Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rui Almeida Fotografia/Moment via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Karahasan Dahil sa Politika—Ang Sinasabi ng Bibliya

Karahasan Dahil sa Politika—Ang Sinasabi ng Bibliya

 Nakakabahala ang dumaraming karahasan dahil sa politika sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

  •   Sa Mexico, noong 2023-2024 election, 39 na kandidato sa politika ang pinatay. Ito na ang pinakamataas na bilang ng naiulat na pagpatay doon dahil sa politika, at ikinagulat ito ng mga tao.

  •   Nitong nakaraan sa Europe, dumami ang insidente ng karahasan dahil sa politika, kasama na rito ang tangkang pagpatay sa prime minister ng Slovakia noong Mayo 15, 2024.

  •   Gulat na gulat ang mga tao sa United States nang tangkaing patayin ang dating presidente na si Donald Trump noong Hulyo 13, 2024.

 Bakit napakaraming nagaganap na karahasan dahil sa politika? Matatapos pa kaya ito? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Inihula na magkakabaha-bahagi ang mga tao dahil sa politika

 Inihula ng Bibliya na sa panahon natin, na tinatawag na “mga huling araw,” magiging dahilan ng karahasan at kaguluhan ang ugali ng maraming tao.

  •   “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay magiging . . . walang utang na loob, di-tapat, . . . ayaw makipagkasundo, . . . mabangis, . . . taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki.”—2 Timoteo 3:1-4.

 Inihula rin ng Bibliya na sa panahong ito, magkakaroon ng kaguluhan sa politika gaya ng mga pag-aaklas, rebelyon, at protesta. (Lucas 21:9, talababa) Pero darating ang panahon na mawawala rin ang mga karahasan at kaguluhan sa politika.

Mawawala na ang karahasan dahil sa politika

 Sinasabi ng Bibliya na papalitan ng Diyos ng sarili niyang gobyerno sa langit ang lahat ng gobyerno ng tao.

  •   “Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [ibang kaharian] at ito lang ang mananatili magpakailanman.”—Daniel 2:44.

 Pagkakaisahin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng tao at magiging payapa na ang buong mundo.

  •   Si Jesu-Kristo ang Tagapamahala nito at tinatawag siyang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sisiguraduhin niyang “ang kapayapaan ay hindi magwawakas.”—Isaias 9:6, 7.

  •   Ngayon pa lang, natututo nang mamuhay nang payapa ang mga sakop nito. Dahil dito, sinasabi ng Bibliya: “Pupukpukin nila ang kanilang mga espada para gawin itong araro at ang kanilang mga sibat para gawin itong karit. Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.

 Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?” at panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?