Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matatapos Pa Kaya ang Korapsiyon sa Gobyerno?

Matatapos Pa Kaya ang Korapsiyon sa Gobyerno?

 Problema sa buong mundo ang korapsiyon at napakasama ng epekto nito. a Halimbawa, sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, inaakusahan ang mga opisyal sa iba’t ibang bansa na ginagamit daw ng mga ito ang pondo para sa pandemic para sa sarili nilang kapakanan. Dahil sa korapsiyong ito, hindi naibibigay ang tulong na kailangan ng mga tao. Kaya marami ang nagdusa at namatay.

 Nagdulot ng napakalaking problema ang korapsiyon sa gobyerno. Sinabi ni David Cameron, dating prime minister ng United Kingdom: “Ang korapsiyon ay isang malaking bahay ng gagamba, at ang lahat ng bansa ay na-trap na dito.”

 Pero makakaasa tayong malapit nang matapos ang lahat ng korapsiyon sa gobyerno. Bakit? Tingnan ang sinasabi ng Bibliya na gagawin ng Diyos.

Kung bakit tayo makakapagtiwalang kikilos ang Diyos laban sa korapsiyon

 Sa Bibliya, sinabi ng Diyos: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan; napopoot ako sa pagnanakaw at kasamaan.” b (Isaias 61:8) Nakikita ng Diyos ang mga taong nagdurusa dahil sa korapsiyon. (Kawikaan 14:31) Kaya nangangako siya: “Dahil inaapi ang mahihina, . . . kikilos ako.”​—Awit 12:5.

 Ano ang gagawin ng Diyos? Imbes na baguhin ang mga gobyerno ngayon, papalitan niya ito ng sarili niyang gobyerno sa langit, na tinatawag na “Kaharian ng Diyos.” (Marcos 1:14, 15; Mateo 6:10) Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [iba pang kaharian], at ito lang ang mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44) Maliwanag, kikilos ang Diyos para tapusin ang mga korapsiyon sa ngayon.

Isang gobyernong walang korapsiyon

 Paano natin masasabing walang korapsiyon sa Kaharian ng Diyos? Pag-isipan ang sumusunod.

  1.  1. Kapangyarihan. Galing sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang kapangyarihan ng Kahariang ito.​—Apocalipsis 11:15.

     Bakit ito mahalaga: Nakadepende ang mga gobyerno ng tao sa pera ng mga mamamayan nito. Dahil dito, kadalasan nang natutukso ang mga nasa gobyerno na tumanggap ng suhol, magnakaw, at mandaya. Pero ang Kaharian ng Diyos ay nakadepende sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, kaya maibibigay nito ang lahat ng pangangailangan ng mga mamamayan nito.​—Awit 145:16.

  2.  2. Tagapamahala. Pinili ng Diyos si Jesu-Kristo na mamahala sa Kaharian niya.​—Daniel 7:13, 14.

     Bakit ito mahalaga: Kahit ang pinakamahusay na taong tagapamahala ay puwedeng maimpluwensiyahang gumawa ng masama. (Eclesiastes 7:20) Pero hindi ganiyan si Jesus. Pinatunayan niyang hinding-hindi siya masusuhulan. (Mateo 4:8-11) Isa pa, ipinakita niyang mahal talaga niya ang mga sakop niya at nagmamalasakit siya sa kapakanan nila.​—Awit 72:12-14.

  3.  3. Batas. Perpekto ang mga batas ng Kaharian ng Diyos, at nagiging masaya ang mga sumusunod dito.​—Awit 19:7, 8.

     Bakit ito mahalaga: Kadalasan nang ang mga batas ng tao ay komplikado, pabigat, o hindi naipapatupad nang tama, kaya nagkakaroon ng korapsiyon. Pero ang mga batas ng Diyos ay praktikal at kapaki-pakinabang. (Isaias 48:17, 18) Bukod diyan, kayang ituwid ng mga batas ng Diyos hindi lang ang paggawi ng isa, kundi pati ang mga motibo nito. (Mateo 22:37, 39) Kaya ng Diyos na basahin ang puso natin at alam niya ang mga kalagayan natin kaya titiyakin niyang kapaki-pakinabang at maipapatupad nang tama ang mga batas niya.​—Jeremias 17:10.

 Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol sa mga pangako ng Diyos sa isang kinabukasang wala nang korapsiyon sa Gobyerno?

a Ayon sa isang reperensiya, ang “korapsiyon” ay ang pag-abuso sa kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan.

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?