Pag-aalala ng mga Lalaki—Ano ang Maitutulong ng Bibliya?
May naiisip ka bang tao na laging nag-aalala? a Baka nai-imagine mo ang isang taong natatakot, walang ganang bumangon, o kuwento nang kuwento tungkol sa walang-katapusang álalahanín.
Ganiyan ang ilan kapag nag-aalala sila. Pero sinasabi ng mga researcher na iba naman ang ginagawa ng ilang tao—lalo na ng mga lalaki. Ayon sa isang report, ang mga lalaki ay “mas malamang na uminom ng alak at magdroga para makayanan ang pag-aalala. Kaya sa halip na isiping mahilig silang uminom, ang totoo, baka senyales na ito ng anxiety disorder. At kapag nag-aalala ang mga lalaki, kadalasan nang madali silang magalit at mairita.”
Siyempre, hindi naman ganiyan ang lahat ng lalaki. Pero kahit ano pa ang maging reaksiyon dito ng isang tao, ang pag-aalala ay isa sa lumalalang problema sa panahong ito na “mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Kung masyado kang nag-aalala, matutulungan ka ba ng Bibliya?
Praktikal na mga Payo ng Bibliya Para Makayanan ang Pag-aalala
Maraming maaasahang payo ang Bibliya kapag nag-aalala tayo. Tingnan ang tatlong halimbawa.
1. “Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín. Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”—Mateo 6:34.
Ibig sabihin: Mas mabuting huwag masyadong isipin ang mga posibleng mangyari. Kadalasan, ang kinakatakutan natin ay hindi naman talaga nangyayari. Kung minsan nga, napapabuti pa.
Subukan ito: Alalahanin ang mga pagkakataon na inisip mong may mangyayaring masama—pero hindi naman talaga nangyari. Pagkatapos, isipin ang mga inaalala mo ngayon, at tingnan kung magiging problema ba talaga ito. Siyempre, maging realistiko.
2. “Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.”—Kawikaan 27:17.
Ibig sabihin: Matutulungan tayo ng iba na makayanan ang mga álalahanín—kung magpapatulong tayo. Baka mapayuhan nila tayo base sa mga naranasan nila. At baka nga may ibang anggulo silang nakikita na hindi natin naiisip.
Subukan ito: Isipin kung sino ang puwedeng makapagbigay sa iyo ng magandang payo, gaya ng isang kaibigan na nakaranas na rin ng pinagdaraanan mo. Tanungin siya kung ano ang nakatulong at hindi nakatulong sa kaniya.
3. “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”—1 Pedro 5:7.
Ibig sabihin: Gustong tulungan ng Diyos ang mga may pinagdaraanan. Sinasabi niya sa atin na puwede nating ipanalangin sa kaniya ang anumang gumugulo sa isip natin.
Subukan ito: Ilista ang mga ikinababahala mo. Pagkatapos, ipanalangin ang mga ito sa Diyos. Isa-isa mo itong sabihin sa kaniya at hingin ang tulong niya para maharap mo ang mga ito.
Darating ang Panahon na Hindi Ka Na Mag-aalala
Hindi lang sinasabi ng Bibliya kung paano makakayanan ang mga álalahanín. Nangangako rin ito na darating ang panahon na mawawala na ang lahat ng ikinababahala natin ngayon. Paano mangyayari iyan?
Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pinagmumulan ng ating mga álalahanín. (Apocalipsis 21:4) Sa katunayan, kapag namamahala na ang Kahariang iyon, ni hindi na natin maaalala ang lahat ng pinagdaraanan natin ngayon.—Isaias 65:17.
Iyan ang buhay na gustong ibigay sa iyo ng “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Roma 16:20) Nangangako siya: “Alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo . . . Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.”—Jeremias 29:11.
a Sa artikulong ito, ang tinutukoy na “pag-aalala” ay ang pagkabahala sa araw-araw na mga problema. Hindi ito tumutukoy sa anxiety disorder na kailangang ikonsulta sa doktor.—Lucas 5:31.