PATULOY NA MAGBANTAY!
Matitinding Baha—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Sa buong mundo, maraming tao ang naapektuhan ng matitinding pagbaha. Pansinin ang mga report na ito:
“Nitong nakalipas na mga araw, naitala ang pinakamalakas na pag-ulan sa capital ng China sa loob ng 140 taon. Mula Sabado hanggang Miyerkules, 744.8 millimeters (29.3 inches) ang bumuhos na ulan.”—AP News, Agosto 2, 2023.
“Noong Huwebes ang ikalawang araw ng pagsalanta ng Bagyong Khanun sa southern Japan. Bumuhos ang malakas na ulan at hangin kaya di-bababa sa dalawang tao ang namatay. . . . Inaasahan na magdadala ito ng hanggang 0.6 meters (2 feet) na pag-ulan sa mabundok na bahagi ng central Taiwan.”—Deutsche Welle, Agosto 3, 2023.
“Binaha nitong weekend [ang Nova Scotia] dahil sa pinakamalakas na pag-ulan na naitala sa loob ng 50 years sa Atlantic Canada region.”—BBC News, Hulyo 24, 2023.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
Tanda ng “mga huling araw”
Sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo ngayon sa panahon na tinatawag na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Inihula ni Jesus na makakakita tayo ngayon ng “nakakatakot na mga bagay,” o pangyayari. (Lucas 21:11) Dahil sa climate change, naging mas madalas at malakas ang masamang panahon, at sobrang bilis na rin nitong magbago.
May pag-asa
Sinasabi ng Bibliya na nagbibigay ng pag-asa ang masasamang nangyayari sa mundo ngayon. Bakit? Sinabi kasi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na ang Kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:31; Mateo 24:3.
Dahil sa mga nangyayari ngayon, masasabi nating malapit nang ayusin ng Kaharian ng Diyos ang mga puwersa ng kalikasan, pati na ang water cycle.—Job 36:27, 28; Awit 107:29.
Para malaman kung paano aayusin ng Kaharian ng Diyos ang kalikasan, tingnan ang artikulong “Sino ang Magliligtas sa Lupa?”