Ang Tumitinding Problema ng Kalungkutan—Ang Sinasabi ng Bibliya
Sa isang survey a na ginawa sa iba’t ibang bansa, mga 25% ang nagsabing nalulungkot sila.
“Lahat ng tao, anuman ang edad o pinagmulan, puwedeng maapektuhan ng social isolation.”—Chido Mpemba, cochair ng Commission on Social Connection ng World Health Organization.
Iniisip ng mga tao na mga matatanda lang at mga nag-iisa ang nalulungkot. Pero ang totoo, naaapektuhan din ang mga kabataan, mga may asawa, o mga taong matagumpay at walang problema sa kalusugan. May matinding epekto sa pisikal at emosyonal na kalusugan ng isang tao ang kalungkutan at social isolation—kapag wala siyang nakakausap o nakakasama.
“Hindi lang basta emosyon ang kalungkutan,” ang sabi ni Dr. Vivek Murthy, isang surgeon general sa U.S. Inilarawan niya kung gaano kadelikado ang social isolation para sa isang tao: “Kagaya ito ng pag-ubos ng halos 15 sigarilyo sa isang araw.”
Ang sinasabi ng Bibliya
Ayaw ng Diyos na nag-iisa tayo. Nang likhain tayo ng Diyos, gusto niya na maging masaya tayo sa pakikipagkaibigan sa iba.
Prinsipyo sa Bibliya: Sinabi ng Diyos na “hindi mabuti para sa [tao] na manatiling nag-iisa.”—Genesis 2:18.
Gusto ng Diyos na makipagkaibigan tayo sa kaniya. Ipinapangako niya na makikipagkaibigan siya sa atin kapag sinisikap nating maging malapít sa kaniya.—Santiago 4:8.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos, dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.”—Mateo 5:3.
Gusto ng Diyos na sambahin natin siya kasama ang iba. Kung gagawin natin iyan, magiging mas masaya tayo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, . . . kundi patibayin natin ang isa’t isa.”—Hebreo 10:24, 25.
Para sa higit pang impormasyon kung bakit mahalagang labanan ang kalungkutan, basahin ang artikulong “Malungkot Kahit na Masulong ang Teknolohiya sa Komunikasyon.”
a The Global State of Social Connections, ng Meta at Gallup, 2023.