Dapat Bang Makialam sa Politika ang Relihiyon?
Sa buong mundo, maraming tao na nag-aangking sumusunod kay Jesu-Kristo ang aktibong nakikisangkot sa politika. Itinataguyod pa nga ng ilan ang paniniwala nila at prinsipyo sa buhay sa pamamagitan ng pagsuporta sa partikular na mga kandidato o partido. At madalas namang ginagamit ng mga politiko ang mga usaping moral o mga kalagayan sa lipunan para makuha ang suporta ng relihiyosong mga tao. Maraming lider ng relihiyon ang tumatakbong kandidato para sa mga posisyon sa gobyerno. At sa ilang bansa, may mga “Kristiyanong” denominasyon pa nga na kinikilala bilang pambansang relihiyon.
Ano sa tingin mo? Dapat bang makialam sa politika ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo? Masasagot mo iyan kung susuriin mo ang halimbawa ni Jesus. Sinabi niya: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.” (Juan 13:15) Pagdating sa politika, anong parisan ang ibinigay ni Jesus?
Nakialam ba si Jesus sa politika?
Hindi. Hindi nakialam si Jesus sa politika ng mundong ito.
Hindi naghangad si Jesus ng kapangyarihan sa politika. Tumanggi siyang maging tagapamahala ng mga gobyerno ng tao nang ialok ni Satanas na Diyablo ang “lahat ng kaharian sa mundo.” (Mateo 4:8-10) a Sa isa pang pagkakataon, nakita ng mga tao ang kakayahan ni Jesus sa pamamahala kaya sinubukan nila siyang ipasok sa politika. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil alam ni Jesus na papalapit na sila para kunin siya at gawing hari, muli siyang umalis na nag-iisa papunta sa bundok.” (Juan 6:15) Hindi nagpadala si Jesus sa gusto ng mga tao. Sa halip, iniwasan niyang masangkot sa politika.
Walang pinanigan si Jesus nang magkaroon ng politikal na isyu. Halimbawa, noong panahon ni Jesus, nagagalit ang mga Judio sa buwis na kailangan nilang bayaran sa gobyerno ng Roma. Para sa kanila, pabigat iyon at di-makatuwiran. Nang subukan nilang hingin ang opinyon ni Jesus sa isyu, hindi siya nakipagtalo kung makatuwiran ba o hindi ang pagbubuwis na iyon. Sinabi niya sa kanila: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:13-17) Nanatili siyang neutral sa politikal na isyung iyon, pero ipinakita niyang dapat bayaran ang buwis na hinihingi ng gobyerno ng Roma, na lumalarawan kay Cesar. Pero itinuro din niya na may limitasyon lang ang pagsunod sa sekular na awtoridad. Hindi dapat ibigay ng isang tao sa gobyerno ang mga bagay na para sa Diyos, gaya ng debosyon at pagsamba.—Mateo 4:10; 22:37, 38.
Sinuportahan ni Jesus ang isang gobyerno sa langit, ang Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43) Hindi siya nakialam sa politika kasi alam niyang hindi gobyerno ng tao, kundi Kaharian ng Diyos, ang gagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa. (Mateo 6:10) Alam niyang hindi gagamitin ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao, sa halip, papalitan niya ito.—Daniel 2:44.
Nakialam ba sa politika ang unang-siglong mga Kristiyano?
Hindi. Namuhay ang mga tagasunod ni Jesus ayon sa sinabi niyang “hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Tinularan nila ang halimbawa niya at nanatiling hiwalay sa politika. (Juan 17:16; 18:36) Imbes na makialam sa politika, ginawa nila ang gawaing ibinigay sa kanila ni Jesus—ang mangaral at magturo tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 28:18-20; Gawa 10:42.
Para sa unang-siglong mga Kristiyano, ang pagsunod sa Diyos ang pinakamahalaga sa buhay nila, pero alam din nilang dapat nilang irespeto ang sekular na awtoridad. (Gawa 5:29; 1 Pedro 2:13, 17) Sumunod sila sa batas at nagbayad ng buwis. (Roma 13:1, 7) Hindi sila nakialam sa politika, pero pinahalagahan nila ang proteksiyon at serbisyong ibinibigay ng gobyerno.—Gawa 25:10, 11; Filipos 1:7.
Kristiyanong neutralidad sa ngayon
Malinaw na ipinapakita ng Bibliya na hindi nakialam sa politika si Jesus at ang mga tagasunod niya noon. Kaya naman bilang mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay nananatiling neutral sa politika. Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, ginagawa nila ang gawaing ibinigay ni Jesus—ang pangangaral ng “mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian.”—Mateo 24:14.
a Nang tumanggi si Jesus, hindi niya sinabing walang karapatan si Satanas na gawin ang ganoong pag-aalok. Tinawag pa nga niya si Satanas na “tagapamahala ng mundo.”—Juan 14:30.