ASTER PARKER | KUWENTO NG BUHAY
Gusto Kong Paglingkuran Habambuhay si Jehova
Nagpapasalamat ako kasi bata pa lang ako itinuro na sa akin ng mga magulang ko ang katotohanan. Ginamit nila ang mga larawan at kuwento sa librong Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso para turuan akong mahalin si Jehova. Ikinukuwento ko naman iyon sa kapitbahay naming mga bata at sa lolo ko kapag bumibisita siya. May magandang espirituwal na rutin ang mga magulang ko. Nakatulong iyon noong lumipat kami sa Addis Ababa, Ethiopia mula Asmara, Eritrea.
Bata pa lang ako, mahal ko na ang katotohanan kaya naging goal ko na mag-alay kay Jehova at magpabautismo. Nagawa ko iyon noong 13 years old ako. Tandang-tanda ko pa noong 14 ako, tinanong ako ni Brother Helge Linck a kung naisip ko na bang mag-pioneer. Kahit naging temporary pioneer (auxiliary pioneer ngayon) ang mga magulang ko, hindi ko alam noon kung ano ang regular pioneer. Dahil sa tanong ni Brother Linck, naisip kong mas paglingkuran pa si Jehova.
Handa sa Pag-uusig
Noong 1974, naging magulo ang politika sa Ethiopia kaya nagkagulo rin ang mga tao. May mga inaaresto at pinapatay noong panahong iyon. Dahil doon, hindi na kami nakakapagbahay-bahay, at maliliit na grupo na lang ang mga pulong namin. Kaya inihanda kaming magkakapatid ng mga magulang namin sa mas mahihirap na pag-uusig. Natulungan kami ng mga prinsipyo sa Bibliya na maintindihan kung bakit kailangang maging neutral ang mga Kristiyano. Nalaman din namin na ipapaalala ni Jehova ang mga sasabihin namin kapag tinanong kami, at na may mga pagkakataong kailangan naming manahimik.—Mateo 10:19; 27:12, 14.
Pagka-graduate ko, nagtrabaho ako sa Ethiopian Airlines. Isang umaga pagdating ko sa trabaho, binati ako ng mga katrabaho ko kasi ako raw ang napiling manguna sa isang anniversary parade ng gobyerno. Sinabi ko agad sa supervisor ko na hindi ako sasali kasi neutral ako sa politika.
Kinabukasan, habang nagtatrabaho ako, may nakita ako sa malayo na mga armadong lalaki na papunta sa ticket counter. Naisip ko na may aarestuhin silang tao sa airport bago ito makatakas ng bansa. Pero nagulat ako nang ituro nila ako! Bakit ako? Akala ko normal na araw lang iyon, pero biglang nagbago ang lahat.
Tinulungan Ako Habang Nakakulong
Dinala ako ng mga sundalo sa isang office at pinagtatatanong nang ilang oras. “Sino ang nagbabayad sa mga Saksi ni Jehova?” tanong nila. “Kasama ka ba sa Eritrean Liberation Front? Nakikipagsabuwatan ka ba o ang tatay mo sa gobyerno ng United States?” Nakaka-pressure talaga iyon, pero tinulungan ako ni Jehova na maging kalmado.—Filipos 4:6, 7.
Pagkatapos nito, dinala nila ako sa isang bahay na ginawang kulungan. Inilagay nila ako sa isang 28-square-meter na kuwarto kasama ng mga 15 babae. Nakakulong din sila dahil sa mga paniniwala o opinyon nila sa politika.
Noong gabing iyon, habang nakahiga ako sa sahig at nakauniporme pa, naisip ko na baka nag-aalala na ang pamilya ko. Alam nilang inaresto ako, pero hindi nila alam kung saan ako dinala. Hiniling ko kay Jehova na sana malaman ng pamilya ko kung nasaan ako.
Pagkagising ko nang sumunod na araw, namukhaan ko ang isang guwardiya. Hindi siya makapaniwala nang makita niya ako. Sabi niya, “Aster, ano’ng ginagawa mo dito?” Nakiusap ako sa kaniya na puntahan ang mga magulang ko at sabihin sa kanila kung nasaan ako. Nang araw ding iyon, pinadalhan ako ng magulang ko ng mga pagkain at damit. Nasabi na kasi sa kanila ng guwardiya kung nasaan ako. Sinagot ni Jehova ang panalangin ko! Dahil doon, napatunayan kong hindi ako nag-iisa.
Hindi ako pinayagang magkaroon ng Bibliya o anumang publikasyon. Hindi rin puwedeng bumisita ang mga kapamilya at kaibigan ko. Pero pinatibay ako ni Jehova gamit ang mga kasama ko sa kulungan. Araw-araw akong nangangaral sa kanila, at talagang natuwa sila nang marinig nila ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Madalas nilang sabihin: “Ipinaglalaban namin ang gobyerno, pero ikaw, gobyerno ng Diyos ang ipinaglalaban mo. Huwag kang susuko, kahit pagbantaan nila ang buhay mo!”
May mga pagkakataon na pinagtatatanong at binubugbog kami ng mga guwardiya. Naalala ko noon, mga 11:00 pm, pinuntahan nila ako. Nang makarating kami sa interrogation room, inakusahan nila ako ng kung ano-ano. Sabi nila, hindi ko sinusuportahan ang gobyerno. At nang hindi ko sabihin ang political slogan na pinapasabi nila, binugbog ako ng dalawang lalaking guwardiya. Ilang beses nangyari sa akin iyon. Pero sa bawat pagkakataon, nananalangin ako kay Jehova at nararamdaman ko ang tulong niya sa akin.
Pagkatapos ng tatlong buwan, sinabi ng isang guwardiya na makakalaya na ako. Nagulat talaga ako at natuwa. Pero medyo nalungkot din kasi nae-enjoy ko na ang pangangaral tungkol sa Kaharian sa mga kasama ko sa kulungan.
Ilang buwan pagkalaya ko, inaresto ng mga sundalo ang ilan sa mga kapatid ko habang wala ako sa bahay. Inaresto nila ang dalawa kong kapatid na babae at isang kapatid na lalaki. Nang mangyari iyon, naisip ko na kailangan ko nang umalis ng bansa. Ayaw ko naman talagang mahiwalay ulit sa pamilya ko, pero sinabi ni Nanay na magpakatatag ako at magtiwala kay Jehova. Kaya naisip kong magpunta sa United States. Noong gabi ng flight ko, may mga sundalong nagpunta sa bahay para arestuhin ulit ako. Nang hindi nila ako makita doon, pumunta agad sila sa airport. Pero nakalipad na ang eroplanong sinasakyan ko.
Dumating ako sa Maryland at sinalubong nina Haywood at Joan Ward. Sila ang mga misyonerong nag-study sa mga magulang ko. Pagkatapos ng limang buwan, naabot ko na ang goal ko na maging regular pioneer! Naka-partner ko sa pagpapayunir si Cyndi, ang anak ng mag-asawang Ward. Masayang-masaya kami sa pangangaral.
Naka-focus sa mga Gawain sa Bethel
Noong summer ng 1979, pumunta ako sa Bethel sa New York. Nakilala ko doon si Wesley Parker. Nagustuhan ko ang magaganda niyang katangian at goal sa espirituwal. At noong 1981, ikinasal kami. Naglingkod kami ni Wesley sa Bethel sa Wallkill, New York. Na-assign ako sa Housekeeping at Dry Cleaning Department. Pagkatapos, nalipat ako sa MEPS team ng Computer Department. Dahil sa paglilingkod ko sa Bethel, masasabi ko na talagang naka-focus ako sa paglilingkod kay Jehova. Marami rin akong nakilalang mga kapatid na kaibigan ko pa rin hanggang ngayon.
Pero noong mga panahong iyon, matindi ang pag-uusig sa mga kapamilya ko sa Ethiopia. Talagang nag-aalala ako noon. Nakakulong pa rin ang tatlo kong kapatid. b Araw-araw silang nilulutuan at pinapadalhan ni Nanay ng pagkain kasi walang ibinibigay na pagkain ang kulungan.
Noong mga panahong iyon, naging kanlungan ko si Jehova. Tinulungan at pinatibay din ako ng mga Bethelite. (Marcos 10:29, 30) Isang araw, sinabi sa akin ni Brother John Booth: “Masaya kami na kasama ka namin sa Bethel. Siguradong tinulungan ka ni Jehova kaya ka nandito.” c Dahil sa mga sinabi niyang iyon, alam ko na pinagpala ni Jehova ang desisyon kong umalis ng Ethiopia at na aalalayan niya ang pamilya ko.
Paglilingkod kay Jehova Bilang Pamilya
Noong Enero 1989, nalaman namin na buntis ako. Nagulat talaga kami noon! Pero pagkatapos ng ilang araw, naging masaya na ulit kami. Iniisip na namin noon kung paano magpapalaki ng anak, kung saan kami titira, at kung ano ang magiging trabaho namin paglabas ng Bethel.
Noong Abril 15, 1989, matapos mag-impake, nagpunta kami sa Oregon. Doon namin planong mag-regular pioneer. Pero pagdating doon, may ilang kaibigan kami na nagsabi na baka mahirapan kami kapag nag-pioneer kami. Medyo kapos kami noon, tapos magkakaanak pa. Kaya ano ang gagawin namin? Nagkataon naman na dinalaw kami ng circuit overseer namin, si Guy Pierce, at ng asawa niyang si Penny. d Sinabi nila na ituloy lang namin ang plano namin. Kaya nag-pioneer kami at nagtiwalang tutulungan kami ni Jehova. (Malakias 3:10) Pioneer pa rin kami nang ipanganak namin ang panganay namin, si Lemuel, at ang kapatid niyang si Jadon.
Hinding-hindi namin malilimutan ang mga karanasan namin sa pagpapayunir kasama ng mga anak namin. Naipaliwanag namin ang katotohanan, hindi lang sa mga kapitbahay namin, kundi pati sa mga anak namin. (Deuteronomio 11:19) Kaya lang, kailangan na naming tumigil muna sa pagpapayunir nang ipanganak si Japheth, ang ikatlong anak namin.—Mikas 6:8.
Itinuro Namin sa mga Anak Namin na Paglingkuran si Jehova
Nakita namin na ang pinakamahalagang responsibilidad namin ay ang gawing totoong-totoo si Jehova sa mga anak namin para maging malapit sila sa kaniya. Kaya ginagawa naming masaya ang family worship namin. Noong maliliit pa sila, magkakasama kaming nagbabasa ng Pakikinig sa Dakilang Guro at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Minsan, ginagaya namin ang mga kuwento doon. Noong gumanap ako bilang Jezebel, kasi ako lang ang babae sa pamilya, tuwang-tuwa ang mga bata. Kunwari itinulak nila ako mula sa sofa at sila ang mga aso! Bukod sa family worship, isa-isa ring bina-Bible study ni Wesley ang mga bata.
Mahal na mahal namin ang mga anak namin. At lagi naming ipinapanalangin na manatiling close kami. Tinuturuan namin sila ng mga skill. Naghuhugas sila ng mga pinggan, naglilinis ng kuwarto, at naglalaba. Marunong din silang magluto.
May mga natututuhan din kaming mag-asawa. Minsan, sobra kaming nagre-react kaya may mga nasasabi kaming di-maganda sa mga bata o sa isa’t isa. Kapag nangyari iyon, nagpapakumbaba kami at nagso-sorry.
Regular kaming nagyayaya ng mga kakongregasyon sa bahay namin. Nagyayaya rin kami ng mga Bethelite, missionary, traveling overseer, at mga naglilingkod kung saan malaki ang pangangailangan. (Roma 12:13) Kapag may mga bisita kami, kasama rin namin sa mga kuwentuhan at usapan ang mga bata. Minsan nga, mas marami pa silang natatandaan kaysa sa amin ni Wesley.
Ginawa namin ni Wesley ang lahat para maging masaya ang buhay namin habang naglilingkod kay Jehova. Nag-iipon kami para magbakasyon sa iba’t ibang bansa. Kapag nandoon na kami, pumupunta kami sa Bethel, dumadalo, at nangangaral. Kaya lalong napamahal sa amin ang mga kapatid sa iba’t ibang lugar, at mas naging close ang pamilya namin.
Naglilingkod Pa Rin Hanggang Ngayon
Nakita namin na maraming nagsasalita ng Spanish sa lugar namin. Pero hindi sila gaanong napapangaralan. Kaya noong maliliit pa ang mga bata, tinanong namin si Brother Pierce kasi iniisip naming lumipat sa isang Spanish congregation. Ngumiti siya at sinabi, “Kung isa kang mangingisda, pupunta ka kung saan may isda.” Kaya lumipat kami sa Spanish congregation sa Woodburn, Oregon. Marami kaming naumpisahang Bible study, natulungang mabautismuhan. Nakita naming naging kongregasyon ang isang Spanish group.
Nawalan ng trabaho si Wesley, kaya lumipat kami sa California nang magkatrabaho siya doon. Pagkaraan ng dalawang taon, nag-pioneer kami nina Lemuel at Jadon. Noong 2007, sama-sama kaming dumalo ng Pioneer Service School. Pagkatapos, napansin namin na maraming nagsasalita ng Arabic sa teritoryo namin. Kaya nagdesisyon kaming lumipat sa Arabic congregation pagkatapos ng 13 years sa Spanish congregation. Masayang-masaya kaming mangaral sa mga nagsasalita ng Arabic sa lugar namin, pati na sa ibang bansa kapag may special preaching campaign. Mga pioneer pa rin kami sa isang Arabic congregation sa San Diego, California.
Mabuting asawa at ama si Wesley. Malalim ang respeto niya sa organisasyon ni Jehova. Wala kang maririnig na negatibo mula sa kaniya tungkol sa Bethel o mga kaayusan sa kongregasyon. Laging positibo ang mga sinasabi niya. Magkasama kaming nananalangin, at ipinapanalangin din niya ako. Kapag may nakaka-stress, gumagaan ang loob ko at nagiging kalmado kapag nananalangin siya.
Talagang na-enjoy namin ang buhay namin sa paglilingkod nang full time, pagpapalaki ng mga anak, at pagtulong sa mga kongregasyong mas malaki ang pangangailangan. Nakita namin na kapag inuuna natin si Jehova, pagpapalain niya tayo. At hindi kami nagkulang ng kahit ano. (Awit 37:25) Kumbinsido ako na ang paglilingkod kay Jehova habambuhay ang pinakamagandang desisyong nagawa ko.—Awit 84:10.
a Naglingkod si Brother Linck sa tanggapang pansangay sa Kenya, na nangangasiwa sa gawain sa Ethiopia.
b Pagkatapos ng apat na taon, pinalaya sa kulungan ang mga kapatid ko.
c Naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala si Brother Booth hanggang matapos ang buhay niya sa lupa noong 1996.
d Naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala si Brother Pierce hanggang matapos ang buhay niya sa lupa noong 2014.