Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tama Ba ang Paglalarawan ng Bibliya sa Pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya?

Tama Ba ang Paglalarawan ng Bibliya sa Pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya?

 Mga 2,600 taon na ang nakakalipas, puwersahang dinala ang mga Judio sa Babilonya, kung saan naging tapon sila nang mga 70 taon. Sa Bibliya, sinabi ng Diyos ang magiging buhay ng mga tapong Judio sa Babilonya: “Magtayo kayo ng mga bahay at tirhan ninyo ang mga iyon. Gumawa kayo ng mga hardin at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon. Mag-asawa kayo at magkaanak. . . . At itaguyod ninyo ang kapayapaan sa lunsod kung saan ko kayo ipinatapon.” (Jeremias 29:1, 4-7) Talaga bang naranasan iyan ng mga Judio?

 Sinuri ng mga mananaliksik ang mahigit 100 tablet na gawa sa luwad na malamang na galing sa sinaunang Babilonya o sa karatig na mga lupain. Ipinapakita ng mga ito na nakapamuhay pa rin ang mga Judio ayon sa kanilang mga kaugalian at relihiyon habang mapayapang nagpapasakop sa pamamahala ng Babilonya. Makikita sa mga tablet, na mula pa noong 572 hanggang 477 B.C.E., ang mga kontrata sa pag-upa, proyekto ng negosyo, kasulatan ng pagbabayad ng utang, at iba pang pinansiyal na rekord. “Ang mga dokumentong ito,” ayon sa isang reperensiya, “ay nagpapakita ng karaniwang pamumuhay sa isang nayon: pagsasaka ng lupa at pagtatayo ng bahay, pagbabayad ng buwis, at paglilingkod sa hari.”

Cuneiform tablet na mula sa Judahtown

 Ang mahahalagang dokumentong ito na nakolekta ay nagpapakita rin na nagkaroon ng malaking komunidad ng mga Judio sa Al Yahudu, o Judahtown. Nakaukit sa mga tablet ang mga pangalan ng apat na henerasyon ng mga Judio, na ang ilan ay nakasulat sa letra ng sinaunang Hebreo. Bago matagpuan ang mga tablet, kaunti lang ang alam ng mga iskolar tungkol sa buhay ng mga tapong Judio sa Babilonya. Sinabi ni Dr. Filip Vukosavović, isa sa mga direktor ng Israel Antiquities Authority: “Sa wakas, dahil sa mga tablet, nakilala na natin ang mga taong ito, nalaman na natin ang mga pangalan nila, saan sila tumira, kailan sila nabuhay, at ano ang ginawa nila.”

Naging mapayapa ang buhay ng mga tapong Judio sa Babilonya

 Malaya ang mga tapong Judio. Tumira sila “hindi lang sa Al-Yahudu, kundi sa iba pang mga lunsod,” ang sabi ni Vukosavović. Ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng iba’t ibang kasanayan, na nagamit nila sa muling pagtatayo ng Jerusalem. (Nehemias 3:8, 31, 32) Pinatunayan din ng mga Al-Yahudu tablet na maraming Judio ang nagpasiyang manatili sa Babilonya kahit pinalaya na sila. Ipinapakita nito na mapayapa naman ang pamumuhay nila sa Babilonya, gaya ng sinabi ng Bibliya.