Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ahmad Gharabli/AFP via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Maiiwasan Ba ang mga Sakunang Resulta ng Climate Change Kahit Magkaisa ang mga Bansa?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Maiiwasan Ba ang mga Sakunang Resulta ng Climate Change Kahit Magkaisa ang mga Bansa?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Noong Linggo, Nobyembre 20, 2022, natapos ang COP27 United Nations Climate Change Conference. Pumayag ang dumalong mga lider at eksperto na magbigay ng pera sa mas mahihirap na bansa para tulungan sila kapag may sakuna. Pero naniniwala ang karamihan sa kanila na hindi pa rin nito masosolusyunan ang climate change.

  •   “Masaya ako sa desisyong magbigay ng pera para sa mga nasalanta,” ang sabi ni António Guterres, secretary-general ng United Nations, noong Nobyembre 19, 2022. “Pero alam nating kulang pa rin iyon . . . Naghihingalo pa rin ang planeta natin.”

  •   “Posible pa ring magkaroon ng malalaking sakuna dahil sa climate change.”—Mary Robinson, dating presidente ng Ireland at dating UN High Commissioner for Human Rights, Nobyembre 20, 2022.

 Mas nag-aalala ang mga kabataan sa mangyayari sa planeta natin. Pero kaya bang magtulungan ng mga bansa at tuparin ang mga pangako nila para masolusyunan ang climate change? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Magkakaisa ba ang mga bansa at magtatagumpay?

 Sinasabi ng Bibliya na kahit gustuhin pa ng mga bansa at kahit magsikap sila, limitado pa rin ang magagawa nila para masolusyunan ang climate change. Tingnan ang dalawang dahilan:

  •   “Ang baluktot ay hindi maitutuwid.”—Eclesiastes 1:15.

     Ibig sabihin: Limitado ang nagagawa ng mga gobyerno kasi hindi talaga kayang pamahalaan ng tao ang sarili nila. (Jeremias 10:23) Kahit magkaisa ang mga bansa at gawin nila ang buong makakaya nila, hindi pa rin nila kayang solusyunan ang mga problema sa mundo.

  •   “Dahil ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, . . . ayaw makipagkasundo.”—2 Timoteo 3:2, 3.

     Ibig sabihin: Inihula sa Bibliya na magiging makasarili ang karamihan sa mga tao ngayon. Hindi rin sila magtutulungan para mapabuti ang iba.

May pag-asa

 Hindi nakadepende sa mga pangako ng mga gobyerno ang kinabukasan ng planeta natin. Pero pinili ng Diyos si Jesu-Kristo. Kayang-kaya niyang pamahalaan ang lupa. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya:

  •   “Ang pamamahala ay iaatang sa balikat niya. Siya ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6.

 Si Jesus ang Hari ng Kaharian ng Diyos, o gobyerno sa langit. (Mateo 6:10) Mayroon siyang kapangyarihan at karunungan. At gusto niyang alagaan ang planeta natin at ang mga nakatira dito. (Awit 72:12, 16) Aalisin ng gobyerno sa langit ang lahat ng “sumisira sa lupa” at aayusin ang planetang ito.—Apocalipsis 11:18, talababa; Isaias 35:1, 7.

 Para malaman ang permanenteng solusyon sa climate change, basahin ang artikulong “Climate Change at ang Kinabukasan Natin—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?