PATULOY NA MAGBANTAY!
Matitinding Tagtuyot—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
“Iniulat ng China na ngayong taon ang pinakamainit at ang pangatlo sa pinakatuyong tag-araw.”—The Guardian, Setyembre 7, 2022.
“Inaasahang magpapatuloy sa ikalimang taon ang tagtuyot sa Greater Horn of Africa.”—UN News, Agosto 26, 2022.
“Mahigit kalahati ng Europe ang posibleng tamaan ng tagtuyot, at ito na siguro ang pinakamatinding tagtuyot sa loob ng 500 taon.”—BBC News, Agosto 23, 2022.
Sinasabi ng mga eksperto na magpapatuloy ang gayong mga tagtuyot at posible pa itong lumala. May pag-asa bang naghihintay sa atin? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Tagtuyot at hula sa Bibliya
Inihula ng Bibliya ang mga mangyayari sa panahon natin ngayon:
“Magkakaroon ng . . . taggutom sa iba’t ibang lugar.”—Lucas 21:11.
Kapag may tagtuyot, kadalasan nang nagkakaroon ng taggutom. Ang ganitong mga taggutom, at ang epekto nitong pagdurusa at kamatayan ay katuparan ng mga hula sa Bibliya.—Apocalipsis 6:6, 8.
Kung bakit lumalala ang mga tagtuyot
Sinasabi ng Bibliya kung bakit lumalala ang mga tagtuyot:
“Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Ibig sabihin, hindi kaya ng mga tao na ‘ituwid ang kanilang hakbang,’ o pamahalaan ang sarili nila. Dahil sa mga maling desisyon nila, kadalasan nang nagkakaroon ng mga tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Naniniwala ang maraming siyentipiko na tao ang dahilan ng global warming, kaya lumalala at dumarami ang tagtuyot sa buong mundo.
Dahil sa kasakiman, nagkakaroon ng kakulangan sa tubig. May ilang batas din na ipinapatupad nang hindi iniisip ang masasamang epektong gaya ng pagkakalbo ng kagubatan, polusyon, at maling paggamit ng mga likas na yaman.
Pero may pag-asang binabanggit ang Bibliya.
Ano ang pag-asang naghihintay sa atin?
Sinasabi sa Bibliya na sosolusyunan ng Diyos ang problema ng mundo sa tubig. Paano?
1. Ipapahamak ng Diyos “ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Aalisin niya ang masasama at sakim na mga tao na nagiging dahilan ng kakulangan sa tubig.—2 Timoteo 3:1, 2.
2. “Ang lupang natuyo sa init ay magiging lawa na may mga halaman.” (Isaias 35:1, 6, 7) Aalisin ng Diyos ang lahat ng masamang epekto ng tagtuyot at gagawin niyang paraiso ang lupa na sagana sa tubig.
3. “Pinangangalagaan mo ang lupa; ginawa mo itong mabunga at napakasagana.” (Awit 65:9) Pagpapalain ng Diyos ang lupa ng saganang pagkain at malinis na tubig.