Malalabanan Mo ang Pandemic Fatigue
Pagód ka na ba sa mga pagbabagong kinailangan mong gawin dahil sa COVID-19? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Ilang buwan nang nag-a-adjust ang mga tao sa buong mundo dahil sa pandemic. Marami ang “gumawa ng malalaking sakripisyo para maiwasan ang COVID-19,” ang sabi ni Dr. Hans Kluge, World Health Organization Regional Director sa Europe. “Sa ganitong sitwasyon, normal lang na manghina, mawalan ng gana, at mapagod.”
Kung sa tingin mo, may pandemic fatigue ka na, huwag kang masiraan ng loob. Marami na ang natulungan ng Bibliya sa nakaka-stress na panahong ito. Makakatulong din ito sa iyo.
Ano ang pandemic fatigue?
Ang pandemic fatigue ay hindi isang sakit. Ginagamit ang terminong ito para ilarawan ang karaniwang nararamdaman ng mga tao ngayong nagbago ang buhay nila dahil sa pandemic. Iba-iba ang epekto nito sa mga tao, pero ito ang karaniwang senyales na may pandemic fatigue ka:
Walang ganang gumawa ng kahit ano
Pagbabago sa pagkain at pagtulog
Madaling mainis
Nai-stress sa mga trabahong ginagawa mo naman noon
Hindi makapagpokus
Nawawalan ng pag-asa
Bakit hindi natin dapat maliitin ang pandemic fatigue?
May epekto sa safety natin at ng iba ang pandemic fatigue. Kung hindi tayo mag-iingat, baka unti-unti na nating bale-walain ang mga safety protocol ng COVID-19. Baka maging kampante na tayo kahit kumakalat pa rin ang sakit at maraming namamatay. At dahil pagód na tayo sa pag-iingat, baka gusto na nating bumalik sa normal nating buhay, na puwedeng makasamâ sa atin at sa iba.
Sa mahirap na panahong ito, nararanasan ng marami ang sinasabi ng Bibliya: “Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.” (Kawikaan 24:10) May mga prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa atin na makayanan ang nakaka-stress na mga sitwasyon, gaya ng pandemic na ito.
Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa iyo para malabanan ang pandemic fatigue?
Sundin ang physical distancing—pero maging close pa rin sa mga kaibigan
Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay . . . maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.
Kung bakit ito mahalaga: Pinapatibay tayo ng mga kaibigan natin. (1 Tesalonica 5:11) Pero kapag lagi tayong nag-iisa, puwede tayong magkasakit.—Kawikaan 18:1.
Subukan ito: Regular na kontakin ang mga kaibigan mo gamit ang video call, telepono o cellphone, at e-mail o text. Kapag hindi maganda ang araw mo, humanap ng kaibigan na mapagsasabihan ng niloloob mo. Kumustahin mo sila. Tanungin sila kung ano ang ginagawa nila ngayong pandemic, at sabihin din sa kanila ang mga ginagawa mo. Mag-isip ng paraan kung paano ka makakatulong sa isang kaibigan, at pareho kayong magiging masaya.
Gamitin nang tama ang oras mo
Ang sabi ng Bibliya: “Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Efeso 5:16.
Kung bakit ito mahalaga: Kapag ginagamit mo nang tama ang oras mo, magiging mas masaya ka at maiiwasan mo ang sobrang pag-aalala.—Lucas 12:25.
Subukan ito: Imbes na isipin ang mga bagay na hindi mo na magagawa, isipin ang mga bagay na puwede mong gawin ngayon. Halimbawa, puwede mo na bang gawin ang mga naiisip mong project noon o magkaroon ng bagong hobby? Puwede ka bang magbigay ng mas maraming oras sa pamilya mo?
Magkaroon ng iskedyul at sundin ito
Ang sabi ng Bibliya: “Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang . . . maayos.”—1 Corinto 14:40.
Kung bakit ito mahalaga: Mas masaya at kontento ang mga taong may sinusunod na iskedyul.
Subukan ito: Gumawa ng iskedyul base sa sitwasyon mo ngayon. Mag-set ng oras para sa mga gawain sa school, trabaho, gawaing bahay, at pagsamba sa Diyos. Isama rin sa iskedyul mo ang mga gawaing makakatulong sa iyo, gaya ng bonding ng pamilya, mga activity sa labas ng bahay, at exercise. Regular na rebyuhin ang iskedyul mo, at i-update ito kung kailangan.
Mag-adjust sa lagay ng panahon
Ang sabi ng Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago.”—Kawikaan 22:3.
Kung bakit ito mahalaga: Saan ka man nakatira, puwedeng magbago ang lagay ng panahon. Kaya baka may panahong hindi ka makalanghap ng sariwang hangin at makapagpaaraw, na maganda sa kalusugan mo.
Subukan ito: Kapag malapit na ang taglamig, puwede mong baguhin ang setup ng sala o lugar kung saan ka nagtatrabaho sa bahay ninyo para masinagan ka ng araw. Mag-isip ng mga puwede mong gawin sa labas kahit malamig ang panahon. Magsuot ng damit na bagay sa panahon.
Kapag tag-araw naman, kadalasan nang nasa labas ang tao kaya kailangan mong mag-ingat. Planuhin ang mga pupuntahan mo para hindi mo makasabay ang maraming tao.
Sumunod pa rin sa mga safety protocol ng COVID-19
Ang sabi ng Bibliya: “Ang mangmang ay padalos-dalos at sobra ang tiwala sa sarili.”—Kawikaan 14:16.
Kung bakit ito mahalaga: Nakakamatay ang COVID-19, at posibleng mahawa tayo kung hindi tayo mag-iingat.
Subukan ito: Regular na i-check ang mga tagubilin mula sa gobyerno, at pag-isipan kung nasusunod mo pa rin ba ito. Isipin ang puwedeng maging epekto ng mga ginagawa mo sa iyo, sa pamilya mo, at sa iba.
Maging malapít sa Diyos
Ang sabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Kung bakit ito mahalaga: Kaya kang tulungan ng Diyos sa anumang problema.—Isaias 41:13.
Subukan ito: Basahin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, araw-araw. Puwede mong gamitin ang Bible-reading plan na ito.
Kontakin ang mga Saksi ni Jehova at tanungin sila kung paano ka makakasama sa pag-aaral nila ng Bibliya ngayong may pandemic. Halimbawa, gumagamit sila ng videoconferencing para sa mga pulong nila, taunang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus, at kombensiyon.
Mga teksto sa Bibliya na tutulong para makayanan ang pandemic fatigue
Isaias 30:15: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.”
Ibig sabihin: Kahit mahirap ang kalagayan, magiging kalmado ka kung magtitiwala ka sa sinasabi ng Diyos.
Kawikaan 15:15: “Laging pangit ang araw ng napipighati, pero laging may pagdiriwang ang taong masaya ang puso.”
Ibig sabihin: Magiging masaya tayo kahit mahirap ang kalagayan kung magpopokus tayo sa mga positibong bagay.
Kawikaan 14:15: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang lahat ng naririnig niya, pero pinag-iisipan ng marunong ang bawat hakbang niya.”
Ibig sabihin: Sumunod sa mga safety protocol, at huwag maliitin ang mga iyon.
Isaias 33:24: “Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’”
Ibig sabihin: Ipinapangako ng Diyos na aalisin niya ang lahat ng sakit.