Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TERRY REYNOLDS | KUWENTO NG BUHAY

Tinulungan Ako ni Jehova na Gawin ang Buong Makakaya Ko

Tinulungan Ako ni Jehova na Gawin ang Buong Makakaya Ko

 Noong 14 ako, ibinigay sa akin ng isang may-edad nang brother, si Kuya Cecil, ang Bibliya niya. Iyon ang ginagamit niya sa personal study. Isinulat niya sa mga margin nito ang mga note niya. Kaya para sa akin, napakahalagang regalo nito!

 Mapagpakumbaba at mapagmalasakit si Kuya Cecil. Dahil sa halimbawa niya, ng nanay ko, at ng iba pang tapat na mga kapatid sa kongregasyon, nagkaroon ako ng “pagnanais . . . para kumilos,” o ibigay kay Jehova ang buong makakaya ko. (Filipos 2:13) Ikukuwento ko sa inyo ang karanasan ko.

Napakilos sa Sigasig ni Nanay

 Ipinanganak ako noong 1943. Nakatira ang mga magulang ko sa isang bukid. Malapit ito sa lunsod ng Bundaberg sa tabing-dagat at nasa rehiyon ng Queensland, Australia, na maraming taniman ng tubó. Kaugalian na ng mga tao sa lugar namin na pumunta sa bayan tuwing Sabado ng gabi para magsama-sama. Isang Sabado noong 1939, may nakilala ang mga magulang ko na dalawang payunir (buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova) at kinausap sila tungkol sa Bibliya. Nagustuhan ng mga magulang ko ang natutuhan nila. Naging mga Saksi ni Jehova sila, kaya pinalaki nila kami ng ate kong si Jean sa katotohanan. Pero pitong taóng gulang pa lang ako, naaksidente si Tatay at namatay. Sobrang lungkot ko sa nangyari. Pero tandang-tanda ko pa rin na napakasipag ni Tatay at laging nagpapatawa. Sabik na sabik akong makasama siya ulit at lalo pang makilala kapag binuhay na siyang muli.—Gawa 24:15.

 Napakabait ni Nanay. Nasasabi namin sa kaniya ng ate ko ang mga gusto at ayaw namin. Pero pagdating sa mga prinsipyo sa Bibliya at sa pagsamba kay Jehova, istrikto siya. Regular kaming dumadalo sa mga pulong, at pinayuhan niya kaming limitahan ang pakikisama sa mga batang di-Saksi pagkatapos ng klase. (1 Corinto 15:33) Hanggang ngayon, ipinagpapasalamat ko na naging istrikto si Nanay sa aming magkapatid.

Noong mga 14 ako

 Masigasig din si Nanay sa pangangaral. Madalas siyang maglingkod bilang vacation pioneer (tinatawag ngayong auxiliary pioneer). Tandang-tanda ko pa, mahigit 50 bahay ang regular na pinupuntahan ni Nanay para dalhan sila ng mga magasing Bantayan at Gumising! Kahit noong matanda na siya at mahina, hindi pa rin nawala ang kagustuhan niyang tumulong sa mga interesado. Dahil sa pag-ibig niya sa mga tao, lalo na sa amin na mga anak niya, mahal na mahal namin siya at sinikap naming tularan siya. Noong 1958, inialay ko ang buhay ko kay Jehova at nabautismuhan sa edad na 14.

Napatibay Dahil sa Mabubuting Kasama

 Di-nagtagal, nabautismuhan din ang kakongregasyon kong si Rudolf, na mahigit 20 anyos noon at nagmula sa Germany. Tuwing Sabado ng umaga, nangangaral kami ni Rudolf sa mga taong naghihintay sa kanilang mga sasakyan habang namimili ang mga kapamilya nila.

 Masigasig si Rudolf. Inaanyayahan niya akong maglingkod bilang vacation pioneer kasama niya kapag bakasyon sa eskuwela. Minsan, anim na linggo kaming magkasama sa lunsod ng Gladstone, na mga 190 kilometro sa hilaga ng Bundaberg. Parang kapatid ang turing niya sa akin at naging masaya ako sa paglilingkod namin bilang vacation pioneer. Dahil doon, naging goal ko na maging regular pioneer. Naabot ko ang goal na iyon noong 16 ako, at determinado ako na gawing career ang buong-panahong paglilingkod.

 Ang unang atas ko bilang payunir ay sa lunsod ng Mackay, na nasa tabing-dagat sa hilaga ng Bundaberg at malapit sa Great Barrier Reef. Pagkalipas ng mga isang taon, noong 17 ako, inatasan akong maglingkod bilang special pioneer a sa outback ng Australia. Kaunti lang ang nakatira doon. Ang partner ko ay si Bennett (Ben) Brickell, isang pinahiran at mahigit 30 taon ang tanda sa akin. b Marami ang tumatawag sa kaniya na payunir ng mga payunir. Isang pribilehiyo na makasama sa paglilingkod ang isang makaranasang payunir na gaya niya!

Pangangaral sa isang babaeng Aboriginal sa outback, 1963

 Ang teritoryo namin sa northwestern Queensland ay sa Gulf Country—isang rehiyon sa border ng Gulf of Carpentaria. Noon, kaunti lang ang nakatira doon at kami lang ni Kuya Ben ang Saksi. Minsan, inaabot kami ng ilang oras sa pagmamaneho sa maalikabok na daan para makapunta sa susunod na bahay. Sa mahahabang biyaheng iyon, ikinukuwento ni Kuya Ben ang mga karanasan niya sa ministeryo. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia, pero nangaral sila gamit ang mga sound car. c

Ako (gitna) at ang isang brother habang nagba-Bible study sa outback

 Pagkatapos ng maghapong pangangaral, magpapalipas kami ng gabi sa isang magandang puwesto malapit sa kalsada. d Nangunguha kami ng kahoy na panggatong namin sa pagluluto ng hapunan. Kapag matutulog na, may kumot ako at unan, at naglalatag ako ng waterproof na sapin sa lupa. Tandang-tanda ko pa ang pagkamangha ko kay Jehova habang tinitingnan ang langit na punong-puno ng bituin kasi walang mga ilaw sa paligid.

 Sa ganitong liblib na teritoryo, delikado kung masiraan ka ng sasakyan. Minsan, nangyari iyan sa amin. Napakainit noon at kaunti na lang ang tubig namin. Para makahanap ng piyesa, nakisakay si Kuya Ben sa ibang sasakyan papunta sa bayan ng Cloncurry. Halos tatlong araw ko namang binantayan ang sasakyan namin. Paminsan-minsan, may ilang sasakyang dumadaan at binibigyan ako ng tubig ng mababait na driver. Binigyan ako ng isang lalaki ng isang lumang libro. Sabi niya: “Kaibigan, basahin mo ’to. Baka makatulong sa ’yo.” Nagulat ako kasi hindi naman organisasyon natin ang gumawa ng aklat. Pero tungkol iyon sa mga karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa mga concentration camp ng Nazi!

 Halos isang taon kaming magkasama ni Kuya Ben sa pagpapayunir. Naaalala ko pa ang huling sinabi niya sa akin bago kami magkahiwalay, “Tuloy lang, kapatid ko, huwag kang susuko.” Nakita ko ang sigasig ni Kuya Ben at ang katapatan niya sa Diyos. Kaya lalo akong napatibay na manatili sa buong-panahong paglilingkod.

Gilead, Pagkatapos, Taiwan

 Pagkatapos ng ilang taóng pagpapayunir sa teritoryong iyon, naatasan akong maglingkod bilang circuit overseer. Mga isang linggo akong dadalaw sa bawat kongregasyon at isolated group sa isang sirkito. Naatasan akong maglingkod sa apat na sirkito sa loob ng ilang taon. Dumadalaw ako sa mga kongregasyon sa Queensland at sa New South Wales. Pagkatapos, noong 1971, hindi ko inaasahang bibigyan ako ng pribilehiyo na mag-aral sa ika-51 klase ng Gilead. Missionary school iyon ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Sa Gilead School, limang buwan kaming nakapokus sa malalim na pag-aaral ng Bibliya. Malaking tulong iyon, pati na y’ong pakikipagsamahan ko sa mga kaklase ko at sa mga instructor, para maihanda ako sa susunod na atas sa akin—ang pagiging misyonero sa Taiwan.

Ang klase namin sa Gilead

 Siyam sa klase namin ang naatasan sa Taiwan. Kasama doon si Ian Brown na taga-New Zealand. Siya ang naging partner ko sa pagmimisyonero. Wala kaming kaalam-alam sa Taiwan. Nalaman lang namin kung saan iyon nang hanapin namin sa atlas.

 Ibang-iba ang Taiwan sa pinanggalingan kong isolated na teritoryo sa Queensland. Ang unang malaking hamon sa amin ay ang wika—Chinese. Matagal-tagal din bago ko naintindihan ang mga sinasabi sa pulong. Iyon pa naman ang pangunahing pinagkukunan natin ng pampatibay sa espirituwal. Nahirapan din akong makipag-usap sa mga kapatid. Noon namin nakita ni Ian na napakahalaga ng mga natutuhan namin at natanggap na pagsasanay sa Gilead. Dahil doon, kasama na ang regular na pag-aaral ng Bibliya at taimtim na panalangin, napanatili namin ang malapít na kaugnayan sa Diyos. At kahit hindi kami gaanong mahusay magsalita ng Chinese, napatibay kami ng mga kapatid kasi kitang-kita namin ang pag-ibig nila sa amin at sa Diyos na Jehova.

Pag-aaral ng Chinese

 Pagdating sa Taiwan, nag-aral ng Chinese ang lahat ng misyonero. Ang nagturo sa amin ay si Kathleen Logan, e isang sister mula sa Australia na graduate ng ika-25 klase ng Gilead. Talagang sineryoso namin ang pag-aaral ng Chinese. At gaya ng itinuro sa amin, ginamit namin agad ang natutuhan namin. Noong unang araw namin sa ministeryo, may kinabisado kami ni Ian na maikling presentasyon. Habang papunta kami sa teritoryo, pinag-uusapan namin kung sino ang unang kakatok sa pinto. Dahil ako ang kuya, sabi ko, siya ang mauna. Isang kagalang-galang na lalaking Chinese ang nagbukas ng pinto. Matiyaga siyang nakinig sa pinaghalong Chinese at English ni Ian. Pero gulat na gulat kami kasi bigla siyang nag-English! Tinanong niya kami kung bakit kami nandoon. Matagal-tagal din kaming nag-usap. At bago kami umalis, sinabi niya na huwag kaming susuko. Ang laking tulong sa amin n’on. Gaya nga ng sabi ni Kuya Ben, “tuloy lang.”

 Teritoryo namin ang malaking bahagi ng Taipei, ang kabiserang lunsod. Karamihan ng mga tao doon, hindi pa napapangaralan. Iilan lang kasi ang Saksing nakatira doon noong panahong iyon. Pero hindi kami nagpaapekto doon. Masigasig kaming nangaral ni Ian. Noon, madalas na daan-daan ang naipapamahagi naming magasin kada buwan. Sa totoo lang, baka tinatanggap ng iba ang magasin para malaman kung sino kami at kung ano ang gusto naming sabihin! Basta kami, ginawa namin ang lahat para maihasik ang binhi ng katotohanan, at alam naming tutubo iyon sa mga tapat-puso.

Tinulungan ng Taong Makakasama Ko Habambuhay

Kami ni Wen-hwa habang nasa ministeryo, 1974

 Noong panahong ito, naging kaibigan ko ang isang Taiwanese na sister na si Wen-hwa. Mahal niya ang katotohanan at gusto niyang makinabang din ang mga tagaroon sa mensahe ng Bibliya gaya niya. Kaya tinulungan niya kaming mga misyonero na masanay sa pagsasalita ng Chinese. Napamahal sa akin ang sister na ito, at nagpakasal kami noong 1974.

 Tinulungan ni Wen-hwa ang mga misyonero na maging mas epektibo sa ministeryo. Halimbawa, gusto niyang maging mas madali para sa amin ang pag-aaral ng wika, kaya ipinaliwanag niya sa amin ang mga kaugalian at kaisipan ng mga Taiwanese. At tinulungan niya kaming maibagay ang presentasyon namin sa mga tao sa teritoryo, na karamihan ay mga Buddhist at Taoist. Karaniwan doon ang pagsamba sa mga ninuno, at marami ang hindi pa nakakita o nakabasa ng Bibliya. Kaya ang madalas na paksa namin ay ang Maylalang—na Jehova ang pangalan niya at kung bakit makakatiyak tayo na totoo siya. Halimbawa, kapag sinabi ng isang magsasaka o mangingisda na “Sa langit kami umaasa para sa pagkain,” sasabihin namin: “Sino ang nagbibigay ng lahat ng pagkain? Hindi ba ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, na lumalang ng lahat ng bagay, at karapat-dapat sa pagsamba natin?”

Kasama si Wen-hwa, 1975

 Sa paglipas ng panahon, nagbunga ang mga pagsisikap namin. Tumubo ang binhi ng katotohanan sa maraming tapat-puso. Hindi biro ang pagsisikap ng ilang Bible study para talikuran ang mga maling paniniwala at kaugalian na malalim na ang pagkakaugat sa kanila. Pero sa tulong ng mga misyonero at mga kapatid, nagawa nila iyon, at talagang napabuti sila. (Juan 8:32) Marami sa mga brother ang naatasang manguna sa mga kongregasyon, at marami ring kapatid ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod, kasama na ang paglilingkod sa Bethel.

 Mula noong 1976, nagkapribilehiyo akong maging bahagi ng komite ng sangay sa Taiwan habang naglilingkod pa rin bilang misyonero. Noong 1981, naimbitahan kami ni Wen-hwa sa Bethel, at pribilehiyo kong patuloy na maglingkod kasama ng komite ng sangay sa loob ng maraming taon. Mahigit 60 taon na akong naglilingkod nang buong panahon, at mahigit 50 sa mga taóng iyon, nasa Taiwan ako. Halos 50 taon ko na ring kasamang naglilingkod ang mahal kong asawa. Dito rin patuloy na naglingkod nang buong panahon si Ian Brown, ang kaibigan ko at partner noon sa pagmimisyonero, hanggang sa kamatayan niya noong 2013.

Habang nagtatrabaho ako sa opisina ko sa Taiwan, 1997

 Sinisikap namin ni Wen-hwa na manatiling abala sa atas namin sa Bethel, sa Chinese na kongregasyon namin, at sa ministeryo. Nagpapasalamat kami kay Jehova sa lahat ng pribilehiyong ito. Binigyan niya ako ng pagnanais at lakas na maglingkod sa kaniya nang buong puso noong bata pa ako. At ginagawa pa rin niya iyan para sa amin ni Wen-hwa ngayong may-edad na kami.

a Ang special pioneer ay isang buong-panahong ministro. Ipinapadala sila ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova kung saan may pangangailangan para sa mga tagapagturo ng Bibliya.

b Mababasa ang kuwento ng buhay ni Bennett Brickell sa Setyembre 1, 1972, isyu ng The Watchtower.

c Ang mga sound car ay may malalakas na speaker para maiparinig ang mensahe ng Kaharian.

d Panoorin ang pangangaral ng mga kapatid sa Gulf Country sa video na Pangangaral sa Malalayong Teritoryo—Australia.

e Mababasa ang kuwento ng buhay nina Harvey at Kathleen Logan sa Enero 2021, isyu ng Bantayan.