Napakasamang Lagay ng Panahon—Paano Makakatulong ang Bibliya?
Isa ka ba sa milyon-milyong tao na apektado ng napakasamang lagay ng panahon? Ang mapanganib na lagay ng panahon at ang mga epekto nito ay nararanasan natin sa iba’t ibang paraan. Nandiyan ang mga bagyo at buhawi na kadalasang nagdudulot ng mga storm surge, pagbaha, o mga pinsala dahil sa malakas na hangin. Dahil din sa matinding pag-ulan, nagkakaroon ng mga landslide, at ang mga kidlat naman ay puwedeng magpasimula ng mga wildfire. Malaking pinsala din ang naidudulot ng tagtuyot, heat wave, at malakas na pag-ulan ng yelo.
Sa maraming lugar sa mundo, padalas nang padalas at palala nang palala ang mga sakunang dulot ng masamang lagay ng panahon. Inireport ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies: “Parami nang parami ang naaapektuhan ng mga sakuna. Dahil iyan sa madalas na mga baha, bagyo, at tagtuyot. Kaya maraming tao ang namamatay, may iba na walang hanapbuhay, at milyon-milyon ang nawawalan ng bahay.”
Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, hindi lang sa pisikal nagdurusa ang mga tao kundi pati sa emosyonal. Kailangan nilang harapin ang sakit na mawalan ng pag-aari, bahay, o ng isang mahal sa buhay pa nga.
Kung naging biktima ka ng isang sakunang dulot ng napakasamang lagay ng panahon, matutulungan ka ng Bibliya na makayanan ito. Kaya ka nitong bigyan ng lakas, pag-asa, at praktikal na payo, na nakatulong na sa maraming naging biktima ng ganitong mga sakuna. (Roma 15:4) Sinasagot din nito ang napakahalagang tanong na gumugulo sa isipan ng marami: Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito—pinaparusahan niya kaya ako?
Ang masamang lagay ng panahon ngayon ay hindi parusa ng Diyos
Itinuturo ng Bibliya na hindi Diyos ang may kagagawan ng pagdurusa ng mga tao. Tinitiyak nito sa atin na “ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama.” (Santiago 1:13) Ibig sabihin, hindi siya ang dahilan ng masasamang lagay ng panahon na nararanasan ng mga tao ngayon.
Totoo, may mga ulat sa Bibliya na gumamit ang Diyos ng likas na mga sakuna para parusahan ang masasamang tao. Pero iba iyon sa mga sakunang nararanasan natin ngayon na bigla na lang dumarating at pumipinsala sa mga tao mabuti man sila o masama. Ipinapakita sa mga ulat ng Bibliya na laging pinoprotektahan ng Diyos ang mga inosente, nagbibigay ng babala, at ipinapaliwanag ang dahilan kung bakit niya gagawin ang isang bagay. Halimbawa, ipinaliwanag ng Diyos kung bakit siya magpapasapit ng pangglobong Baha noong panahon ni Noe. Nagbigay din siya ng babala sa mga tao bago niya gawin ito, at pinrotektahan niya si Noe at ang pamilya nito.—Genesis 6:13; 2 Pedro 2:5.
Para sa higit pang impormasyon kung paano natin nalaman na hindi parusa ng Diyos ang likas na mga sakuna, tingnan ang artikulong “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Likas na mga Sakuna?”
Nagmamalasakit ang Diyos sa mga biktima
Ipinapakita sa Bibliya na ang Diyos na Jehova a ay may malasakit at empatiya. Tingnan ang ilang teksto tungkol diyan.
Isaias 63:9: “Sa lahat ng paghihirap nila ay nahihirapan [ang Diyos].”
Ibig sabihin: Nasasaktan si Jehova kapag nakikita niyang nagdurusa ang mga tao.
1 Pedro 5:7: “Nagmamalasakit siya sa inyo.”
Ibig sabihin: Mahalaga kay Jehova ang kapakanan mo.
Dahil sa malasakit at empatiya, kumikilos si Jehova. Nagbibigay siya ng pampatibay sa pamamagitan ng mga payo sa Bibliya at ng pag-asa sa hinaharap na hindi na magkakaroon ng mga sakunang dulot ng masamang lagay ng panahon.—2 Corinto 1:3, 4.
Kapag nawala na ang masasamang lagay ng panahon
Sa Bibliya, nangangako si Jehova na bibigyan niya tayo ng “magandang kinabukasan at pag-asa.” (Jeremias 29:11) Gusto niyang maging masaya ang mga tao sa isang paraisong lupa nang walang kinatatakutang mga sakuna.—Genesis 1:28; 2:15; Isaias 32:18.
Para magawa iyan, gagamitin ng Diyos ang kaniyang Kaharian—isang gobyerno sa langit na si Jesus ang hari. (Mateo 6:10) Alam ni Jesus kung paano pigilan ang masasamang lagay ng panahon at may kapangyarihan siyang gawin iyon. Noong nandito siya sa lupa, ipinakita niyang kaya niyang kontrolin ang kalikasan. (Marcos 4:37-41) Mamamahala siya nang may karunungan at unawa. (Isaias 11:2) Tuturuan niya ang mga tao kung paano aalagaan ang kapaligiran at kung paano mamumuhay nang hindi sinisira ang kalikasan. Sa panahong iyon, hinding-hindi na mararanasan ng mga tao ang mga sakunang dulot ng masamang lagay ng panahon.
Baka maisip mo, ‘Kailan kaya gagamitin ni Jesus ang kapangyarihan niya para makontrol ang kalikasan?’ Para malaman ang sagot, tingnan ang artikulong “Kailan Mamamahala sa Lupa ang Kaharian ng Diyos?”
Kung paano ito haharapin sa ngayon
May mga payo sa Bibliya na makakatulong sa iyo bago, habang, at pagkatapos ng sakuna.
Bago: Maghanda.
Ang sabi ng Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.”—Kawikaan 22:3.
Ibig sabihin: Pag-isipan ang mga posibleng maging panganib para alam mo na ang gagawin kapag nangyari iyon at maprotektahan mo ang pamilya mo.
Karanasan: “Noong araw na tumakas kami dahil sa wildfire, handa kami. Mayroon kaming mga go bag. Nakahanda na rin ang gamot at mga damit namin. Nagpa-panic ang mga tao, at hindi nila alam ang gagawin. Pero kami, nasa amin na ang lahat ng kailangan namin. Talagang ipinagpapasalamat ko iyon!”—Tamara, California, U.S.A.
Habang: Magpokus sa pinakamahalaga.
Ang sabi ng Bibliya: “Kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.”—Lucas 12:15.
Ibig sabihin: Mas mahalaga ang buhay kaysa sa mga pag-aari.
Karanasan: “Noong wasakin ng Bagyong Lawin b ang bahay namin, hindi ko alam ang gagawin ko. Pero nanalangin ako nang marubdob sa Diyos na Jehova. Na-realize kong materyal na mga bagay lang naman ang nawala, hindi ang buhay namin.”—Leslie, Pilipinas.
Pagkatapos: Harapin ang problema nang paisa-isang araw.
Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.”—Mateo 6:34.
Ibig sabihin: Huwag masyadong mag-alala sa mga bagay na hindi pa nangyayari.
Karanasan: “Nang bahain ang bahay ko dahil sa Bagyong Irma, napakarami kong dapat pagdesisyunan at stressed na stressed talaga ako. Sinubukan kong sundin ang payo ng Bibliya na huwag mag-alala tungkol sa susunod na araw. Nakita ko na sa tulong ni Jehova, matitiis ko pala y’ong naiisip kong hindi ko kaya.”—Sally, Florida, U.S.A.
Para sa iba pang tip, tingnan ang artikulong “Kapag May Sakuna—Mga Hakbang na Makapagliligtas ng Buhay.”
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.
b Tinatawag ding Bagyong Haima.