PATULOY NA MAGBANTAY!
Pamamaril sa mga Paaralan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Noong Mayo 24, 2022, isang matinding trahedya ang nangyari sa maliit na bayan ng Uvalde, Texas, U.S.A. Ayon sa The New York Times, “isang lalaki ang namaril at pumatay ng 19 na bata at dalawang guro . . . sa Robb Elementary School.”
Nakakalungkot, karaniwan na lang ang ganiyang masaklap na mga pangyayari sa ngayon. Ayon sa report ng USA Today, sa United States pa lang, “mayroon nang 249 na pamamaril sa mga paaralan noong nakaraang taon. Ito na ang pinakamarami kumpara sa iba pang mga taon mula pa noong mga 1970.”
Bakit nangyayari ang ganitong masaklap na mga trahedya? Ano ang puwede nating gawin? Darating pa kaya ang panahon na wala nang ganitong karahasan? Sinasagot iyan ng Bibliya.
Bakit nagiging mas marahas ang mga tao sa ngayon?
Sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” Sa panahong ito, maraming tao ang “walang likas na pagmamahal” at “mabangis,” kaya nakakagawa sila ng ganitong klaseng mga karahasan. At ang mga taong ito ay “lalo pang sásamâ.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Inihula Ba ng Bibliya na Magiging Ganito ang Ugali ng mga Tao sa Ngayon?”
Marami tuloy ang nagtatanong, ‘Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang ganitong masaklap na mga trahedya gaya ng pamamaril sa mga paaralan?’ Para malaman ang sagot ng Bibliya, basahin ang artikulong “Bakit Nangyayari ang Masasamang Bagay sa Mabubuting Tao?”
Ano ang puwede nating gawin sa ganitong masaklap na mga trahedya?
“Ang lahat ng bagay na isinulat noon ay isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.”—Roma 15:4.
Makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya para makayanan natin ang mga karahasang nangyayari ngayon. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! na may pamagat na “Magwawakas Pa Kaya ang Karahasan?”
Para sa mga magulang, pakisuyong basahin ang artikulong “Ang Masasamang Balita at ang Iyong mga Anak” para matulungan ninyo ang inyong mga anak kapag may ganitong nakakatakot na mga balita.
Mawawala pa kaya ang karahasan?
“Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:14.
“Pupukpukin nila ang kanilang mga espada para gawin itong araro at ang kanilang mga sibat para gawin itong karit. Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Mikas 4:3.
Gagawin ng Diyos ang lahat ng hindi kayang gawin ng tao. Aalisin ng gobyerno ng Diyos sa langit ang lahat ng armas at karahasan. Para sa higit pang impormasyon kung ano pa ang gagawin ng Kaharian ng Diyos, basahin ang artikulong “‘Mamamayani ang Kapayapaan’ sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos.”