PHYLLIS LIANG | KUWENTO NG BUHAY
Pinagpala ni Jehova ang Pagiging Handa Ko
“Handa akong sumama.” Iyan ang sinabi ni Rebeka noong kailangan niyang gumawa ng malaking desisyon na babago sa buhay niya para matupad ang kalooban ni Jehova. (Genesis 24:50, 58) Kumpara sa kaniya, ordinaryong tao lang ako, pero sinikap kong gayahin ang pagiging handa niyang maglingkod sa Diyos na Jehova. Maraming hamon pero nakita ko kung paano pinagpapala ni Jehova, minsan sa di-inaasahang mga paraan, ang mga handang maglingkod sa kaniya.
Isang May-edad Na Lalaki ang Nagdala sa Amin ng Kayamanan
Pagkalipas ng ilang taon mula nang lumipat ang pamilya namin sa Roodepoort, South Africa, namatay ang tatay ko. Noong 1947, sa edad na 16, nagtatrabaho ako nang full-time sa telephone service ng gobyerno para makatulong sa pamilya namin. Isang araw habang nasa bahay ako, may dumating na isang may-edad na lalaki at nag-alok ng subscription sa The Watchtower. Nag-subscribe kami para lang hindi siya mapahiya.
Unti-unti, naging interesado kami na malaman ang katotohanan sa Bibliya. Dating miyembro ng Dutch Reformed Church si nanay noong bata-bata pa siya. Nakita niya ang pagkakaiba ng mga turo ng Bibliya at ng itinuturo ng simbahan nila. Kaya nagpa-Bible study kami at nagsimulang dumalo sa mga pulong. Noong 1949, ako ang unang nabautismuhan sa pamilya namin. Patuloy akong nagtrabaho nang ilang taon, pero gusto ko talagang mas paglingkuran pa si Jehova.
Handang Magpunta Kung Saan May Pangangailangan
Noong 1954, nag-regular pioneer ako, at nagtanong sa tanggapang pansangay ng South Africa kung saan ako puwedeng mas makatulong. Inirekomenda nito ang lunsod ng Pretoria at isinaayos na may makasama akong isa pang sister na pioneer. Komportable sa tinutuluyan namin, at tandang-tanda ko pa ang masarap na koeksisters—pinilipit na pritong doughnut na isinasawsaw sa syrup—na ibinebenta malapit sa amin.
Nang makapag-asawa ang partner ko sa pioneering, tinanong ako ng lingkod ng sangay na si Brother George Phillips kung gusto kong maging special pioneer. Tinanggap ko iyon.
Nag-umpisa akong mag-special pioneer noong 1955, sa Harrismith. Nahirapan kami ng bagong partner ko na makahanap ng maayos na matutuluyan. Halimbawa, nang malaman ng simbahan doon ang tungkol sa amin, pinilit nila ang landlady namin na paalisin kami.
Pagkatapos, naatasan ako sa Parkhurst, Johannesburg. Dalawang sister na missionary ang nakasama ko doon. Di-nagtagal, nakapag-asawa y’ong isa at naatasan naman sa ibang lugar y’ong isa pa. Pinatuloy ako ng isang sister, si Eileen Porter, sa bahay nila. Siksikan sila doon ng pamilya niya kaya natutulog ako sa isang maliit na lugar na nilagyan lang ng kurtina. Mabait si Eileen at nakakapagpatibay, kaya komportable ako kapag kasama ko siya. Hangang-hanga ako sa sigasig niya, kahit marami siyang responsibilidad sa pamilya.
Pagkatapos naatasan ako sa Aliwal North, isang bayan sa Eastern Cape, para makasama ni Sister Merlene (Merle) Laurens. Pareho kaming nasa 20’s noon. Napatibay kami ng halimbawa ng isang sister na mas may-edad sa amin, si Dorothy. Tinatawag namin siyang Auntie Dot. Noong mas bata pa siya, naranasan niyang atakihin ng mga aso habang nangangaral, pero hindi nawala ang sigasig niya.
Noong 1956, nag-aral si Merle sa ika-28 klase ng Gilead. Gusto ko rin sanang makapag-aral noon kasama niya. Pero inalagaan naman akong mabuti ni Auntie Dot, at naging close kami kahit malaki ang agwat ng edad namin.
Ang saya-saya ko noong, gaya ni Merle, naimbitahan akong mag-aral sa Gilead! Bago ’yon, mga walong buwan ko ring nakasama sa bayan ng Nigel si Kathy Cooke, isang Gilead graduate. Lalo akong naging excited mag-aral dahil sa kaniya, at noong Enero 1958, nagpunta na ako sa New York.
Handang Sanayin
Sa Gilead, naging roommate ko sina Tia Aluni, isang Samoan sister, at Ivy Kawhe, isang Maori sister. Noong nasa South Africa pa ako, dahil sa gobyernong apartheid, magkahiwalay ang mga puti at ibang mga lahi. Kaya bagong karanasan sa akin na maging roommate ang dalawang sister na ito. Naging close kami agad, at masaya akong nagkasama-sama kami kahit magkakaiba ang lahi namin.
Isa sa naging instructor namin sa Gilead si Brother Maxwell Friend. Minsan medyo mahigpit siyang magturo. Sa classroom niya may tatlong ilaw na may markang “Pitch,” “Pace,” at “Power.” Habang nagpapahayag o nagtatanghal ang estudyante, pipindutin ni Brother Friend ang isa sa mga ilaw kapag sa tingin niya medyo may kulang sa presentasyon. Dahil mahiyain ako, madalas pinipindot niya ang mga ilaw na iyon, kaya minsan naiiyak ako! Pero gusto ko pa rin si Brother Friend. Minsan kapag busy ako sa atas ko na maglinis kapag break time, dinadalhan niya ako ng isang tasang kape.
Noong sumunod na mga buwan, iniisip ko kung saan kaya ako maa-assign. Naka-graduate na noon sa Gilead ang dati kong pioneer partner na si Merle at na-assign sa Peru. Sinabi niya na tanungin ko si Brother Nathan Knorr, ang nangunguna noong panahong iyon sa gawain, kung puwede akong maging kapalit ng missionary partner niya. Ikakasal na kasi ito noon. Dahil may mga linggo na dumadalaw si Brother Knorr sa pasilidad ng Gilead, madali lang siyang makausap. Nang maka-graduate ako, na-assign ako sa Peru.
Nangaral sa mga Bundok
Tuwang-tuwa ako nang magkasama ulit kami ni Merle sa Lima, Peru! Sa umpisa pa lang, nagkaroon na ako ng mga sumusulong na Bible study, kahit nag-aaral pa lang ako ng Spanish. Di-nagtagal, na-assign kami ni Merle sa Ayacucho, na nasa mga bundok. Aaminin kong mahirap na assignment iyon. Natuto naman ako ng ilang Spanish, pero Quechua lang ang ginagamit ng maraming tao doon. Hindi rin kami agad nasanay sa mataas na altitude at kaunting oxygen.
Pakiramdam ko wala akong gaanong nagawa sa Ayacucho. Naisip ko rin kung lalago kaya ang katotohanan sa rehiyong iyon. Ngayon, may mahigit 700 publisher na sa lunsod ng Ayacucho at isang remote translation office para sa wikang Quechua (Ayacucho).
Lumipas ang panahon, napangasawa ni Merle si Ramón Castillo, isang circuit overseer. Noong 1964, nag-aral si Ramón nang 10 buwan sa Gilead. Naging classmate niya ang dati kong classmate sa Gilead, si Fu-lone Liang. Naglilingkod siya sa Hong Kong pero inimbitahan ulit sa Gilead para sa karagdagang pagsasanay sa mga pananagutan sa sangay. a Tinanong ni Fu-lone si Ramón kung kumusta na ako sa Peru, at di-nagtagal nagsusulatan na kami ni Fu-lone.
Sa umpisa pa lang, nilinaw na ni Fu-lone na sa pagsusulatan namin, nagde-date na kami. Sa Hong Kong, dahil regular na nagpupunta sa post office ang misyonaryo na si Harold King, pumayag siya na ipadala ang mga sulat ni Fu-lone. Sa mga envelope na pinaglalagyan ng mga sulat ni Fu-lone, nagdo-drawing ng maliliit na larawan si Harold at naglalagay ng maiikling note gaya ng “Pipilitin ko siyang sulatan ka pa nang mas madalas!”
Pagkatapos naming magsulatan nang mga 18 buwan, nagdesisyon kaming magpakasal ni Fu-lone. Umalis ako ng Peru pagkatapos maglingkod doon nang mga pitong taon.
Bagong Buhay sa Hong Kong
Noong Nobyembre 17, 1965, nagpakasal kami ni Fu-lone. Na-enjoy ko ang bagong buhay sa Hong Kong. Tumira kami ni Fu-lone sa tanggapang pansangay kasama ng dalawang iba pang mag-asawa. Habang nagta-translate si Fu-lone sa sangay, nangangaral naman ako. Mahirap matuto ng Cantonese, pero matiyaga akong tinulungan ng ibang mga sister na missionary at ng mahal kong asawa. Nakatulong din sa pag-aaral ko ng wika ang pagba-Bible study sa mga bata. Mas relaks kasi ako.
Makalipas ang ilang taon, lumipat kami ni Fu-lone sa isang missionary home sa Kwun Tong, Hong Kong, para makapagturo ng Cantonese si Fu-lone sa mga bagong dating na missionary. b Gustong-gusto kong mangaral doon. May mga araw nga na parang ayoko pang umuwi!
Noong 1968, tuwang-tuwa ako na matanggap ang bagong publikasyon na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Mas simple ito kaysa sa publikasyong “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,” lalo na para sa mga Bible study na di-pamilyar sa Bibliya at Kristiyanismo.
Pero nagkamali ako noon. Inisip ko na kapag nasasagot ng Bible study ang mga tanong sa publikasyon, tanggap na nila ang katotohanan. Hindi ganoon ang nangyari sa isang Bible study ko. Natapos na niya ang buong aklat na Katotohanan pero hindi pa rin siya naniwala sa Diyos! Mula noon natutuhan kong mas makipag-usap sa mga Bible study para malaman kung ano talaga ang nararamdaman nila sa mga natututuhan nila.
Pagkalipas ng ilang taon sa Kwun Tong, bumalik kami ni Fu-lone sa sangay. Naglingkod siya doon bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Hong Kong. Sa mga panahong iyon, nagtrabaho ako sa housekeeping at reception desk. Paminsan-minsan kailangang bumiyahe ni Fu-lone para sa kompidensiyal na mga assignment, kaya hindi ako puwedeng sumama. Pero isang pribilehiyo para sa akin na suportahan siya habang inaasikaso niya ang mga pananagutan niya.
Biglang Nagbago ang Buhay
Nakakalungkot noong 2008, biglang nagbago ang buong buhay ko. Habang nasa isa sa mga biyahe niya ang mahal kong si Fu-lone, namatay siya. Malapit na noon ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Agad na dumating ang mga kapatid para alalayan ako, at noong pahayag ng Memoryal, sinikap kong huwag maiyak. Nagpokus ako sa pagtulong sa isang interesado na mahanap ang mga tekstong binabasa sa pahayag. Humugot ako ng lakas sa isa sa mga paboritong teksto ni Fu-lone: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa kanang kamay mo . . . ‘Tutulungan kita.’”—Isaias 41:13.
Pitong taon pagkamatay ni Fu-lone, inirekomenda ng mga kapatid sa Hong Kong na lumipat ako sa mas malaking sangay. Mas maaalagaan kasi doon ang kalusugan ko. Kaya noong 2015, lumipat ako sa sangay ng South Africa. Malapit lang ito sa lugar kung saan una kong nalaman ang katotohanan noong 1947.
Marami akong masasayang taon ng paglilingkod kay Jehova, at damang-dama ko na pinagpala ni Jehova ang pagiging handa kong maglingkod sa kaniya. Nagkukumustahan pa rin kami ng mga dati kong Bible study na tapat na naglilingkod ngayon kay Jehova. Nakita ko na kayang-kayang pagpalain ni Jehova ang mga inaakala nating maliliit na bagay na nagagawa natin sa pangangaral. Halimbawa, ang mga 760 mamamahayag sa Peru noong 1958 ay dumami at umabot nang mga 133,000 noong 2021. Sa Hong Kong naman, ang mga mamamahayag na mga 230 noong 1965 ay naging 5,565 noong 2021.
May-edad na ako ngayon at hindi ko na kayang gawin ang mga dating ginagawa ko. Pero handa pa rin akong maglingkod. Sa bagong sanlibutan ni Jehova, gusto kong maging handa pa ring maglingkod sa kaniya. Maraming magiging gawain doon at sabik na akong sabihin: “Handa akong sumama.”
a Para malaman kung paano tinanggap ni Fu-lone Liang ang katotohanan, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 51.
b Para malaman ang isa sa mga karanasan ni Fu-lone sa Kwun Tong, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 63.