Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

JAY CAMPBELL | KUWENTO NG BUHAY

Naiangat Ako Mula sa Napakababang Kalagayan

Naiangat Ako Mula sa Napakababang Kalagayan

 Napakamahiyain ko noong bata ako. Nagtatago ako sa mga tao, at mas gusto ko pang nasa loob lang ako lagi ng bahay. Pakiramdam ko wala akong kuwentang tao. Bihira akong makipag-usap sa iba kasi natatakot ako na baka maliitin nila ako. Ikukuwento ko sa inyo ang buhay ko.

 Noong Agosto 1967, nilagnat ako nang napakataas, at 18 buwan pa lang ako noon. Paggising ko kinabukasan, hinang-hina ang mga binti ko. Dinala ako sa ospital sa Freetown, Sierra Leone, kung saan kami nakatira, at nakita sa mga test na nagkaroon ako ng polio. Isa itong sakit na dala ng virus na puwedeng ikaparalisa ng isa, lalo na ng mga batang wala pang limang taóng gulang. Walang nagawa ang physiotherapy. Unti-unti, natutuyo ang mga muscle ko sa mga binti hanggang sa hindi na ako makatayo o makalakad. Paulit-ulit na sinasabi ni Tatay na “unano” raw ako dahil sa kalagayan ko. Ang kaya ko lang gawin ay gumapang, kaya talagang sirang-sira ang loob ko at napakababa ng tingin ko sa sarili ko.

Gumagapang Ako Habang Lumalaki

 Lumaki ako sa isang compound kasama ng nanay ko at ng iba pang mahihirap na pamilya. Mahal ako ng ibang tao, pero hinahanap-hanap ko pa rin ang pagmamahal ni Tatay, pagmamahal na hindi talaga niya naipakita. May ilan na nagsasabi na hindi ordinaryong sakit ang nararanasan ko, kasi kinulam daw ako. Pinayuhan pa nga ng iba si Nanay na iwan daw ako sa pinto ng isang bahay na nag-aampon sa mga batang maysakit para hindi na raw siya mahirapan sa pag-aalaga sa akin. Hindi sila pinakinggan ni Nanay. Puspusan siyang nagtrabaho para maalagaan niya ako.

 Gumagapang na lang ako kasi hindi na talaga ako makatayo o makalakad. Kaya tuloy ang dami kong gasgas at sugat. Para mabawasan iyon, makakapal na damit ang isinusuot ko. Ginagamit ko ring pinaka-gloves ang mga slipper para maproteksiyunan ang kamay ko. Bandang huli, nagkaroon ako ng hugis-U na mga piraso ng kahoy para sa mga kamay ko. Para may mapuntahan ako, iuunat ko sa harap ang mga kamay ko at ilalagay ang mga piraso ng kahoy sa lupa. Pagkatapos, pilit kong iaangat ang buong katawan ko at itutulak paharap para makausad ako. At paulit-ulit ko itong gagawin. Napakasakit n’on sa mga braso at balikat ko. Napakahirap gawin n’on kaya bihirang-bihira akong umalis ng compound namin. Hindi rin ako nakapag-aral at hindi ko rin nakakalaro ang ibang mga bata. Lagi kong iniisip noon kung paano na ako kapag namatay si Nanay.

 Nanalangin ako sa Diyos. Hiniling ko na tulungan niya ako—na sana huwag niya akong hayaang maghirap at mamalimos. Ang naiisip ko kasi noon, kung lalapit ako sa kaniya at maglilingkod sa kaniya nang tama, hindi niya ako pababayaan. Kaya isang araw noong 1981, kahit hirap na hirap ako, pumunta ako sa isang simbahan na malapit sa bahay namin. Naiilang ako noon kasi tinitingnan ako ng mga tao. Hindi masaya ang pastor nang makita niya ako. Pinagsabihan pa nga niya si Nanay kasi umupo ako sa bangko na binayaran na ng iba. Kaya naisip kong hindi na ako babalik doon.

Nakilala Ko ang Aking Ama sa Langit

 Isang umaga noong 1984, nang 18 years old ako, umakyat ako sa taas ng bahay namin at dumungaw sa bintana. Lagi akong pumupunta roon para makita ko kung ano ang nangyayari sa labas. Pero naisipan kong bumaba ng bahay at pumunta sa isang lugar sa compound, na karaniwan nang walang tao. Pagdating ko doon, may nakita akong dalawang lalaki na nagbabahay-bahay at nangangaral. Sinabi nila na may maganda tayong kinabukasan at mawawala na ang sakit ko. Binasa nila ang Isaias 33:24 at Apocalipsis 21:3, 4. Pagkatapos binigyan nila ako ng makulay na brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Sabi nila, babalik sila at tuturuan pa nila ako.

 Pagbalik nila, sinabi nilang ipapakilala nila ako sa bagong-dating na missionary, si Pauline, at siya na ang magpapatuloy ng Bible study namin. Naging malapít kami ni Pauline sa isa’t isa. Para ko na siyang nanay at anak niya ako. Pinasigla ako ng totoo kong nanay na ituloy ang pakikipag-aral ng Bibliya sa “bagong nanay” ko na nagpakita sa akin ng mapagsakripisyong pag-ibig, pagtitiis, kabaitan, at malasakit. Lagi niya akong kinukumusta. At tinuruan din niya ako na magbasa. Ginamit niya ang publikasyon na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya para ipakilala sa akin ang maibiging Ama na hinahanap-hanap ko.

Si Pauline, ang missionary na nag-Bible study sa akin

 Masayang-masaya ako sa mga natututuhan ko sa Bibliya. Isang araw, tinanong ko si Pauline kung puwede akong dumalo sa meeting ng mga Saksi ni Jehova na tinatawag na Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. a Ginaganap iyon sa bahay ng isang Saksi ni Jehova na isang bloke ang layo mula sa bahay namin. Pumayag si Pauline. Kaya nang sumunod na Martes, sinundo niya ako. Hinintay niya akong makaligo at makapagbihis para sabay kaming makadalo. May nagsabi sa akin na sabihan ko raw si Pauline na mag-taxi na lang kami, pero sabi ko, “Maglalakad ako papunta doon gamit ang mga piraso ng kahoy na panlakad ko.”

 Noong paalis na kami, alalang-alala ang nanay ko pati na ang mga kapitbahay namin. Sinigawan ng ilang kapitbahay si Pauline, “Pinipilit mo siya!”

 “Jay, gusto mo bang sumama?” ang mahinahong tanong sa akin ni Pauline. Ito na ang panahon para maipakita kong nagtitiwala ako kay Jehova. (Kawikaan 3:5, 6) “Oo!” ang sabi ko. “Desisyon ko ito.” Nanahimik sila. At nang papalapit na ako sa gate, nagbago ang damdamin nila. Paglabas na paglabas ko ng compound, nagsigawan sila sa tuwa.

 Ang saya-saya ko sa meeting na iyon! Lahat sila bumabati sa akin! Hindi nila ako minaliit. Kaya hindi talaga ako nailang. Simula noon, regular na akong dumadalo. Di-nagtagal, tinanong ko kung puwede rin akong dumalo sa mas malalaking meeting na ginaganap sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Mahirap lang ako. Dalawa lang ang bestida ko at isang pares lang ang tsinelas ko. Pero sigurado akong tatanggapin ako ng bayan ng Diyos. At iyon nga ang ginawa nila.

 Para makarating sa Kingdom Hall, “maglalakad” ako hanggang kanto at sasakay ng taxi papunta sa paanan ng buról kasi nandoon ang Kingdom Hall. Pagdating doon, kakargahin ako ng mga brother papasók sa Kingdom Hall.

 Damang-dama ko ang kabutihan ng Diyos na Jehova kaya gusto kong manganlong sa kaniya. Desidido akong daluhan ang lahat ng pulong. (Awit 34:8) Kapag tag-ulan, putikan akong darating sa Kingdom Hall, at doon na lang ako magpapalit ng damit; pero talagang sulit na sulit iyon!

 Lumabas sa 1985 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ang tungkol sa sitwasyon ko. Nabasa iyon ni Josette, isang Saksi ni Jehova sa Switzerland. Naawa siya sa akin kaya pinadalhan niya ako ng isang wheelchair na may tatlong gulong. Maganda ang pagkakadisenyo ng wheelchair, kasi kamay ang ginagamit sa pagpedal. May magagandang mudguard ito at makukulay na reflector sa likod. Mula noon, nakakapunta na ako kung saan ko gusto nang may dignidad. Hangang-hanga ang mga bata at sinasabi nila na tuwang-tuwa sila kapag nakikita nila akong nakasakay sa maganda kong wheelchair. Kaya mula sa napakababang kalagayan, na literal na gumagapang sa lupa, umangat ang kalagayan ko. Pakiramdam ko ngayon, para akong isang reyna na nirerespeto at hindi hinahamak.

Umangat ang Kalagayan Ko

 Mabilis ang naging pagsulong ko kasi dati na akong namumuhay nang simple at malinis sa moral. Sa tulong ng wheelchair, nakakasama na ako sa pangangaral. Noong Agosto 9, 1986, nabautismuhan ako. At mula noon, gumanda ang buhay ko! Hindi ko lubos maisip na magiging ganito ako kasaya. Hindi na ako nasisiraan ng loob ngayon. Pakiramdam ko, talagang makabuluhan ang buhay ko kasi mayroon akong isang Ama na nagmamahal sa akin at mga kapatid na talagang nagmamalasakit.

 Gusto kong suklian ang lahat ng kabutihan ng Diyos na Jehova sa akin kaya naisip kong mag-regular pioneer, pero hindi ko alam kung makakaya ko iyon. (Awit 116:12) Ipinanalangin ko iyon sa Diyos na Jehova. Nagsimula akong magpayunir noong Enero 1, 1988, at mula noon hindi na ako tumigil. Napakalaking pagpapala iyon sa akin! Mahal na mahal ako ng mga kapatid. Tinutulungan nila ako na maabot ang goal ko buwan-buwan. Kitang-kita ko rin kung paano ako tinutulungan ng Diyos na Jehova at ng banal na espiritu niya.—Awit 89:21.

 Mahina pa rin ang mga binti ko, pero malaking tulong sa akin ang pagpapayunir kasi nakakakilos ako kahit paano. Makalipas ang ilang panahon, pumunta ako sa isang bagong clinic para sana sa physiotherapy at magtanong kung anong exercise ang puwede sa akin. Pero sinabihan ako ng isang nurse doon na huwag na akong umasa kasi mamamatay rin lang daw ako kaagad. Ganoon din ang sinabi ng isa pang nurse, kaya lungkot na lungkot talaga ako noon. Pag-uwi ko sa bahay, nanalangin ako sa Diyos na Jehova na tulungan niya akong malabanan ang kalungkutan ko at sana makakuha ako ng physical therapy na makakatulong sa akin.

 Masasabi kong napakagandang therapy sa akin ang pangangaral. Lagi kasi akong nakakapag-exercise. Alam n’yo, makalipas ang ilang taon, napadaan sa tapat ng Kingdom Hall ang isa sa mga nurse na nagsabing mamamatay daw ako kaagad. Gulat na gulat siyang makita na buháy pa ako!

 Kahit ganito ang kalagayan ko, sinisikap kong manatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Sinasabi ng mga kapatid na natutuwa sila sa sigasig ko at masaya silang makita na maaga akong dumadalo sa pulong. Lagi kong ginagawa iyon para mabati ang mga kapatid at maipakitang mahal ko sila.

 Napatunayan kong napakabuti ng Diyos na Jehova, at tumanggap ako ng napakaraming pagpapala. Masaya ako na nagpabautismo ang tatlo sa mga Bible study ko. Isa sa kanila si Amelia, na nakadalo sa ika-137 klase ng Gilead. Nabigyan din ako ng pagkakataon, hindi lang nang isang beses, na maka-attend sa Pioneer Service School! Napakagandang paglalaan iyon mula kay Jehova. Pinatibay niya ako, pinalakas niya ang loob ko, at ginawa niyang makabuluhan ang buhay ko. Nirerespeto na ako ngayon ng mga tao. At hindi ko na ikinahihiya ang sarili ko. Nagkaroon ako ng mabubuting kaibigan, hindi lang sa lugar namin sa Freetown, kundi pati na sa buong bansa at sa iba pang bahagi ng mundo!

 Halos 40 taon na mula nang malaman ko na mawawala na ang lahat ng sakit sa bagong sanlibutan. Sigurado akong tutuparin ng Diyos ang pangako niyang iyon, kaya lalo akong napapatibay nito. At gustong-gusto ko nang dumating ang panahong iyon. Maghihintay ako kasi alam kong hindi maaantala ang pangako ng Diyos na Jehova. (Mikas 7:7) Dahil hindi ako sumuko, tumanggap ako ng maraming pagpapala. Tinulungan ako ni Jehova na malampasan ang maraming problema at mahihirap na sitwasyon. Palagi siyang nagbibigay ng tulong sa tamang panahon. Talagang napakasaya ko at lagi akong nakangiti kasi mula sa napakababang kalagayan, kung saan gumagapang ako, iniangat ako ni Jehova.

a Tinatawag ito ngayong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya.