Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

IRMA BENTIVOGLI | KUWENTO NG BUHAY

Paglilingkod sa Pinagmumulan ng “Bawat Mabuting Kaloob”

Paglilingkod sa Pinagmumulan ng “Bawat Mabuting Kaloob”

 Tumunog ang alarma na bobombahin na ang lunsod namin. Karga ni Nanay ang sanggol kong kapatid at dinala niya kami sa isang taniman para magtago sa mga puno. Anim na taóng gulang lang ako noon.

 Nang matapos ang pambobomba, hinanap namin ni Nanay ang best friend niya. Sobrang lungkot namin nang malaman naming namatay siya. Pagkalipas lang ng ilang araw, nagkaroon uli ng pambobomba. Agad akong inangkas ni Tatay sa bisikleta at binilisan niya ang pagpadyak para makalayo sa lunsod.

 Napakahirap ng naging buhay sa Italy dahil sa Digmaang Pandaigdig II, at tandang-tanda ko pa ang panahong iyon. Pero ang talagang humubog sa buhay ko mula pa noong bata ako ay ang magandang impluwensiya ng mga taong nakakakilala at nagmamahal kay Jehova.

Nalaman Ko ang Katotohanan

 Noong taglamig ng 1936, mga ilang buwan bago ako ipanganak, nakatrabaho ni Tatay sa riles si Vincenzo Artusi. Hindi pa bautisadong Saksi si Vincenzo pero mahal na mahal na niya ang katotohanan. Habang pinapala nila at inaalis ang snow sa riles, ikinukuwento ni Vincenzo kay Tatay ang mga natututuhan niya.

 Nakumbinsi agad si Tatay na iyon ang katotohanan. Kaya gusto niyang matuto pa, pati na ang ilang kababayan namin sa Faenza. Noong panahong iyon, dahil sa pang-uusig ng mga Pasista, hindi malayang makapagpulong ang mga Saksi, at puwedeng maaresto ang isang tao kung mahuli siyang may literatura sa Bibliya. May mga Saksing nakakulong na. Kaya nagpupunta si Tatay at ang mga kaibigan niya sa mga bahay sa liblib na mga lugar. Doon nila binabasa ang Bibliya at pinag-aaralan ang mga publikasyon. Linggo-linggo rin kaming nag-aaral ng Bibliya bilang pamilya.

Mabubuting Halimbawa

 Noong 1943, pinalaya na ang karamihan sa mga Saksing nakulong dahil sa pananampalataya nila. Kasama sa kanila ang single na sister na si Maria Pizzato. Noong pauwi na siya sa northern Italy, nakitulog siya sa bahay namin. Malaki ang naitulong niya para makatanggap ng mga publikasyon ang mga Saksi at mapanatili ang komunikasyon nila sa tanggapang pansangay sa Switzerland, na nangangasiwa sa gawain sa Italy noong panahong iyon. Kahit mukhang mahina si Maria, malakas naman ang loob niya. Pagkatapos ng digmaan, dumadalaw siya sa Faenza paminsan-minsan. Lagi kaming excited kapag bumibisita siya!

 Ang isa pang sister na hindi ko malilimutan ay si Albina Cuminetti, na isang may-edad na biyuda. Noong teenager ako, nakatira siya sa gusali kung saan kami nagpupulong. Isa siyang colporteur (buong-panahong ebanghelisador) sa Italy mula pa noong 1920’s. Maraming magagandang naikuwento sa akin si Albina tungkol sa gawain natin noong panahong iyon.

 May koleksiyon si Albina ng mga publikasyon natin at iba pang artifact. Isang araw, nakakita ako ng isang pin na may krus at korona. Isinusuot iyon noon ng mga Estudyante ng Bibliya (dating tawag sa mga Saksi ni Jehova). Dahil alam ko na pagano ang pinagmulan ng krus, nagulat ako at natawa. Pero may sinabi si Albina na hindi ko malilimutan. Binanggit niya ang diwa ng Zacarias 4:10: “Huwag mong hahamakin ang araw ng maliliit na bagay!”

Noong 14 ako

 May mahalaga akong natutuhan doon. Kahit hindi lubusang naiintindihan ng mga Estudyante ng Bibliya noon ang katotohanan, dapat ko pa rin silang igalang. Isa pa, hindi available sa Italian ang lahat ng publikasyon noon. Kaya hindi madali sa mga kapatid na makasabay sa mga pagbabago sa pagkaunawa natin. Pero pinahalagahan ni Jehova ang pagsisikap nila, at iyon din ang dapat kong gawin.

 Kahit malayo ang edad namin ni Albina, gustong-gusto ko siyang kakuwentuhan. Magandang halimbawa siya sa akin, pati na si Maria at ang iba pang masisigasig na sister na tapat na naglingkod kay Jehova sa kabila ng mabibigat na pagsubok. Masaya ako na nakasama ko sila.

Paglilingkod sa Bethel

 Noong tag-araw ng 1955, pumunta ako sa Rome para dumalo sa “Triumphant Kingdom” Assembly. Nakapag-tour din ako sa Bethel kasama ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa. Naisip ko, ‘Ang saya sigurong maglingkod dito!’

 Nabautismuhan ako noong Disyembre 18, 1955. Nag-aaral pa ko noon, pero gustong-gusto kong maglingkod nang buong panahon. Sa isang asamblea sa lunsod ng Genoa noong 1956, ipinatalastas na nangangailangan ng mga volunteer ang Bethel. Pero sinabi ng kinatawan ng sangay na hindi mga sister ang kailangan nang panahong iyon.

 Si Piero Gatti a ang tagapangasiwa ng sirkito namin noon. Isa siyang masigasig na ebanghelisador. Kinausap ko siya tungkol sa mga tunguhin ko. At sinabi niya sa akin, “Irerekomenda kitang maging special pioneer.”

 Isang araw, nakatanggap ako ng sulat galing sa sangay. Akala ko inaatasan na ako bilang payunir. Hindi pala! Pinag-a-apply pala ako sa Bethel!

Kasama si Ilaria Castiglioni (nakatayo), isa ring translator, sa Bethel noong 1959

 Dumating ako sa Bethel noong Enero 1958. Mga 12 lang ang miyembro ng pamilyang Bethel noon. Inatasan akong tumulong sa dalawang translator doon. Napakaraming kailangang gawin, at wala akong karanasan sa pagta-translate. Pero sa tulong ni Jehova, na-enjoy ko ang atas ko.

 Pero wala pang dalawang taon, nagkaroon ng pagbabago sa gawain sa translation at na-reassign ako bilang payunir. Nagulat ako kasi parang naging tahanan ko na ang Bethel. Pero paglipas ng panahon, nakita ko na kaloob din ni Jehova ang bagong atas na ibinigay sa akin.

Masisigasig na Kasama sa Pangangaral

 Noong Setyembre 1, 1959, naging special pioneer ako sa lunsod ng Cremona. Si Doris Meyer, na galing Denmark, ang naging partner ko sa pagpapayunir. Ilang taon lang ang tanda niya sa akin, pero makaranasang payunir na siya, at hanga ako sa kaniya. Malakas ang loob niya, hindi madaling matakot, at may determinasyon. Pareho naming kailangan ang mga katangiang iyon sa teritoryo namin, kasi kaming dalawa lang ang Saksi sa buong lunsod.

Marami akong natutuhan kina Doris (kaliwa) at Brunilde (kanan), na naging mga partner ko sa pagpapayunir sa Cremona

 Naunang dumating si Doris sa Cremona at isinaayos niya na magrenta ng apartment para doon gawin ang mga pulong. Napansin agad ng mga paring Katoliko sa lugar na iyon ang gawain namin. Galit na galit sila at siniraan nila kami sa mga sermon nila.

 Isang araw, ipinatawag kami sa presinto. Hindi naman kami inaresto ng mga pulis. Pero sinabi nilang kailangan nang umalis ng Cremona ni Doris, kasi isa siyang dayuhan. Kaya bumalik siya ng Denmark, at patuloy siyang naglingkod nang tapat kay Jehova doon.

 Di-nagtagal, isa pang single na sister ang ipinadala sa Cremona, si Brunilde Marchi. Mahinahon siya, mabait, at masigasig sa pangangaral. Marami kaming na-Bible study, at sumulong ang ilan sa kanila.

 Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil nagkaroon ako ng bahagi sa ‘maliit na pasimula’ ng gawaing pangangaral sa Cremona. Ngayon, lima na ang kongregasyon doon!

Isang Sorpresa!

 Wala pang dalawang taon akong naglilingkod sa Cremona nang tawagan ako ng sangay. Maraming gawain sa translation bilang paghahanda sa anim-na-araw na “United Worshipers” Assembly, na ginanap noong Hulyo 1961. Kaya inanyayahan ulit akong maglingkod sa Bethel. Napatalon ako sa tuwa! Bumalik ako sa Bethel noong Pebrero 1, 1961.

 Araw-araw, napaka-busy namin sa Bethel. Pero para sa akin, isang pribilehiyo iyon. Parang ang bilis lumipas ng mga buwan, at dumating na ang panahon ng asamblea.

 Ipinatalastas sa asamblea na isasalin sa Italian ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Naisip ko, ‘Ang laking gawain n’on!’ At tama nga ako. Na-extend ang atas ko sa Bethel. At makalipas ang mahigit 60 taon, naglilingkod pa rin ako dito!

Sa Translation Department noong 1965

Iba Pang mga Kaloob ni Jehova

 Ang isa pang kaloob na pinahalagahan ko sa loob ng maraming taon ay ang pagiging single ko. Hindi naman sa ayoko talagang mag-asawa. Ang totoo, takot akong tumandang dalaga noon. Kaya ipinanalangin ko iyon kay Jehova. Siya ang pinakanakakakilala sa akin. Hiniling ko sa kaniya na tulungan akong malaman kung ano ang pinakamabuti para sa akin.

 Lalo kong napahalagahan ang mga tekstong gaya ng Mateo 19:11, 12 at 1 Corinto 7:8, 38. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng kaunawaan at kapayapaan ng isip. Hindi ko pinagsisihan ang desisyon kong manatiling single. Masaya ako kasi naibibigay ko ang best ko kay Jehova.

 Sa paglipas ng mga taon, nakita ko ang maraming pagbabago sa Translation Department habang ginagamit ng organisasyon ni Jehova ang mga bagong teknolohiya at iba pang “gatas ng mga bansa.” (Isaias 60:16) Dahil sa mga pagbabagong ito, mas tumibay ang kapatiran natin sa buong mundo. Halimbawa, mula noong 1985, sabay nang nailalathala ang Bantayan sa Italian at English. Ngayon, available na sa maraming wika ang mga artikulo at video sa jw.org, at kadalasan, lumalabas ito kasabay ng English. Talagang gusto ni Jehova na magkaisa ang bayan niya at makatanggap sila ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.

 Napakaraming regalo ni Jehova sa akin. Naging mabunga ang ministeryo ko noong special pioneer ako. Tinupad niya ang kagustuhan kong maglingkod sa Bethel. Marami akong naging kaibigan dito na iba’t iba ang edad at pinagmulan. Masaya rin ako kasi naging lingkod ni Jehova ang nanay ko at nabautismuhan siya sa edad na 68. Sabik na akong makita siya at ang iba ko pang kapamilya kapag binuhay na silang muli.—Juan 5:28, 29.

 Gustong-gusto ko nang makita ang gagawin ni Jehova para sa mga lingkod niya sa hinaharap, kapag ginawa na niyang “bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Sigurado ako na patuloy na ibibigay ni Jehova sa atin “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo.”—Santiago 1:17.

Habang naglilingkod sa Translation Department ngayon

a Mababasa ang kuwento ng buhay ni Piero Gatti sa Hulyo 15, 2011, isyu ng Bantayan, pahina 20-23.