Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Nagsimula ang Buhay?

Paano Nagsimula ang Buhay?

Paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na pangungusap?

ANG BUHAY AY RESULTA NG . . .

  1. EBOLUSYON

  2. PAGLALANG

 Baka isipin ng ilan na pipiliin ng taong maraming alam sa siyensiya ang “ebolusyon” at “paglalang” naman ang pipiliin ng taong relihiyoso.

 Pero hindi palagi.

 Ang totoo, maraming edukadong tao—kasama na ang maraming siyentipiko—ang kumukuwestiyon sa teoriya ng ebolusyon.

 Kuning halimbawa si Gerard, isang propesor ng entomology na tinuruan ng ebolusyon sa kolehiyo. “Kapag may mga exam kami,” sabi niya, “ang isinasagot ko ay y’ong gustong sagot ng mga propesor—pero hindi ko ’yon pinaniniwalaan.”

 Bakit nahihirapan ang marami, kahit ang mga taong maraming alam sa siyensiya, na tanggaping ang buhay ay resulta ng ebolusyon? Para masagot iyan, talakayin natin ang dalawang tanong na naging palaisipan sa maraming mananaliksik: (1) Saan nagmula ang buhay? at (2) Paano nagkaroon ng iba’t ibang nabubuhay na bagay?

Saan Nagmula ang Buhay?

 ANG SINASABI NG IBA. Ang buhay ay nanggaling sa walang-buhay na mga bagay.

 KUNG BAKIT HINDI KUMBINSIDO RITO ANG ILAN. Mas marami nang alam ngayon ang mga siyentipiko tungkol sa chemistry at molecular structure ng buhay, pero hindi pa rin nila matiyak kung ano nga talaga ang buhay. Napakalaki ng kaibahan ng mga bagay na walang buhay sa kahit pinakasimpleng nabubuhay na selula.

 Puro espekulasyon lang ang sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa kalagayan sa lupa noong nakalipas na bilyon-bilyong taon. Iba-iba ang pananaw nila kung saan nagmula ang buhay—halimbawa, kung sa bulkan ba o sa ilalim ng sahig ng dagat. Naniniwala naman ang iba na ang mga elemento ng buhay ay unang nabuo sa ibang lugar sa uniberso at nakarating dito sa pamamagitan ng mga bulalakaw. Pero hindi pa rin nito nasasagot kung paano talaga nagsimula ang buhay; lalo pa nga itong nagpapalabo sa isyu.

 Ayon sa teoriya ng mga siyentipiko, may mga molecule na naging genetic material nang maglaon. Ang mga molecule na ito ay malamang na kusang nabuo mula sa walang-buhay na mga bagay at may kakayahang magparami. Pero hindi mapatunayan ng siyensiya na mayroon ngang ganitong mga molecule at hindi rin makagawa ang mga siyentipiko ng mga tulad nito sa laboratoryo.

 Kakaiba ang mga bagay na may buhay pagdating sa pag-iimbak at pagpoproseso ng impormasyon. Inihahatid, ini-interpret, at isinasagawa ng mga selula ang mga detalyeng nasa genetic code nila. Para sa ilang siyentipiko, ang genetic code ay gaya ng computer software at ang chemical structure ng selula ay gaya naman ng computer hardware. Pero hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung saan nagmumula ang impormasyon sa genetic code.

Kailangan ang mga protein molecule para gumana ang isang selula.  Ang isang karaniwang protein molecule ay may daan-daang amino acid na kawing-kawing at espesipiko ang pagkakasunod-sunod. Kailangan ding nakabaluktot ito sa isang partikular na three-dimensional na hugis para maging kapaki-pakinabang. Sinasabi ng ilang siyentipiko na napakalayong mangyari na kusang mabuo ang kahit isang protein molecule. “Dahil libo-libong magkakaibang protein ang kailangan para gumana ang isang selula,” ang sabi ng physicist na si Paul Davies, “di-makatuwirang isipin na basta na lang nabuo ang mga iyon.”

 KONKLUSYON. Matapos ang maraming dekada ng pagsasaliksik sa halos lahat ng larangan ng siyensiya, hindi pa rin nagbabago ang katotohanan na ang buhay ay puwede lang magmula sa umiiral nang buhay.

Paano Nagkaroon ng Iba’t Ibang Nabubuhay na Bagay?

 ANG SINASABI NG IBA. Ang unang nabubuhay na organismo ay unti-unting naging iba’t ibang uri ng bagay na may buhay, kasama na ang tao, sa pamamagitan ng random mutation at ng natural selection.

 KUNG BAKIT HINDI KUMBINSIDO RITO ANG ILAN. May mga selula na mas masalimuot kaysa sa iba. Ayon sa isang reperensiya, ang proseso kung paanong ang simpleng mga selula ay nagiging mas masasalimuot na selula ay “madalas na itinuturing na pangalawa sa mga pangunahing misteryo, kasunod ng pinagmulan ng buhay.”

 Nadiskubre ng mga siyentipiko na sa loob ng bawat selula, may masasalimuot na molecular machine na binubuo ng mga protein molecule na nagtutulungan para maisagawa ang mga komplikadong trabaho. Halimbawa, ang mga ito ay naghahatid ng mga nutrient at kino-convert ang mga iyon sa enerhiya, nagre-repair ng mga bahagi ng selula, at nagtatawid ng mga mensahe sa buong selula. Resulta lang ba ng random mutation at ng natural selection ang lahat ng masalimuot na prosesong iyan? Hindi iyon matanggap ng marami.

 Ang mga hayop at tao ay nabubuo mula sa isang pertilisadong itlog. Sa loob ng embryo, ang mga selula ay dumarami at nagkakaroon ng iba’t ibang hugis at trabaho para mabuo ang partikular na mga bahagi ng katawan. Hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung paano “nalalaman” ng bawat selula kung anong bahagi ng katawan ang bubuoin nito at kung saan ito pupuwesto.

 Nakita ng mga siyentipiko na para mabago ang isang hayop at maging ibang uri ng hayop, kailangang may mangyaring pagbabago sa mga molecule na bumubuo sa selula. Kung hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko kung paano mabubuo ang kahit “pinakasimpleng” selula sa pamamagitan ng ebolusyon, makatuwiran bang isipin na ang pag-iral ng iba’t ibang uri ng hayop ay resulta ng random mutation at ng natural selection? Sinabi ng propesor ng biology na si Michael Behe na kahit “isiniwalat [ng pagsasaliksik] ang di-inaasahan, kamangha-mangha, at napakasalimuot na kayarian ng hayop, hindi pa rin maipaliwanag kung paano ito umiral sa pamamagitan ng ebolusyon.”

 Ang tao ay may kakayahang mag-isip at mangatuwiran, may mga katangian siyang gaya ng pagiging bukas-palad at mapagsakripisyo, at alam niya kung ano ang tama at mali. Hindi maipapaliwanag sa pamamagitan ng random mutation at ng natural selection kung paano nagagawa ng tao ang mga ito.

 KONKLUSYON. Kahit iginigiit ng marami na talagang ebolusyon ang pinagmulan ng buhay, hindi pa rin kumbinsido ang iba sa paliwanag ng teoriyang ito tungkol sa kung paano nagsimula ang buhay at kung paano nagkaroon ng iba’t ibang nabubuhay na bagay.

Ang Sagot na Dapat Pag-isipan

 Matapos pag-aralan ang mga ebidensiya, napatunayan ng marami na ang buhay ay gawa ng isang matalinong Maylalang. Kuning halimbawa si Antony Flew, isang propesor ng pilosopiya, na dating nangungunang tagapagtaguyod ng ateismo. Nang malaman niya ang tungkol sa kahanga-hangang pagkamasalimuot ng buhay at mga pisikal na batas ng uniberso, nabago ang pananaw ni Flew. Sa pagsipi niya sa pangangatuwiran ng mga sinaunang pilosopo, isinulat niya: “Dapat nating paniwalaan anuman ang ipakita ng ebidensiya.” Para kay Propesor Flew, ipinakita ng ebidensiya ang pag-iral ng isang Maylalang.

 Ganiyan din ang naging konklusyon ni Gerard, na nabanggit sa simula ng artikulong ito. Kahit may mataas siyang pinag-aralan at isang propesor ng entomology, sinabi niya: “Wala akong nakitang ebidensiya na kusang lumitaw ang buhay mula sa mga bagay na walang buhay. Ang pagiging maayos at masalimuot ng mga bagay na may buhay ay nakakumbinsi sa ’kin na may isang Organisador at Disenyador.”

 Kung paanong nakikilala ng isang tao ang isang pintor sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga ipininta nito, nakilala rin ni Gerard ang Maylalang sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kaniyang mga likha. Pinag-aralan din ni Gerard ang isang aklat na ipinasulat ng Maylalang—ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Nakumbinsi siya sa sinasabi nito tungkol sa kasaysayan ng tao, at nakita niya rito ang praktikal na mga solusyon sa problema ng tao ngayon. Kaya natiyak niya na ang Bibliya ay gawa rin ng isang matalinong Maylalang.

 Gaya ni Gerard, pag-isipan mo rin sana ang sinasabi ng Bibliya.