Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DAVID MAZA | KUWENTO NG BUHAY

Nakayanan ng Isang Pamilya ang Matinding Trahedya

Nakayanan ng Isang Pamilya ang Matinding Trahedya

Nang mag-aral ako ng Bibliya at sundin ang mga prinsipyo nito, naging masaya ang pamilya ko. Akala ko no’n, imposible ’yon. Kaming mag-asawa, pati na ang tatlo naming anak, ay magkakasama at buong-pusong naglilingkod kay Jehova.

Pero biglang nagbago ang lahat noong Abril 24, 2004.

 Nang ipanganak ni Kaye ang panganay naming babae, si Lauren, hindi ko alam kung paano ako magiging mabuting tatay. Pagkatapos, noong ipinanganak ang pangalawa namin, si Michael, wala pa rin talaga akong ideya. Laging nag-aaway ang mga magulang ko, at nang bandang huli, nag-divorce sila. Gusto ko talagang maging isang mabuting ulo ng tahanan, pero sadyang hindi ko alam kung paano.

 Noong kabataan ako, naging lasenggo ako at adik. Kaya nang lumaki ako, walang direksiyon ang buhay ko. Dahil sa mga bisyo ko, gaya ng pagsusugal, kung ano-anong masasamang desisyon ang nagawa ko. Napagod na sa akin si Kaye kaya iniwan niya ako, at isinama niya ang dalawa naming anak. Sobrang hirap sa akin ng nangyari.

 Tinanong ko si Kaye kung ano ang dapat kong gawin para bumalik siya sa akin. Noong mga panahong iyon, nakikipag-Bible study na siya kay Gloria, na isang Saksi ni Jehova. Simple lang ang kondisyon ni Kaye: “Mag-aral ka ng Bibliya.” Hindi ko alam kung para saan iyon. Pero dahil gusto ko siyang bumalik, pumayag akong dalawin ako ni Gloria at ng asawa niyang si Bill sa bahay.

Ang Pag-uusap na Bumago sa Buhay Ko

 Noong magpunta sina Bill at Gloria sa bahay, humanga ako kasi close na close sila. Nalaman ko na may mga anak sila na kaedaran ko, at makabuluhan ang buhay ng mga ito. Napaisip ako noon, ‘Baka nga Bibliya ang susi para maging masaya ang pamilya.’

 Pinag-usapan din namin nina Bill at Gloria ang mga problema ko. Ipinakita nila sa akin ang sinasabi ng Bibliya sa Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” Naisip ko, ‘Kung dati ko pa sinusunod ang prinsipyong ito, hindi sana nagkaganito ang buhay ko!’

Sina Kaye at David

 Sa paglipas ng panahon, nakita ko na mas gumanda ang buhay ko dahil sa mga prinsipyo sa Bibliya. Hindi na kami naninigarilyo ni Kaye, at inihinto ko na rin ang ibang bisyo ko. Noong 1985, ipinanganak ang bunso naming si David. Davey ang tawag namin sa kaniya. Noong panahong iyon, tingin ko, alam ko na kung paano magiging isang mabuting tatay.

Magkakasamang Naglilingkod kay Jehova

 Nakita namin ni Kaye na kapag tinuturuan namin ang mga anak namin na mahalin si Jehova, mas napapalapít din kami sa kaniya. Marami kaming natutuhan sa mga publikasyon, gaya ng Pakikinig sa Dakilang Guro. Naging magandang halimbawa rin para sa pamilya namin ang mga kakongregasyon namin.

Si Michael at ang asawa niyang si Diana

 Di-nagtagal, nag-pioneer ang lahat ng anak namin. Noong mga unang buwan ng 2004, lumipat si Lauren sa isang Spanish congregation. Kakalabas naman ni Michael sa Bethel kasi mag-aasawa siya. At naatasan sila ng asawa niyang si Diana sa Guam. Si Davey naman na 19 noon ay nag-volunteer sa Dominican Republic.

 Proud na proud kami ni Kaye sa desisyon ng mga anak namin. Totoong-totoo sa amin ang 3 Juan 4: “Wala nang mas makapagpapasaya pa sa akin kaysa rito: ang marinig ko na ang mga anak ko ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” Hindi namin akalain na magbabago ang lahat sa isang tawag lang.

Gumuho ang Mundo Namin

 Noong Abril 24, 2004, nag-dinner kami ni Kaye kasama ang dalawang mag-asawa. Mahigit 100 kilometro ang layo ng restaurant, kaya ginamit namin ang kotse ko. Pagkatapos, pumunta kami sa isang café para mag-dessert. Ibinabâ ko muna sila para mag-park. Biglang tumunog ang cellphone ko. Tumawag ang kaibigan ko at nanginginig ang boses niya.

 “May masamang nangyari,” sabi niya. “Naaksidente si Davey.”

 “Ano’ng nangyari?” ang tanong ko. Pero kinakabahan ako sa isasagot niya.

 Noong umpisa, hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Pero kahit nag-aalinlangan siya, sinabi pa rin niya na patay na si Davey.

 Pagkatapos niyang tumawag, nanalangin ako kay Jehova na palakasin ako. ’Tapos, sumunod ako sa café. Sinabi ko sa kanila na masama ang pakiramdam ko at gusto ko nang umuwi. Ayokong sabihin agad kay Kaye ang nangyari kay Davey. Naisip ko na sabihin na lang iyon sa kaniya kapag kaming dalawa na lang.

 Mga isa’t kalahating oras akong nagmamaneho, at sobrang bigat ng pakiramdam ko. Nagkukuwento pa si Kaye noon kung gaano siya ka-excited kasi uuwi si Davey. Bago ko pa masabi kay Kaye na wala na ang anak namin, ang dami nang nagtetext sa akin para makiramay.

 Pagkatapos naming maihatid ang mga kasama namin, umuwi na kami. Alam ni Kaye na may mali sa akin kaya tiningnan niya ako at nagtanong, “Ano’ng nangyari?” Alam kong guguho ang mundo niya sa mga susunod kong sasabihin. Kasi ganoon din ang naramdaman ko noong may tumawag sa akin halos dalawang oras pa lang ang nakakalipas.

Ang Nakatulong sa Amin

 Marami na kaming pinagdaanan ni Kaye, at alam namin na laging inaalalayan ni Jehova ang mga lingkod niya. (Isaias 41:10, 13) Pero ibang-iba ang naranasan namin ngayon. Hindi ko maiwasang isipin, ‘Bakit nangyari ’to kay Davey? Ang dami niyang ginawa para kay Jehova. Bakit siya pinabayaan ni Jehova?’

 Sobrang lungkot din ng mga anak namin. Si Lauren, parang nanay na rin siya ni Davey. Kaya hindi niya matanggap na wala na ang kapatid niya. Ganoon din si Michael. Kahit mga limang taon na rin siyang malayo sa amin, tuwang-tuwa siya kay Davey kasi malaki ang isinulong nito sa espirituwal.

 Mula nang mangyari ang trahedya, talagang inalalayan kami ng kongregasyon. Halimbawa, noong panahong hindi pa namin matanggap na patay na si Davey, binibisita kami ng mga kaibigan namin sa kongregasyon para palakasin kami at makiramay. (Kawikaan 17:17) Talagang mahal na mahal nila kami. Hindi namin malilimutan iyon!

 Para makayanan ang pagkawala ng anak namin, lagi pa rin kaming nananalangin, nag-aaral ng Bibliya, at dumadalo sa mga pulong. Hindi naalis ng mga ito ang sakit. Pero alam namin na napakahalaga ng mga ito para manatiling matibay ang kaugnayan namin kay Jehova.—Filipos 3:16.

Si Lauren at ang asawa niyang si Justin

 Noong panahong iyon, lumipat sina Michael at Diana malapit sa amin. Bumalik naman si Lauren sa English congregation namin. Magkakasama kami sa sumunod na mga taon at malaking tulong iyon sa pamilya namin. Pagkatapos, ikinasal si Lauren. At napakalaking tulong ng asawa niyang si Justin sa pamilya namin.

Isang Mahirap na Paglalakbay

 Ilang buwan pagkamatay ni Davey, meron kaming ginawa para makayanan ang pagkawala niya. Mahirap iyon; pero malaking tulong iyon sa amin. Si Kaye naman ang magkukuwento.

 “Nang sabihin ng asawa ko na patay si Davey, parang tumigil ang mundo ko at wala na akong dahilan para maging masaya. Sa sobrang lungkot, hindi ko na magawa y’ong mga dati kong ginagawa. Iyak ako nang iyak. At ang totoo, kung minsan, nagagalit ako kay Jehova at sa iba. Hindi na rin ako makapagdesisyon nang tama.

 “Gusto kong pumunta sa Dominican Republic. Gusto kong makita kung saan tumira si Davey at kung saan siya naglingkod kay Jehova sa mga huling buwan niya. Pero tingin ko, hindi ko pa ’yon kaya.

 “Sinabi sa akin ng isang malapít na kaibigan ko na lungkot na lungkot din ang mga kaibigan ni Davey sa Dominican Republic, at gusto nila na makilala ang pamilya ni Davey. Kaya lumakas ang loob ko na pumunta doon.

 “Malaking tulong sa amin nang pumunta kami sa Dominican Republic. Mas nakita namin kung gaano nakapokus sa espirituwal si Davey. Nakakuwentuhan namin y’ong nag-iisang elder sa kongregasyon nila. At sinabi niya na maaasahan si Davey sa pagganap ng mga atas nito.

 “Habang naglalakad kami papunta sa tinirhan ni Davey, nilalapitan kami ng mga tao at ikinukuwento nila kung gaano siya kabait sa kanila. Alam ko namang mabait si Davey, pero noon ko lang nakita na talagang tinularan ng anak ko si Jesus.

Si Davey habang naglilingkod sa Dominican Republic

 “Nakilala rin namin y’ong isang Bible study ni Davey na may sakit at hindi na makabangon. Napakahirap din n’ong lalaki. Pero sinabi ng mga kapatid na hindi siya minaliit ni Davey kundi nirespeto siya ng anak ko. Kaya proud ako kay Davey!

 “Iyon ang pinakamahirap na paglalakbay na ginawa ng pamilya namin. Pero dahil doon, nabawasan ang sakit na nararamdaman namin kasi nakita namin na hindi kami nag-iisa. Kahit paano, hindi na ganoon kabigat y’ong dinadala namin.”

Napatibay ng Halimbawa ni Davey

 Mababasa sa Gumising! Enero 8, 2005 ang isang artikulo tungkol kay Davey at ang paglilingkod niya sa Dominican Republic. Noong una, hindi alam ng pamilya namin kung paano iyon makakatulong sa mga makakabasa. Halimbawa, noong Mayo 2019, kinontak kami ng isang brother na si Nick. Sinabi niya:

 “Bago matapos ang 2004, nasa college ako at wala akong goal sa espirituwal. Hindi ako masaya. Kaya nanalangin ako kay Jehova. Hiniling ko sa kaniya na tulungan ako na magamit ang buhay ko bilang kabataan sa mas makabuluhang paraan. Di-nagtagal, nabasa ko y’ong karanasan ni Davey sa Gumising! Iyon ang sagot ni Jehova sa panalangin ko!

 “Tumigil ako sa pag-aaral at nag-pioneer. Naging goal ko noon na mag-aral ng Spanish at lumipat sa ibang lugar para mangaral. ’Tapos, nakapaglingkod ako sa Nicaragua at nakapag-aral kami ng asawa ko sa School for Kingdom Evangelizers. Kapag tinatanong ako kung bakit ako nag-pioneer, isa sa mga isinasagot ko ay ang karanasan ni Davey.”

 Nakilala rin namin ang isang sister na si Abi. Magkakasama kami sa hotel nang maimbitahan kami sa 2019 Internasyonal na Kombensiyon sa Buenos Aires, Argentina. Napakabait niya at mapagmahal. Naaalala nga namin ni Kaye sa kaniya si Davey.

Nakatulong kay Abi ang karanasan ni Davey para mag-pioneer at maglingkod sa malayong teritoryo

 Noong bumalik kami sa hotel, ipinasa namin kay Abi ang link ng artikulo sa Gumising! tungkol kay Davey. Mga ilang minuto lang, sinabi niya na gusto niya kaming makausap. Kaya nagkita kami sa lobby. Doon, umiyak si Abi. Sinabi niya na ang karanasan ni Davey ang nakatulong sa kaniya kaya nag-pioneer siya noong Setyembre 2011 at naglingkod sa malayong teritoryo. Sinabi niya, “Kapag nagkakaproblema ako sa atas ko, binabasa ko ulit y’ong artikulo.” Dala pa nga niya noon ang kopya ng Gumising!

 Dahil sa ganitong mga karanasan, nakita namin na bahagi kami ng isang napakalaking pamilya. Wala nang papantay sa pagkakaisa ng bayan ni Jehova!

 Napalakas kami ni Kaye nang malaman namin na maraming napatibay sa karanasan ni Davey. At nakakapagpatibay rin ang lahat ng kabataan na ginagamit ang buhay nila para paglingkuran si Jehova. Baka hindi lang nila alam, pero dahil sa sigasig at halimbawa nila, napapatibay nila ang iba na gawin ang best nila para kay Jehova.

“Silang Lahat ay Buháy sa Kaniya”

 Sa Lucas 20:37, binanggit ni Jesus na ipinakilala ni Jehova ang sarili niya bilang “Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.” Pero hindi sinabi ni Jehova na Diyos lang nila siya habang nabubuhay sila. Siya pa rin ang Diyos nila kahit namatay na sila! Bakit? Sinabi ni Jesus sa talata 38: “Silang lahat ay buháy sa kaniya.”

 Para kay Jehova, parang buháy pa rin ang lahat ng tapat na lingkod niya. Kaya sigurado tayo na gusto ni Jehova na buhayin silang muli! (Job 14:15; Juan 5:28, 29) Alam ko na ganiyan ang nadarama ni Jehova para kay Davey at sa lahat ng tapat na lingkod niya na namatay.

 Excited na akong makita ulit si Davey. Pero mas gusto ko na makitang magkasama ulit ang mag-ina. Kitang-kita ko kasi ang sakit na naramdaman ni Kaye nang mamatay si Davey. Nai-imagine kong mangyayari ang sinasabi sa Lucas 7:15: “Umupo ang taong patay at nagsalita, at ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.”

 Noong Setyembre 2005, nag-pioneer din ako gaya ni Kaye. Napakasayang maglingkod bilang pioneer kasama ang asawa ko, mga anak, at mga manugang namin. Nagtutulungan kaming pamilya. At lahat kami, nakapokus sa pag-asa namin sa hinaharap kung saan makakasama naming muli ang pinakamamahal naming si Davey.