Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MILES NORTHOVER | KUWENTO NG BUHAY

Ginantimpalaan ni Jehova ang mga Ginawa Ko

Ginantimpalaan ni Jehova ang mga Ginawa Ko

 Laging sinusuportahan ng mga magulang ko ang organisasyon ni Jehova. Halimbawa, noong gusto ng mga kapatid sa Bethel sa London na magkaroon ng sariling produksiyon ng gatas para sa pamilyang Bethel, ibinigay ng tatay ko ang anak ng nag-iisa naming baka na Jersey. Biruan nga namin na ’yong batang baka na iyon ang unang naging Bethelite sa pamilya namin. Dahil sa magandang halimbawa ng mga magulang ko, ginusto ko ring gawin ang lahat ng magagawa ko para kay Jehova. (Eclesiastes 11:6) At binigyan ako ni Jehova ng pagkakataon na mapaglingkuran siya sa paraang hindi ko inaasahan. Ginantimpalaan din niya ang mga pagsisikap ko. Hayaan n’yong ikuwento ko sa inyo ang buhay ko.

 Lumaki kami ng ate at kuya ko sa isang probinsiya malapit sa bayan ng Bicester sa United Kingdom. Umupa ng bahay doon sa isang farm ang mga magulang ko. Noong 19 ako, nagpayunir din ako gaya ng mga kapatid ko. Pagkatapos, naatasan akong maging special pioneer sa Scotland. At noong 1970, nang 23 na ako, inimbitahan akong maglingkod sa Bethel sa London. Doon ko nalaman ang tungkol sa sign language. Napakalaki ng naging epekto nito sa takbo ng buhay ko, na talagang napakasaya.

Natuto Akong Mag-sign Language

 Sa Bethel, na-assign ako sa Mill Hill Congregation. Doon, nakilala ko ang ilang kapatid na bingi. Kahit hirap kaming mag-usap, gusto ko pa rin silang maging kaibigan. Kaya umuupo ako sa tabi nila sa mga pulong.

 Noon, wala pang kongregasyon ng sign language sa Britain. Dumadalo lang ang mga bingi sa mga English na pulong. May mga kapatid doon na nakakarinig na nag-iinterpret ng programa para sa kanila. Dahil grammar ng English ang sinusundan ng mga nag-iinterpret, halos salita por salita ang pagsa-sign nila. Pero habang matiyaga akong tinuturuan ng mga kapatid na bingi na mag-sign, na-realize ko na may sarili palang grammar ang sign language. Ibang-iba ito sa English. Kaya humanga ako kasi lagi pa rin silang dumadalo sa mga pulong at lalo rin silang napamahal sa akin. Dahil din diyan, mas lalo ko pang pinagbuti ang pag-aaral ng sign language.

 Sa Britain, British Sign Language, o BSL, ang opisyal na wika ng mga bingi. Dumating ang panahon na ito na ang ginagamit ng mga interpreter sa mga pulong namin imbes na ang tinatawag na Sign Supported English. Kaya mas nakikinabang na ang mga bingi. Mas naging malapít din sila sa mga kapatid na nakakarinig. Sa nagdaang 50 taon, nakita ko kung gaano pinagpala ni Jehova ang gawain sa sign language. At hinayaan ni Jehova na magkaroon ako ng parte doon. Iyan naman ang ikukuwento ko sa inyo ngayon.

Sumulong ang Gawain sa Sign Language

 Noong 1973, mga isang taon mula nang mahirang akong elder, sinabi ni Michael Eagers, isang brother na bingi, na baka puwede kaming magkaroon ng mga pulong sa BSL. Matapos aprobahan ng sangay, isinaayos namin ng isang elder na magkapulong isang beses sa isang buwan sa sign language sa Deptford, London.

 Nakakatuwa ang resulta! Dumalo sa unang pulong na BSL ang mga Saksi na bingi mula sa London at iba pang lugar sa southeastern England. Sa wakas, nakakatanggap na ng espirituwal na pagtuturo sa wika nila ang mga kapatid at mga interesado na bingi. Pagkatapos ng pulong, nagkukuwentuhan kami at nagkakainan. Nakakapag-shepherding din ako sa mga kapatid na bingi. Talagang kailangang-kailangan nila iyon!

 Di-nagtagal, nagkaroon na rin ng mga pulong sa sign language sa Birmingham at Sheffield. Maraming kapatid na nakakarinig na gustong matuto ng BSL ang dumadalo sa mga pulong. At tumulong ang iba sa kanila na magkaroon na ng pangangaral sa sign language sa iba pang lugar sa England.

Natagpuan Ko Na ang Makakasama Ko Habambuhay

Noong araw ng kasal namin

 Noong 1974, nakilala ko ang magandang sister na si Stella Barker. Special pioneer siya sa isang kongregasyong malapit sa Bethel. Nagustuhan namin ang isa’t isa at nagpakasal kami noong 1976. Naglingkod kami ni Stella bilang mga special pioneer. Nakaugnay kami sa isang kongregasyon sa Hackney, North London. Doon sinuportahan namin ang gawain sa sign language. Kapag naalala ko ang mga panahong iyon, naiisip ko na napakaganda talaga ng simula ng pag-aasawa namin dahil pareho kaming pioneer.

 Di-nagtagal, naimbitahan kami ni Stella na maging commuter sa Bethel. Napaka-busy namin! Naging substitute CO din kasi ako, nagturo ng Kingdom Ministry School para sa mga elder, at tumulong din ako na mag-organisa ng pag-iinterpret sa sign language para sa mga kombensiyon sa English. Nakakapagod pero masayang-masaya kami sa paglilingkod namin.—Mateo 11:28-30.

 Noong 1979 at 1982, ipinanganak ang dalawa naming anak na sina Simon at Mark. Masayang-masaya kami pero hindi rin biro ang pagiging magulang. Paano namin napagsabay-sabay ang mga responsibilidad namin? Napagpasiyahan namin ni Stella na kapag kailangan kong bumiyahe para sa mga atas ko, sama-sama kaming pupunta doon bilang pamilya at sasamantalahin na rin namin iyon para magbakasyon. Gusto naming makita ng mga anak namin na masayang maglingkod kay Jehova. Ano’ng resulta? Nang malaki na y’ong mga anak namin, natuto silang mag-sign at nagpayunir din sila. At mga 40 taon pagkatapos maging “Bethelite” y’ong baka ng mga magulang ko, naging Bethelite din sina Simon at Mark. Sobrang saya namin!

Kasama si Stella at ang dalawa naming anak, noong 1995

Pagtulong sa mga Bingi

 Kahit noong mga 1990’s na, wala pa ring mga binging elder sa buong Britain, pero may ilang ministeryal na lingkod. Dahil diyan, mga elder na nakakarinig at hindi marunong mag-sign ang kailangang magpasiya kung “kuwalipikadong magturo” at maglingkod bilang mga elder ang mga brother na iyon. (1 Timoteo 3:2) Isa sa mga ministeryal na lingkod na iyon si Bernard Austin, isang brother na nakaugnay sa isang kongregasyong English. Mahal niya ang mga tupa ni Jehova at maganda ang reputasyon niya sa mga kapatid. Tuwang-tuwa ako nang mabalitaan kong elder na si Bernard! Ang totoo, siya ang unang elder na bingi sa Britain.

 Makasaysayan ang taóng 1996, kasi inaprobahan noon ng sangay na magkaroon ng unang sign language na kongregasyon sa Britain. Nasa Ealing, West London iyon. Pagkatapos, marami pang pagsulong ang nangyari.

Nakinabang sa Lahat ng Kristiyanong Pagtitipon

 Noong 1980’s at 1990’s, may mga atas ako para sa Service Department sa Bethel habang nasa bahay. Sinasagot ko ang mga tanong tungkol sa gawain sa sign language. May mga kapatid na sumusulat sa sangay para magtanong kung paano nila matutulungan ang mga bingi na maintindihan ang mga pahayag sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon na English. Hindi pa kasi nag-iinterpret noon sa sign language sa mga pulong at asamblea, at wala ring mga publikasyon para sa mga bingi. Kaya madalas kong sabihin sa mga kapatid na nakakarinig at bingi na patuloy na hintayin ang tamang panahon ni Jehova.

 Mabuti na lang naghintay kami! Di-nagtagal, inorganisa ng sangay na magkaroon ng pag-iinterpret sa sign language sa mga pulong at asamblea na English. Sa harap na rin umuupo ang mga bingi para mas makita nila ang nagpapahayag at ang interpreter. Mas naramdaman ng mga kapatid na bingi na mahal na mahal sila ni Jehova, at na parte sila ng espirituwal na pamilya niya.

 Noong Abril 1, 1995, nagkaroon ng unang pantanging asamblea sa sign language. Ginanap iyon sa Assembly Hall sa Dudley sa West Midlands. Tinulungan ko si Brother David Merry, isang dating tagapangasiwa ng sirkito, sa pag-oorganisa ng asambleang iyon. May ilang kapatid na bingi na bumiyahe pa nang napakalayo para lang makadalo sa programa. May mga nanggaling pa sa Scotland sa hilaga at ang iba naman, galing pang Cornwall sa timog-kanluran. Tandang-tanda ko pa kung gaano kami ka-excited nang mahigit 1,000 ang dumalo sa asambleang iyon.

Kasama si Brother David Merry sa una naming asamblea sa BSL noong 1995

 Noong 2001, inatasan ng sangay kaming dalawa ni Brother Merry na mag-organisa ng isang panrehiyong kombensiyon sa BSL para sa susunod na taon. Matrabaho iyon! Pero pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng maraming boluntaryo. At maganda ang kinalabasan ng kombensiyong iyon! Naging pribilehiyo kong pangasiwaan ang mga asamblea at kombensiyon sa sign language sa loob ng marami pang taon hanggang sa magkaroon ng kuwalipikado at mas batang mga brother na gagawa noon.

Mga Video Para sa mga Bingi

 Noong 1998, tuwang-tuwa kami nang ilabas ng organisasyon ni Jehova ang una sa maraming publikasyon sa BSL—ang brosyur na What Does God Require of Us?—On Videocassette. Marami kaming na-Bible study gamit iyon.

 Sa kombensiyon noong 2002, ininterpret sa BSL sa unang pagkakataon ang mga Kingdom song. “Makakanta” na ngayon ng mga kapatid na bingi ang magagandang lyrics kasama ang signer at mararamdaman na nila ang damdamin ng mga awit. Naaalala ko pa ang isang elder na bingi na napaiyak sa tuwa habang “kumakanta” siya sa unang pagkakataon.

 Hindi lang iyon ang espesyal na nangyari sa kombensiyon noong 2002. Ipinalabas doon ang isang drama na ginawa para sa sign language. Ang London Sign-Language Congregation ang inatasang gumawa n’on. Pero hindi namin alam kung paano. Kasi hindi pa naman kami nakagawa ng drama. Pero tinulungan kami ni Jehova na makahanap ng mga kapatid na marunong gumawa at mag-edit ng mga video. At maganda ang kinalabasan ng drama! Marami kaming natutunan doon at nagamit namin iyon sa iba pang mga proyekto. Noong 2003 hanggang 2008, naging pribilehiyo kong pangasiwaan ang produksiyon ng mga video drama sa Bethel para sa mga susunod na kombensiyon sa BSL.

 Nag-enjoy kami ni Stella na maglingkod sa Bethel kasama ang mga anak namin. Pero mahirap ang proyekto. Inabot nang ilang linggo ang pagre-rehearse at pagsho-shoot ng video, kaya pagod na pagod ang mga actor at production team. Pero sulit naman lahat iyon! Masayang-masaya kami nang makita naming naging totoong-totoo sa mga kapatid nating bingi ang mga ulat sa Bibliya. Napaiyak pa nga ang marami sa kanila.

 Marami pang regalong ibinigay sa amin si Jehova. Noong 2015, nagkaroon kami sa video format ng edisyon sa pag-aaral ng Bantayan sa BSL. At noong 2019, inilabas naman ang aklat ng Mateo sa ganoon ding format. Ngayon, kumpleto na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan namin, at ginagawa na ang Hebreong Kasulatan. Sobrang laking pasasalamat ng mga kapatid na bingi kay Jehova!

 Bilang bayan ni Jehova, kabilang tayong lahat sa pamilya niya. At tinutularan ng pamilya niyang ito ang pag-ibig niya at di-pagtatangi. (Gawa 10:34, 35) Hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin kami ng pamilya ko sa pagsisikap ng organisasyon na matulungan ang lahat ng uri ng tao—kasama na ang mga bingi at bulag. a

 Talagang sulit na sulit ang mga pagsisikap na iyon, kasi may ilan nang kongregasyon ngayon ng BSL sa Britain. Maliit lang sa pasimula ang gawain sa sign language, pero masaya akong makita ang pagsulong n’on. (Zacarias 4:10) Siyempre, hindi mangyayari iyan kung wala ang tulong ni Jehova. Siya ang gumagabay sa organisasyon niya. Ibinibigay niya ang kailangan ng mga lingkod niya para maipangaral ang mabuting balita sa lahat ng uri ng tao. At siya ang nagpapalago ng binhi ng Kaharian sa puso ng mga karapat-dapat.

Kasama si Stella noong 2023