Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DORINA CAPARELLI | KUWENTO NG BUHAY

Kahit Mahiyain Ako, Ito Pa Rin ang Pipiliin Kong Buhay!

Kahit Mahiyain Ako, Ito Pa Rin ang Pipiliin Kong Buhay!

Napakamahiyain ko. Kaya kapag naaalala ko ang mga karanasan ko sa paglilingkod kay Jehova, napapangiti ako.

 Ipinanganak ako noong 1934 sa Pescara, isang lunsod sa gitnang silangan ng Italy sa baybayin ng Adriatic Sea. Ako ang bunso sa apat na magkakapatid at puro kami babae. Isinunod ni Tatay ang pangalan namin sa alphabet na nagsisimula sa “A,” kaya “D” ang simula ng pangalan ko.

 Gusto talaga ni Tatay na matuto tungkol sa Diyos. Noong Hulyo 1943, nakausap niya si Liberato Ricci, na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Ipinakipag-usap nito kay Tatay ang tungkol sa Bibliya at pinahiram siya ng Bantayan. Di-nagtagal, ipinapakipag-usap na ni Tatay ang mga natututuhan niya. Tinanggap din ni Nanay ang katotohanan. Kahit hindi siya marunong bumasa, ipinapakipag-usap din niya sa iba ang natutuhan niyang pag-asa at sinasabi niya sa kanila ang mga kabisado niyang teksto sa Bibliya.

 Maliit lang ang bahay namin, pero ginagamit ito sa mga pulong. At kahit dalawa lang ang kuwarto namin, pinapatuloy namin sa bahay ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at payunir.

 Hindi interesado sa Bibliya ang dalawang ate ko. Di-nagtagal, humiwalay sila sa amin at nag-asawa. Pero gustong-gusto namin ni Ate Cesira na makinig kay Tatay kapag nagbabasa siya ng Bibliya. Gustong-gusto rin naming makinig sa nakapagpapatibay na mga pahayag ng mga kapatid na bumibisita sa maliit na grupo namin.

 Lagi akong sumasama kay Tatay at sa ibang kapatid sa ministeryo. Pero dahil napakamahiyain ko, inabot pa nang ilang buwan bago ako magkaroon ng lakas ng loob na makipag-usap sa mga tao. Lumalim ang pag-ibig ko kay Jehova, at nagpabautismo ako noong Hulyo 1950. Isang brother ang nagbigay ng pahayag sa bautismo sa bahay namin. Pagkatapos, pumunta kami sa dagat para sa bautismo. Nang sumunod na taon, may naatasang mag-asawang special pioneer sa lugar namin, at madalas akong sumasama sa kanila sa pangangaral. Habang sumasama ako sa ministeryo, mas nagiging madali iyon para sa akin. Talagang minahal ko ang pribilehiyong ito ng paglilingkod!

Isang Desisyon na Bumago sa Buhay Ko

 Si Piero Gatti ang una naming tagapangasiwa ng sirkito. a Pinasigla niya akong magpayunir at maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian—isang bagay na hindi man lang sumagi sa isip ko. Sa lugar namin, karaniwan nang hindi umaalis sa poder ng magulang ang mga babae hangga’t hindi sila nag-aasawa. Kaya noong Marso 1952, nakatira pa rin ako sa mga magulang ko nang magsimula akong magpayunir. Hindi ko alam na magbabago pala ang buhay ko dahil sa desisyon kong iyon.

 Noong panahong iyon, gusto ring magpayunir ng isang kabataang sister na si Anna. Tumira siya sa amin para magkasama kaming makapangaral. Noong 1954, naatasan kaming maging special pioneer sa Perugia, isang lunsod na mga 250 kilometro ang layo mula sa amin, at wala pang Saksi roon.

Si Anna, si Tatay, at ako bago kami umalis papuntang Perugia

 Kakaibang karanasan iyon! Dalawampung taóng gulang lang ako noon, at nakaalis lang ako sa bayan namin nang dumalo kami ng mga magulang ko sa isang kombensiyon. Ngayon, pakiramdam ko, pupunta ako sa ibang panig ng mundo! Nag-aalala si Tatay sa amin ni Anna, kaya tinulungan niya kaming makahanap ng matutuluyan. Umupa kami ng isang kuwarto na puwede rin naming gamitin bilang Kingdom Hall. Sa simula, kami lang ang dumadalo sa pulong. Pero nag-e-enjoy kami sa pangangaral sa Perugia, pati na sa kalapit na mga bayan at nayon. At unti-unting nagbunga ang pagsisikap namin. Pagkaraan ng mga isang taon, may isang brother na lumipat sa Perugia at siya na ang nangunguna sa mga pulong namin. Bago kami lumipat sa susunod naming atas noong 1957, may isa nang maliit na kongregasyon doon.

Kasama ko ang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito at si Anna malapit sa sinaunang Fontana (Fountain) Maggiore sa Perugia noong 1954

 Ang sumunod naming atas ay sa Terni, isang maliit na lunsod sa sentro ng Italy. Excited kaming mangaral sa Terni kasi marami nang interesado roon. Pero may mga naging problema rin kami. Kahit tapos na ang pamamahala ng rehimeng Pasista noong 1943, gusto pa rin ng ilang awtoridad na pahintuin ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya. Hinihingan nila kami ng permit sa pagbabahay-bahay.

 Madalas na sinusundan ng mga pulis ang mga Saksi ni Jehova. Kung minsan, sumasama kami sa maraming tao para hindi nila kami masundan. Pero hindi laging ganoon. Dalawang beses akong nahuli at naaresto. Ang una ay noong nangangaral ako kasama ng tagapangasiwa ng sirkito. Inaresto kami ng mga pulis at dinala kami sa istasyon nila. Pinagmumulta nila kami kasi nangangaral daw kami nang walang permit. Hindi kami nagbayad kasi wala naman kaming nilalabag na batas. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko pero nagpapasalamat ako kay Jehova na hindi ako nag-iisa. Naalala ko ang sinasabi sa Isaias 41:13: “Huwag kang matakot. Tutulungan kita.” Pinalaya nila kami. At nang dalhin sa korte ang kaso, ibinasura ito ng hukom. Pagkaraan ng mga anim na buwan, naaresto uli ako. Sa pagkakataong ito, nag-iisa na lang ako. Pero napawalang-sala uli ako.

Iba Pang Larangan ng Paglilingkod kay Jehova

 Hindi ko makakalimutan ang kombensiyon noong 1954 sa Naples, sa timog ng Italy. Pagdating namin doon, nagboluntaryo ako sa paglilinis sa lugar ng kombensiyon, at naatasan ako malapit sa stage. Doon, napansin ko ang isang guwapong attendant na si Antonio Caparelli, isang payunir mula sa Libya. Lumipat sa Libya ang pamilya nila noong huling mga taon ng 1930’s.

Si Antonio na nakasakay sa motorsiklo na ginamit niya sa Libya

Noong kasal namin

 Masigla at malakas ang loob ni Antonio. Malayo ang nilakbay niya papuntang Libyan Desert sakay ng motorsiklo niya para mangaral sa mga Italyano roon. Nagsusulatan kami paminsan-minsan. Pero noong mga unang buwan ng 1959, bumalik siya sa Italy. Ilang buwan siyang nanatili sa Bethel sa Rome bago siya maatasan bilang special pioneer sa lunsod ng Viterbo, sa sentro ng Italy. Naging malapít kami sa isa’t isa, at nagpakasal kami noong Setyembre 29, 1959. Sumama ako kay Antonio sa Viterbo.

 Kailangan namin ng lugar na matitirhan at magagamit sa pulong. Di-nagtagal, umupa kami ng isang maliit na kuwarto na may maliit na banyo sa likod nito. Inilagay namin ang kama namin sa isang sulok at nilagyan namin ito ng harang. Ito na ang naging tulugan namin. Ang natitirang espasyo ang ginawa naming sala o Kingdom Hall kapag may pulong. Hindi komportableng tumira sa kuwartong iyon, at kung ako lang mag-isa, hindi ako titira doon. Pero masaya ako kasi kasama ko si Antonio.

Sa harap ng harang ng “silid-tulugan” namin

 Noong 1961, naatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito si Antonio. Pero kailangan muna niyang mag-aral nang isang buwan sa paaralan para sa mga lingkod ng kongregasyon, o tagapangasiwa. Ibig sabihin, wala akong makakasama sa loob ng isang buwan. Aaminin ko, naaawa ako noon sa sarili ko, lalo na sa mga gabing mag-isa lang ako. Pero masaya ako kasi ginagamit ni Jehova si Antonio. Kaya naging abala ako para hindi ko mamalayan ang oras.

 Laging nagbibiyahe ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Naglakbay kami mula Veneto, isang rehiyon sa hilaga ng Italy, hanggang Sicily, sa timog. Noong una, sumasakay lang kami sa mga pampublikong sasakyan kasi wala kaming kotse. Sa isang pagkakataon, matapos ang matagtag na biyahe sa probinsiya ng Sicily, sinundo kami ng mga kapatid sa bus stop. May dala silang bisiro para isakay ang mga gamit namin. Nakaamerikana si Antonio at nakadamit pampulong naman ako. Siguro natatawa ang mga nakakakita sa amin kasi bihis na bihis kami habang naglalakad kasama ng mga magsasaka at ng isang bisiro na dala-dala ang mga maleta namin at typewriter.

 Napakamapagbigay ng mga kapatid, kahit hindi naman ganoon kaalwan ang buhay nila. Walang banyo o gripo ang ilang bahay. Minsan, tumuloy kami sa isang kuwarto na hindi nagamit nang ilang taon. Noong gabi, ginising ako ni Antonio kasi ang likot-likot ko sa higaan. Nang alisin namin ang sapin ng kama, nakita namin ang napakaraming insekto! Wala kaming masyadong magawa kasi gabing-gabi na. Pinagpag na lang namin ang kama para kahit paano, maalis ang mga insekto at sinubukan naming matulog uli.

Kasama si Antonio sa gawaing pansirkito noong 1960’s

 Pero bale-wala ang mga ito. Kasi ang pagiging mahiyain ang naging pinakamahirap na hamon para sa akin. Nang dumalaw kami sa isang kongregasyon sa unang pagkakataon, nahirapan akong makipagkaibigan. Pero gusto ko talagang patibayin at tulungan ang mga sister, kaya nagsikap ako. Sa tulong ni Jehova, bago matapos ang dalaw namin, napapalagay na ang loob ko. Talagang isang pribilehiyo na makasama ang mga kapatid at makita ang kanilang pagkabukas-palad, katapatan, at pag-ibig kay Jehova.

 Noong 1977, matapos ang ilang taóng paglilingkod sa sirkito at distrito, b inimbitahan kami sa Bethel sa Rome para tumulong sa paghahanda sa 1978 “Victorious Faith” na Internasyonal na Kombensiyon. Pagkaraan lang ng ilang buwan, naging miyembro kami ng pamilyang Bethel. Di-nagtagal, naatasan si Antonio na maglingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay.

 Bagong karanasan sa akin ang paglilingkod sa Bethel. At gaya ng dati, dahil sa pagkamahiyain ko, hindi na naman ako masyadong palagay. Pero sa tulong ni Jehova at ng ibang Bethelite, di-nagtagal, naramdaman kong tahanan ko na ang Bethel.

Pagharap sa mga Bagong Problema

 Nang sumunod na mga taon, napaharap kami sa isang bagong problema—ang pagkakasakit. Noong 1984, naoperahan sa puso si Antonio, at pagkalipas ng mga 10 taon, nagkaroon pa siya ng ibang problema sa kalusugan. Pagkatapos, noong 1999, nalaman namin na mayroon siyang malignant tumor. Laging masigla ang asawa ko, pero nahihirapan na siya dahil sa sakit na ito. Kapag nakikita ko siyang unti-unting nanghihina, nadudurog ang puso ko. Marubdob akong nananalangin kay Jehova. Hinihiling ko sa kaniya na bigyan ako ng lakas para masuportahan ang mahal kong asawa. Madalas ko ring binabasa ang Mga Awit. Napapatibay ako ng mga ito kapag sobra akong nag-aalala. Noong Marso 18, 1999, namatay si Antonio pagkatapos ng halos 40 taon naming pagsasama.

 Pakiramdam ko, nag-iisa lang ako kahit may mga kasama ako. Talagang pinatibay ako ng mga kapuwa ko Bethelite at mga kapatid na naging kaibigan namin sa gawaing paglalakbay at ipinadama nila sa akin na mahal nila ako. Kahit ganoon, hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko lalo na kapag bumabalik ako sa kuwarto ko sa gabi at mag-isa na lang ako. Nakatulong sa akin ang panalangin, pag-aaral, at panahon para makayanan ang sakit. Ang totoo, makalipas ang ilang panahon, kapag naiisip ko ang mga alaala namin ni Antonio, nagiging masaya na ulit ako. Gustong-gusto kong isipin ang mga pinagsamahan namin. Alam kong nasa alaala siya ni Jehova at magkikita kami sa pagkabuhay-muli.

 Marami akong naging atas sa Bethel, at nasa sewing department ako ngayon. Masayang-masaya akong tumulong sa pamilyang Bethel. Sinisikap ko ring maging abala sa ministeryo. Siyempre, hindi ko na nagagawa ang gaya ng nagagawa ko dati. Pero masaya pa rin ako na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian—isang pribilehiyo na minahal ko mula pa noong kabataan ako. Kaya gustong-gusto kong pasiglahin ang mga kabataan na magpayunir din kasi alam kong magiging masaya sila.

“Masayang-masaya akong tumulong sa pamilyang Bethel”

 Kapag naaalala ko ang halos 70 taon ng buong-panahong paglilingkod ko, kitang-kita ko kung paano ako tinulungan at pinagpala ni Jehova. Mahiyain pa rin ako, kaya alam ko na kung sa sarili ko lang, hindi ko magagawa ang lahat ng nagawa ko. Nakarating ako sa malalayong lugar, nagkaroon ako ng maraming magagandang karanasan, at nakilala ko ang mga taong nagpapatibay sa akin. Kaya talagang masasabi ko na ito pa rin ang pipiliin kong buhay.

a Tingnan ang talambuhay ni Piero Gatti, “Takót Ako Noon sa Kamatayan,” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2011.

b Ang isang tagapangasiwa ng distrito ay naglilingkod sa ilang sirkito na bumubuo sa isang distrito.