Nauna ang mga Batas ng Diyos sa Kalinisan
Mga 3,500 taon na ang nakararaan, noong papasók na ang bansang Israel sa Lupang Pangako, sinabi ng Diyos na poprotektahan niya sila mula sa “malulubhang sakit” na nakita nila sa Ehipto. (Deuteronomio 7:15) Ang isang paraan ay ang pagbibigay sa kanila ng detalyadong tagubilin tungkol sa kalinisan at pag-iwas sa sakit. Halimbawa:
Kahilingan sa kodigo ng batas ng bansang Israel ang paliligo at paglalaba ng damit.—Levitico 15:4-27.
Tungkol sa pagdumi, sinabi ng Diyos: “Dapat na mayroon kayong isang pribadong lugar sa labas ng kampo, at doon kayo pupunta para dumumi. Dapat na mayroon kayong panghukay bukod sa inyong mga sandata. Kung dudumi kayo sa labas, humukay kayo gamit iyon at saka tabunan ang inyong dumi.”—Deuteronomio 23:12, 13.
Ang mga taong inaakalang may nakakahawang sakit ay ibinubukod, o inilalayo sa iba, sa loob ng ilang panahon. Bago makisalamuha sa iba, ang mga gumaling sa sakit ay dapat maglaba ng kanilang damit at maligo sa tubig bago sila ituring na “malinis.”—Levitico 14:8, 9.
Ibinubukod ang sinumang nakahawak ng bangkay.—Levitico 5:2, 3; Bilang 19:16.
Masasalamin sa mga batas ng Israel ang mga ideya tungkol sa medisina at kalinisan na mas masulong kaysa sa pinaniniwalaan noong panahong iyon.
Sa ibang bansa, laganap ang mababang pamantayan sa kalinisan. Halimbawa:
Dumudumi ang mga tao sa lansangan. Dahil sa maruming tubig, kontaminadong pagkain, at iba pang basura, marami ang nagkakasakit at maraming sanggol ang namamatay.
Kaunti lang o baka wala pa ngang alam ang mga doktor noon tungkol sa germs at mga pathogen. Ginagamit ng mga Ehipsiyo na “panlunas” ang dugo ng bayawak, dumi ng pelikano, patay na daga, ihi, at inaamag na tinapay. Karaniwan ding gumagamit sila ng dumi ng tao at hayop sa panggagamot.
Nagkakasakit ang mga Ehipsiyo noon dahil sa iba’t ibang parasitong nanggagaling sa kontaminadong tubig ng Ilog Nilo at sa mga kanal nito para sa patubig. Marami ring sanggol sa Ehipto ang namamatay dahil sa diarrhea at iba pang katulad na sakit na dulot ng kontaminadong pagkain.
Pero ang mga Israelita ay nakinabang at nanatiling malusog dahil sinunod nila ang mga pamantayang nasa Kautusan ng Diyos.