Sino ang Magliligtas sa Lupa?
Nag-aalala ang marami dahil sinisira ng mga tao ang lupa at naaapektuhan ang mga nabubuhay dito. Sinabi ng ilang eksperto sa kalikasan na napakatindi na ng nagagawang pinsala ng mga tao ngayon. Dahil diyan, nanganganib ang maraming uri ng buhay sa lupa.
Tuluyan bang masisira ng mga tao ang lupa? O matututo kaya silang mabuhay nang hindi sinisira ang kalikasan?
Maililigtas ba ng mga tao ang lupa?
Naniniwala ang maraming eksperto na kayang protektahan ng mga tao ang lupa at mabuhay nang hindi ito sinisira. Sinasabi ng ilang mananaliksik na magagawa lang ito kung sabay-sabay na gagawin ang iba’t ibang klase ng pagbabago gaya ng:
Pagpapabuti ng pangangalaga sa mga lupain, gubat, latian, at dagat.
Paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtatanim at pinagkukunan ng enerhiya.
Pagbabago sa sistema ng pagsusuplay ng pagkain—mas maraming gulay at prutas at mas kaunting karne at isda. Babawasan din ang pagkonsumo at pag-aaksaya ng pagkain.
Pagtanggap na ang masayang buhay ay hindi nakadepende sa dami ng ari-arian.
Ano sa palagay mo? Makatotohanan bang isipin na magtutulungan sa ganiyang paraan ang mga nasa gobyerno, negosyante, at iba pang tao? O naiisip mo bang imposible ito dahil sa mga taong sakim, makasarili, at walang pakialam sa mangyayari sa hinaharap?—2 Timoteo 3:1-5.
May pag-asa
Sinasabi ng Bibliya na hindi tuluyang masisira ang ating planeta. Ipinapaliwanag nito kung bakit hindi kayang iligtas ng mga tao ang lupa. Sinasabi rin nito kung ano ang dapat baguhin at kung paano ito mangyayari.
Kung bakit hindi kayang iligtas ng mga tao ang lupa. Nilalang ng Diyos na Jehova a ang lupa, at ibinigay niya sa mga tao ang responsibilidad na alagaan ito. (Genesis 1:28; 2:15) Magagawa lang nila iyan kung susundin nila ang patnubay ng kanilang Maylalang. (Kawikaan 20:24) Pero sinuway nila si Jehova at nagsarili sila. (Eclesiastes 7:29) Hindi kayang alagaan ng mga tao ang lupa nang sila lang. At kahit magsikap pa sila nang husto, limitado lang ang kaya nilang gawin.—Kawikaan 21:30; Jeremias 10:23.
Kung ano ang dapat baguhin. Aalisin ng Diyos ang mga taong nagpapahamak sa lupa. (Apocalipsis 11:18) Hindi niya planong ayusin ang mga gobyerno at ang lipunan ng tao na sumisira sa ating planeta; papalitan niya ang mga ito. (Apocalipsis 21:1) Kaya sinabi ni Jehova: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:5.
Kung paano mangyayari ang pagbabago. Papalitan ni Jehova ang mga gobyerno ng tao ng gobyernong nasa langit. Tinatawag itong Kaharian ng Diyos. Pamamahalaan ng gobyernong ito ang buong lupa sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo.—Daniel 2:44; Mateo 6:10.
Ituturo ng Kaharian ng Diyos sa mga tao kung paano mamumuhay ayon sa pamantayan ng Diyos. Kung kikilalanin nila na ang Diyos ang Maylalang at susundin ang utos niya, kaya nilang mabuhay nang hindi sinisira ang kalikasan. (Isaias 11:9) Ipinapakita ng Bibliya na sa ilalim ng gobyerno ng Diyos, magiging masaya ang buhay ng mga tao nang hindi nasisira ang planeta. Ano-ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos?
Maglalaan ito ng pagkain para sa lahat.—Awit 72:16.
Ibabalik nito ang dating ganda ng lupa.—Isaias 35:1, 2, 6, 7.
Titiyakin nitong maaalagaan ng mga tao ang mga hayop at na hindi sila sasaktan ng mga ito.—Isaias 11:6-8; Oseas 2:18.
Aalisin nito ang mga likas na sakuna.—Marcos 4:37-41.
Malapit nang gawin ng Kaharian ng Diyos ang mga pagbabagong ito. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Kailan Mamamahala sa Lupa ang Kaharian ng Diyos?”
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.