaias 51:4) Sa Bibliya, magkaugnay ang mga salitang isinaling “katarungan” at “katuwiran.” (Awit 33:5) Ang resulta ng mga bagay na matuwid, o tama ayon sa pamantayan ng Diyos, ay katarungan. Ang pinagmumulan naman ng kawalang-katarungan ay kasalanan, o ang paglabag sa mga pamantayan ng Diyos. Tingnan ang mga halimbawang ito:
Pagiging makasarili. Ang makasariling pagnanasa at ang kasalanan ay magkaugnay. (Santiago 1:14, 15) Marami ang nananamantala ng iba para lang makuha ang gusto nila. Pero gusto ng Diyos na isipin natin ang kapakanan ng iba kaysa ang sa atin.—1 Corinto 10:24.
Kawalang-alam. Baka hindi alam ng ilan na nakakasakit na pala sila, pero kasalanan pa rin iyon sa paningin ng Diyos. (Roma 10:3) Ang totoo, dahil sa kawalang-alam ng mga tao, nagawa nila ang isa sa pinakamatinding kawalang-katarungan—ang pagpatay kay Jesu-Kristo.—Gawa 3:15, 17.
Hindi maaasahang sistema ng tao. Itinatag ng mga tao ang politikal, komersiyal, at relihiyosong mga organisasyon para magkaroon ng katarungan at hustisya sa mundo. Pero ang totoo, madalas na ang mga organisasyong ito ang pinagmumulan ng mga pagkakamali, katiwalian, diskriminasyon, kasakiman, at pagkakaiba-iba ng estado sa buhay. Posibleng mauwi ang mga ito sa kawalang-katarungan. Maganda naman ang intensiyon ng mga taong nagtatag ng ilan sa mga sistemang ito. Pero kahit gaano pa kabuti ang motibo nila, kung hindi nila susundin ang patnubay ng Diyos, hindi maganda ang kalalabasan.—Eclesiastes 8:9; Jeremias 10:23.
May pakialam ba ang Diyos sa nararanasan nating kawalang-katarungan?
Mayroon. Ang totoo, kinapopootan niya ang kawalang-katarungan, pati na ang mga ugali at gawain na pinagmumulan nito. (Kawikaan 6:16-18) Ginabayan niya ang propetang si Isaias para isulat: “Ako, si Jehova, a ay umiibig sa katarungan; napopoot ako sa pagnanakaw at kasamaan.”—Isaias 61:8.
Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel ay patunay na gusto niya silang maging makatarungan. Sinabi niya sa mga hukom nila na hindi sila puwedeng tumanggap ng suhol at na hindi nila dapat baluktutin ang hustisya. (Deuteronomio 16:18-20) Nagalit siya sa mga masuwaying Israelita na nanamantala sa mahihirap at mga kaawa-awa. Bandang huli, itinakwil niya sila dahil hindi nila sinunod ang mga utos niya.—Isaias 10:1-3.
Aalisin ba ng Diyos ang kawalang-katarungan?
Oo. Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, aalisin ng Diyos ang kasalanan, ang pinagmumulan ng kawalang-katarungan. Gagawin din niyang perpekto ang mga tao, gaya ng gusto niya talaga para sa kanila. (Juan 1:29; Roma 6:23) Nagtatag din siya ng isang Kaharian para magkaroon ng matuwid na sanlibutan kung saan hindi na makakaranas ng kawalang-katarungan ang mga tao. (Isaias 32:1; 2 Pedro 3:13) Para matuto pa tungkol sa Kahariang ito sa langit, panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ano kaya ang magiging buhay sa matuwid na bagong sanlibutan?
Kapag may katarungan na sa buong lupa, magiging payapa at panatag na ang lahat. (Isaias 32:16-18) Mahalaga sa Diyos ang lahat ng tao, at magiging pantay-pantay ang trato niya sa lahat. Mawawala na ang lungkot at pagdurusa na dulot ng kawalang-katarungan. Unti-unti ring malilimutan ang masasakit na alaala nito. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:3, 4) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?”
Makakapagtiwala ka ba talaga sa pangako ng Diyos na mawawala na ang kawalang-katarungan?
Oo. May mga ebidensiya na totoo ang sinasabi ng Bibliya pagdating sa mga hula, kasaysayan, at siyensiya. Magkakatugma rin ang mga nilalaman nito. Kaya makakapagtiwala ka sa mga pangako nito. Makakatulong sa iyo ang sumusunod:
Dapat ba tayong makipaglaban para makamit ang katarungan sa ngayon?
Noong panahon ng Bibliya, gumawa ng paraan ang ilang mabubuting tao para maiwasan ang kawalang-katarungan. Halimbawa, muntik nang litisin si apostol Pablo nang di-makatarungan at mahatulang mamatay. Hindi niya basta tinanggap na lang ang sitwasyon, kundi ginamit niya ang batas at umapela kay Cesar.—Gawa 25:8-12.
Pero hindi kayang alisin ng mga tao ang lahat ng kawalang-katarungan sa mundo. (Eclesiastes 1:15) Kaya para sa marami, nakatulong ang pagtitiwala sa pangako ng Diyos na magkakaroon ng matuwid na bagong sanlibutan. Dahil dito, naging panatag sila kahit nakakaranas ng kawalang-katarungan.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.