PATULOY NA MAGBANTAY!
Pagtaas ng mga Bilihin sa Buong Mundo—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
“Nanganganib na naman ang ekonomiya,” ang sabi ng presidente ng isang World Bank Group sa isang report noong Hunyo 2022. “Tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, pero hindi lumalaki ang kita ng mga tao.”
“Mabilis na tumataas ang presyo ng gasolina at pagkain, at talagang apektado nito ang mga tao sa mahihirap na bansa,” ang sabi ng International Monetary Fund.
Tinutulungan tayo ng Bibliya na maintindihan kung bakit nangyayari ang ganitong mga problema sa ekonomiya at kung paano natin haharapin ito. May sinasabi rin itong pag-asa natin sa hinaharap na tatapos sa problemang ito.
Pagtaas ng bilihin sa “mga huling araw”
Sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1.
Sinabi ni Jesus na sa panahong ito, makakakita ang mga tao ng “nakakatakot na mga bagay,” o nakakapag-alalang mga pangyayari. (Lucas 21:11) Nag-aalala ang mga tao kapag mabilis na tumataas ang mga bilihin. Natatakot silang baka dumating ang panahong hindi na nila mapaglaanan ang pamilya nila.
Inihula ng aklat na Apocalipsis na tataas ang mga bilihin sa panahong ito. “May narinig akong parang isang tinig, . . . na nagsabi, ‘Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho.’”—Pahayag (o Apocalipsis) 6:6, Magandang Balita Biblia.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa “mga huling araw” at sa mga hula na nasa aklat ng Apocalipsis, panoorin ang video na Nagbago ang Mundo Mula Noong 1914 at basahin ang artikulong “Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?”
Ang solusyon sa lahat ng problema sa ekonomiya
“Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito. Hindi sila magtatayo pero iba ang titira, at hindi sila magtatanim pero iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.”—Awit 72:16.
“‘Dahil inaapi ang mahihina, dahil nagbubuntonghininga ang mga dukha, kikilos ako,’ ang sabi ni Jehova.”—Awit 12:5. a
Malapit nang kumilos ang Diyos para solusyunan ang di-patas na ekonomiyang nararanasan ng mga tao sa buong mundo. Para malaman kung paano iyan gagawin ng Diyos, basahin ang artikulong “Posible Ba ang Isang Patas na Sistema ng Ekonomiya?”
Ngayon pa lang, kaya kang tulungan ng Bibliya na maharap ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Paano? May mga payo ito tungkol sa kung paano mo gagamitin nang tama ang pera mo. (Kawikaan 23:4, 5; Eclesiastes 7:12) Para sa higit pang impormasyon, basahin ang mga artikulong “Ingatan ang Kabuhayan Mo” at “Paano Ka Makakapag-adjust Kapag Nabawasan ang Iyong Kita?”
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.