TAPANI VIITALA | KUWENTO NG BUHAY
Gustong-gusto Kong Tulungan ang mga Bingi
Nang una kong makilala ang mga Saksi ni Jehova, ipinakita nila sa akin ang pangako ng Bibliya na “mabubuksan ang mga tainga ng bingi.” (Isaias 35:5) Pero ipinanganak akong bingi at hindi ko maintindihan ang konsepto ng tunog. Kaya hindi agad tumatak sa akin ang pangakong iyon. Mas nagkainteres ako noong ipinakita nila sa akin sa Bibliya na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan, digmaan, sakit, pati ang kamatayan. Dahil doon, gustong-gusto kong sabihin ang mga natutuhan ko sa iba pang bingi.
Ipinanganak ako noong 1941 sa Virrat, Finland. Bingi ang mga magulang at kapatid ko. Marami rin sa mga kamag-anak ko ang bingi. Kaya nag-uusap kami gamit ang sign language.
Ang Ganda ng mga Natutuhan Ko sa Bibliya
Sa boarding school na pinasukan ko, mga 240 kilometro ang layo sa bahay namin, pinagbabawalan kaming mag-sign language. Noong panahong iyon, sa mga school para sa mga bingi sa Finland, kinakausap kami ng mga guro na parang nakakarinig kami, at pinipilit kaming matuto ng lip reading. Kapag nakikita kami ng teacher namin na nagsa-sign, hahampasin kami ng ruler o ng mahabang stick kaya ilang araw na mamamaga ang mga daliri namin.
Pagka-graduate ko ng high school, pumasok ako sa isang agricultural college. May bukid ang mga magulang namin, kaya kailangan kong matuto ng iba’t ibang gawain sa bukid. Minsan pag-uwi ko, may nakita akong mga magasing Bantayan at Gumising! sa mesa namin. Sinabi ni Tatay na maganda ang mga paliwanag ng mga magasing iyon tungkol sa mga turo sa Bibliya. Sinabi rin niya na nagba-Bible study sila ni Nanay, at hindi bingi ang mag-asawang nagtuturo sa kanila. Kaya nagsusulat sila para magkaintindihan.
Sinabi ni Tatay na sa Kaharian daw ng Diyos, magiging magandang paraiso ang lupa at bubuhaying muli ang mga patay. Pero itinuro sa akin noon na kapag namatay ang isa, pupunta siya sa langit. Naisip ko na baka hindi niya lang naintindihan ang mga Saksi, kasi hindi sila gumagamit ng sign language.
Pagbalik ng mga Saksi, tinanong ko sila tungkol sa sinabi sa akin ni Tatay. Sabi nila, “Tama ang tatay mo.” Pagkatapos, ipinakita nila ang sinabi ni Jesus na pagkabuhay-muli sa Juan 5:28, 29. Sinabi rin nila kung paano aalisin ng Diyos ang lahat ng masasama dito sa lupa at na mabubuhay ang mga tao magpakailanman nang payapa. At wala na rin daw magkakasakit.—Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:1-4.
Gusto ko pang matuto, kaya nagpa-Bible study ako kay Antero. Saksi ni Jehova siya at hindi rin siya bingi kaya hindi siya marunong ng sign language. Kapag nag-aaral kami, isinusulat ko sa papel ang mga sagot ko. Babasahin iyon ni Antero. Pagkatapos, isusulat niya ang iba pa niyang mga tanong o komento. Matiyaga akong tinuruan ni Antero; dalawang oras kada linggo kaming nag-aaral sa ganitong paraan.
Noong 1960, dumalo ako sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ininterpret sa sign language. Noong Biyernes ng hapon, ipinatalastas na magkakaroon ng bautismo kinabukasan. Kaya noong Sabado ng umaga, nagdala ako ng sarili kong tuwalya at damit na pambasâ. At nabautismuhan na ako! a Di-nagtagal, nabautismuhan din ang mga magulang ko at ang mga nakababata kong kapatid.
Pagtulong sa Iba na Malaman ang Katotohanan
Gusto kong sabihin sa iba pang bingi ang mga natutuhan ko. At ang pinakamagandang paraan para makausap sila ay sign language. Noong una, nangangaral ako sa mga bingi sa lugar namin.
Pagkatapos, lumipat ako sa Tampere—isa itong malaking lunsod. Para makahanap ng mga bingi, nagbahay-bahay ako. Itinatanong ko sa mga tao kung may kilala silang bingi. Sa ganitong paraan ako nakahanap ng mga Bible study. At ilang taon lang, mahigit 10 na ang mamamahayag na bingi sa Tampere.
Noong 1965, nakilala ko ang magandang sister na si Maire. Ikinasal kami nang sumunod na taon. Ang bilis niyang natuto ng sign language. Tapat din siya at napakasipag, at 50 years ko siyang kasama sa paglilingkod kay Jehova.
Dalawang taon pagkatapos ng kasal namin, nagkaroon kami ng anak, si Marko. Nakakarinig siya. Kaya sa bahay, natuto siya ng wikang Finnish at Finnish sign language. Nabautismuhan si Marko sa edad na 13.
Di-nagtagal, marami ang sumama sa amin sa sign-language group sa Tampere. Kaya noong 1974, lumipat kami sa ibang lunsod, sa Turku. Wala kasing Saksing bingi doon. Nagbahay-bahay ulit kami para makahanap ng bingi. Noong nasa Turku kami, 12 sa mga Bible study ko ang nagpabautismo.
Pangangaral sa mga Bansa sa Baltic
Noong 1987, inanyayahan si Marko na maglingkod sa Bethel. Masulong na ang sign-language group sa Turku, kaya nagplano ulit kami na lumipat.
Nang panahong iyon, puwede nang mangaral sa Eastern Europe. Kaya noong Enero 1992, pumunta ako sa Tallinn, Estonia kasama ng isa pang brother na bingi.
May nakilala kaming isang sister na may kapatid na bingi. Hindi interesado sa mensahe ng Kaharian ang kapatid niyang ito. Pero napakabait ng kapatid niya sa amin. Tinulungan niya kaming makontak ang iba pang bingi na tagaroon. Noong huling gabi namin doon, isinama niya kami sa isang meeting ng Estonian Association of the Deaf sa Tallinn. Ang aga naming dumating at pinuno namin ang isang mesa ng mga magasin at aklat sa mga wikang Estonian at Russian. Nakapamahagi kami ng mga 100 aklat at 200 magasin, at nakakuha rin kami ng mga 70 adres. Nang gabing iyon, nabuksan ang malaking gawain ng sign-language ministry sa Estonia!
Pagkatapos noon, regular na kaming pumupunta ni Maire sa Estonia para mangaral. Binawasan din namin ang oras namin sa trabaho para makapag-regular pioneer. Noong 1995, lumipat kami malapit sa Helsinki para mas mabilis kaming makabiyahe sa Tallinn sakay ng ferry. Mas maganda pa sa inaasahan namin ang naging resulta ng pangangaral namin sa Estonia!
Marami kaming naging Bible study at 16 sa kanila ang nagpabautismo, kasama na rito ang magkapatid na babae na parehong bulag at bingi. Nagba-Bible study kami gamit ang tactile signing o ang pagsa-sign habang hawak ang kamay nila.
Ang hirap mag-Bible study sa mga bingi noon, kasi wala pang publikasyon sa amin sa sign language. Kaya gumugupit ako ng magagandang larawan sa publikasyon natin at ginawa ko iyon na scrapbook.
Hinilingan ako ng tanggapang pansangay sa Finland na pumunta sa Latvia at Lithuania para malaman kung paano matutulungan ang mga bingi roon gamit ang sign language. Ilang beses kaming pumunta sa mga bansang iyon para tulungan ang mga kapatid doon na hanapin ang mga bingi. Halos bawat bansa ay may sariling sign language. Kaya pinag-aralan ko ang sign language ng Estonia, Latvia, at Lithuania, pati na ang Russian Sign Language, na ginagamit ng mga binging Russian na nakatira sa mga bansa sa Baltic.
Nakakalungkot, matapos ang walong taóng pagtulong namin sa Estonia at iba pang mga bansa sa Baltic, nalaman namin na may Parkinson’s disease si Maire, kaya kinailangan naming huminto.
Mga Kaayusan Para Tulungan ang mga Bingi
Noong 1997, nagkaroon ng sign-language translation group sa sangay sa Finland. Dahil malapit lang ang bahay namin doon, nakatulong kami ni Maire sa paghahanda ng mga publikasyon sa sign language. At hanggang ngayon, tumutulong pa rin ako doon paminsan-minsan. Nakakasama namin doon si Marko. Bandang huli, ipinapadala na rin si Marko sa ibang bansa para tumulong sa mga sign-language translation group, kasama ng asawa niyang si Kirsi.
Nagsaayos din ang tanggapang pansangay ng mga klase para turuan ng sign language ang mga nakakarinig na kapatid. Kaya marami ang tumulong sa mga sign-language group at congregation para sa gawaing pangangaral at sa mga pulong, pati na sa iba pang gawain sa kongregasyon.
Gustong-gusto Ko Pa Ring Tumulong
Noong 2004, nakatulong kami ni Maire para magkaroon ng unang sign-language congregation sa wikang Finnish sa Helsinki. Sa loob ng tatlong taon, naging masulong ang kongregasyon at nagkaroon ng maraming pioneer.
Nagplano ulit kami na lumipat sa lugar na mas malaki ang pangangailangan. Kaya noong 2008, lumipat kami malapit sa Tampere at bumalik sa sign-language group na iniwan namin 34 na taon na ang nakakalipas. Pagkaraan ng isang taon, naging kongregasyon na ang grupong iyon. At iyon ang pangalawang sign-language congregation sa Finland!
Noong panahong iyon, lumalala ang sakit ni Maire. Inalagaan ko siya hanggang nang mamatay siya noong 2016. Miss na miss ko si Maire, at sabik na sabik na akong makita siya sa bagong sanlibutan, na wala nang sakit.—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.
Sa nakalipas na 60 taon, nangangaral ako sa mga bingi. At hanggang ngayon, ito pa rin ang gustong-gusto kong gawain!
a Wala pang kaayusan noon na kakausapin ng mga elder sa kongregasyon ang bawat kandidato sa bautismo.