JESÚS MARTÍN | KUWENTO NG BUHAY
“Iniligtas Ako ni Jehova sa Pinakamadilim na Bahagi ng Buhay Ko”
Ipinanganak ako sa Madrid noong 1936. Hinding-hindi malilimutan ng mga Kastilang nabuhay noong panahong iyon ang taóng ito. Sumiklab kasi noon ang gera sibil sa Spain.
Dahil sa digmaang iyon, nakaranas ng matinding pagdurusa ang Spain sa loob ng halos tatlong taon, at nag-iwan ito ng pisikal at emosyonal na pilat sa maraming tao. Isa na rito ang tatay ko. Naniniwala siya sa Diyos, pero nadismaya siya nang makita niya na nakikisangkot sa digmaan ang mga paring Katoliko. Kaya hindi niya kami pinabinyagan ng kapatid ko sa Simbahang Katoliko.
Noong 1950, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto namin. Nakinig si Tatay sa kanila at nagpa-Bible study linggo-linggo. Katorse anyos lang ako noon, at gustong-gusto ko ang soccer. Gusto ni Tatay na basahin ko ang mga publikasyong iniiwan sa kaniya ng mga Saksi, pero ayaw ko. Isang hapon, pag-uwi ko galing sa paglalaro ng soccer, tinanong ko si Nanay, “Nandiyan na naman po ba ang mga nagtuturo ng Bibliya?” “Oo, nandoon sila sa kainan kasama ng tatay mo,” ang sabi niya. Kaya nagmadali akong lumabas ng bahay!
Mabuti na lang, kahit ayaw kong mag-aral ng Bibliya, hindi iyon nagpahina ng loob ni Tatay. Ang totoo, gustong-gusto niya ang mga natututuhan niya. Kaya noong 1953, nagpabautismo siya bilang Saksi ni Jehova. Dahil sa bautismo ni Tatay, nag-isip-isip ako at ang dami kong tanong sa kaniya. Humingi pa nga ako ng isang kopya ng Bibliya. Kinausap niya si Máximo Murcia, isang kabataang Saksi, para mag-Bible study sa akin. Pagkalipas ng dalawang taon, sa edad na 19, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova sa Jarama River sa silangan ng Madrid.
Pangangaral sa Panahon ng Diktadura ni Franco
Noong 1950’s, hindi madali ang pangangaral at pagtitipon nang sama-sama. Ang diktador na si Francisco Franco ang namamahala noon sa Spain, at gusto niyang maging Katoliko ang lahat ng tao rito. Dahil diyan, madalas na pag-usigin ng mga pulis ang mga Saksi ni Jehova. Nagtitipon kami sa mga pribadong bahay at ingat na ingat kami para hindi kami mapansin ng mga kapitbahay na puwedeng magsumbong sa mga pulis. Maingat din kaming nagbabahay-bahay hangga’t posible. Dalawa o tatlong bahay lang ang pinupuntahan namin. Pagkatapos, agad kaming lumilipat sa ibang komunidad. Kahit maraming tao ang nakikinig sa mensahe namin, hindi lahat ay nagkakainteres dito.
Naalala ko nang may mabahay-bahay akong Katolikong pari. Nang sabihin ko ang dahilan ng pagdalaw ko, tinanong niya: “Sino ang nagbigay sa iyo na karapatan na gawin ito? Alam mo ba na puwede kitang isumbong sa mga pulis?” Sinabi ko sa kaniya na handa kami sa ganiyang mga pangyayari. Sinabi ko pa, “Ipinaaresto si Jesu-Kristo ng mga kaaway niya. Kaya inaasahan din ng mga tagasunod niya na mangyayari ito sa kanila.” Hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ko, kaya pumasok siya para tumawag sa mga pulis. Siyempre, nagmadali akong umalis sa gusaling iyon.
Kahit dumanas ng di-magagandang karanasan, nakita ng ilang daang mamamahayag sa Spain na marami ang interesado sa mensahe namin. Noong Pebrero 1956, naatasan akong maglingkod bilang special pioneer, at 19 pa rin ako noon. a Kabataan at wala pang karanasan ang karamihan sa aming mga pioneer. Pero nagpapasalamat kami sa ilang misyonero na nagsanay at nagpatibay sa amin. Naatasan akong maglingkod sa lunsod ng Alicante kasama ng isa pang kabataang pioneer. Wala pang nangangaral sa lunsod na iyon. Sa loob lang ng ilang buwan, marami kaming naging Bible study at daan-daang literatura ang naipamahagi namin.
Siyempre, napansin ng mga tao ang ginagawa namin. Pagkalipas lang ng ilang buwan sa Alicante, inaresto kami ng mga pulis at kinuha ang mga Bibliya namin. Ikinulong nila kami nang 33 araw. Pagkatapos, dinala nila kami sa Madrid, kung saan kami pinalaya. Ang sandaling pagkakabilanggong iyon ay patikim pa lang ng mga bagay na mangyayari.
Ang Pinakamadilim na Bahagi ng Buhay Ko
Noong 21 anyos ako, nakatanggap ako ng utos na dapat akong magsundalo. Kinailangan kong pumunta sa baraks ng mga sundalo sa Nador—isang lunsod na bahagi noon ng Spanish protectorate sa hilaga ng Morocco. Doon, sa harap ng chief lieutenant, magalang kong sinabi na hindi ako magsusundalo o magsusuot ng uniporme nila. Dinala ako ng pulis militar sa bilangguan ng Rostrogordo, sa Melilla, para maghintay ng court-martial.
Bago ako litisin, ipinag-utos ng Kastilang kumander ng militar sa Morocco na bugbugin ako ng mga sundalo hanggang sa magbago ang isip ko. Kaya ininsulto nila ako, pinaghahagupit sa loob ng 20 minuto, at pinagsisipa hanggang sa bumagsak ako nang halos wala nang malay. Hindi pa nakontento ang kapitan, kaya tinapakan niya ang ulo ko suot ang bota niyang pansundalo at tumigil lang siya nang may tumulo ng dugo. Pagkatapos, dinala ako sa opisina niya, at sumigaw siya: “Hindi pa ako tapos sa iyo. Humanda ka, daranasin mo iyan araw-araw!” Inutusan niya ang mga guwardiya na ikulong ako sa isang selda na nasa underground. Mamasa-masa at madilim doon, at nawawalan na ako ng pag-asa.
Tandang-tanda ko pa noong nakahiga ako sa sahig ng selda, na may mga dugo sa ulo ko. Mayroon lang akong manipis na kumot sa selda ko. Pagkatapos, may ilang daga pa na labas-masok sa lungga nila. Wala akong ibang magawa kundi ang manalangin kay Jehova at humingi ng lakas para makapagtiis. Sa madilim at malamig na bilangguang iyon, paulit-ulit akong nanalangin sa kaniya. b
Kinabukasan, binugbog ulit ako ng iba namang opisyal. Habang nakatingin ang kapitan, sinisiguro niya na masisiyahan siya sa ginagawa sa akin. Inaamin ko na sa pagkakataong iyon, parang hindi ko na kakayanin ang pagpapahirap sa akin. Noong gabing iyon sa selda ko, talagang nakiusap ako kay Jehova na tulungan ako.
Noong ikatlong araw, ipinatawag ulit ako sa opisina ng kapitan. Takot na takot ako. Habang papunta ako sa opisina niya, nanalangin ako kay Jehova. Naghihintay sa opisina si Don Esteban, c ang secretary ng hukumang militar. Naroon siya para simulan ang kaso ko.
Nang makita ni Don Esteban ang mga benda sa ulo ko, tinanong niya kung ano ang nangyari. Hindi ako agad nakasagot, kasi baka bugbugin na naman ako. Pero sinabi ko rin sa kaniya ang totoo. Nang malaman ni Don Esteban ang nangyari, sinabi niya: “Wala akong magagawa para ihinto ang kaso mo. Pero makakasiguro ka na wala nang mambubugbog sa iyo.”
Gaya ng ipinangako niya, wala nang nanakit sa akin mula noon. Hindi ko nalaman kung bakit noong araw na iyon ako kinausap ng judge na si Don Esteban. Ang alam ko lang, sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko sa pambihirang paraan. Talagang nakita ko na iniligtas ako ni Jehova sa pinakamadilim na bahagi ng buhay ko. Hindi niya hinayaan na pag-usigin ako nang higit sa matitiis ko. (1 Corinto 10:13) Hinarap ko ang paglilitis nang may buong pagtitiwala kay Jehova.
Nahatulan akong mabilanggo nang 19 na taon, at nadagdagan pa ito nang tatlong taon dahil daw sa pagiging di-masunurin sa batas. Pagkalipas ng mga 15 buwan sa Morocco, inilipat ako sa Ocaña Penitentiary, di-kalayuan sa Madrid, para doon tapusin ang sentensiya ko. Pagpapala iyon mula kay Jehova. Kasi kumpara sa Rostrogordo, para itong paraiso. Sa selda, mayroon akong kama, sapin sa kama, at kumot. At di-nagtagal, naatasan akong maging bookkeeper ng bilangguan. Pero lagi pa rin akong malungkot. Ang isa sa pinakamahirap tiisin ay ang mahiwalay sa mga kapatid sa kongregasyon.
Paminsan-minsan, dinadalaw ako ng mga magulang ko. Pero kailangan ko pa ng higit na pampatibay. Ikinuwento nila na may iba pang kapatid na tumangging magsundalo. Kaya ipinanalangin ko kay Jehova na sana, may makasama ako sa bilangguan kahit isang brother lang. At sinagot ulit ni Jehova ang taos-pusong mga panalangin ko—higit pa sa inaasahan ko. Di-nagtagal, tatlong tapat na brother ang nakasama ko sa bilangguan ng Ocaña—sina Alberto Contijoch, Francisco Díaz, at Antonio Sánchez. Pagkatapos ng apat na taóng pag-iisa, sa wakas ay nagkaroon din ako ng nakapagpapatibay na mga kasama. Puwede kaming mag-aral nang sama-sama at mangaral sa ibang bilanggo.
Paglaya at Pagbabalik sa Gawain
Sa wakas, noong 1964, nabigyan ako ng parole. Naging 6 1/2 taon na lang ang 22-taóng sentensiya sa akin. Nang mismong araw na lumaya ako, nakadalo agad ako sa pulong. Kinailangan kong gamitin ang maliit na ipon ko na pambayad sa taxi para makabalik sa Madrid, at eksaktong-eksakto lang ang dating ko sa pulong. Isa ngang pagpapala ang makasama muli ang mga kapatid! Pero hindi lang ako excited na makasama sila. Gusto ko ring makabalik agad sa pagpapayunir. Kahit sinisikap ng mga pulis na pahintuin ang mga kapatid sa pangangaral, marami pa ring nakikinig sa mabuting balita, at talagang marami pang kailangang gawin.
Noong panahong iyon, nakilala ko si Mercedes. Isa siyang masigasig na sister na naglilingkod bilang special pioneer. Mapagpakumbaba siya at lagi siyang handang mangaral kahit kanino. Napakabait din niya at mapagbigay, mga katangian na gustong-gusto ko. Nagustuhan namin ang isa’t isa, at ikinasal kami pagkalipas ng isang taon. Talagang pagpapala na makasama si Mercedes.
Mga ilang buwan pagkatapos ng kasal namin, naatasan kaming maglingkod sa gawaing paglalakbay. Linggo-linggo, dumadalaw kami sa iba’t ibang kongregasyon at sinasamahan namin ang mga kapatid sa mga pulong at pangangaral. Dumarami ang mga kongregasyon sa buong Spain, at kailangan ng mga kapatid ng tulong at pampatibay. Sa maikling panahon, nagkaroon din ako ng pribilehiyong maglingkod nang ilang araw sa sekretong opisina ng mga Saksi ni Jehova sa Barcelona para tumulong sa gawain doon.
Noong 1967, naglabas ng batas ang gobyerno na puwede nang magkaroon ng kalayaan sa pagsamba ang lahat ng mamamayang Kastila. Kaya noong 1970, legal nang kinilala ang mga Saksi ni Jehova. Sa wakas, malaya na kaming magpulong, magkaroon ng sariling Kingdom Hall, at pinayagan na rin kaming buksan ang isang tanggapang pansangay.
Mga Bagong Atas sa Paglilingkod
Noong 1971, naatasan kami ni Mercedes na maglingkod nang permanente sa bagong tanggapang pansangay sa Barcelona. Pero pagkalipas ng isang taon, nagdalang-tao si Mercedes at ipinanganak si Abigail. Kaya kinailangan naming iwan ang atas namin sa Bethel para alagaan ang anak namin.
Noong tin-edyer na si Abigail, tinanong kami ng tanggapang pansangay kung puwede kaming bumalik sa gawaing paglalakbay. Siyempre, ipinanalangin namin ito at humingi ng payo sa mga may-gulang na mga kapatid. Sinabi ng isang elder: “Jesús, kung pinababalik nila kayo sa gawaing paglalakbay, kailangan mong umoo.” Kaya nagkaroon ulit kami ng panibagong pribilehiyo. Noong una, dumadalaw kami sa mga kongregasyon na malapit sa bahay namin para maalagaan pa rin namin si Abigail. Siyempre, noong lumaki na siya at magkaroon na ng sariling buhay, mayroon na kaming pagkakataon na mas palawakin pa ang aming pantanging buong-panahong paglilingkod.
Dalawampu’t tatlong taon kaming naglingkod ni Mercedes sa gawaing paglalakbay. Gustong-gusto ko ang pribilehiyong ito, kasi nagkaroon ako ng pagkakataon na magamit ang mga karanasan ko para patibayin ang mga kabataan. Kapag naglilingkod ako bilang instructor para sa mga elder at sa mga nasa buong-panahong paglilingkod, sa Bethel sa Madrid kami tumutuloy. Nakakatuwa, kasi mga tatlong kilometro mula sa Bethel, makikita ang Jarama River—ang mismong ilog kung saan ako nabautismuhan noong 1955. Hindi ako makapaniwala na makakabalik pa ako sa lugar na ito matapos ang ilang dekada para ihanda ang mga kabataan sa higit pang mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova.
Mula noong 2013, naglingkod na ulit kami bilang mga special pioneer. Inaamin ko, nahirapan kaming iwan ang gawaing paglalakbay para maging pioneer. Pero ito ang pinakamaganda para sa amin. Nitong nakaraan, nagkasakit ako at inoperahan ako sa puso. Kinailangan kong magtiwala kay Jehova sa mga panahong ito, at kahit kailan, hindi niya ako pinabayaan. At sa loob ng 56 na taon, laging nandiyan para sa akin ang asawa kong si Mercedes, na nakasuporta sa lahat ng atas ko sa paglilingkod.
Lagi kong naaalala ang mga panahong naglilingkod ako bilang instructor. Tandang-tanda ko pa ang mga mukha ng mga estudyante na sabik na matuto. Nakikita ko sa kanila ang sarili ko noong kabataan pa ako. Sabik na sabik din akong maglingkod gaya nila. Totoo, may mga panahon na nahirapan din ako, pero marami rin akong magagandang karanasan. May mga natutuhan din akong aral sa mga hirap na dinanas ko. At ang pinakamahalaga sa mga iyon, hindi ako dapat magtiwala sa sarili kong lakas. Dahil sa mga pagsubok na naranasan ko, nakita ko ang makapangyarihang kamay ni Jehova—lagi siyang nandiyan para patibayin ako—kahit sa pinakamadilim na bahagi ng buhay ko.—Filipos 4:13.
a Ang special pioneer ay isang buong-panahong ministro. Ipinapadala sila ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova kung saan may pangangailangan para sa mga tagapagturo ng Bibliya.
b Ang seldang iyon na may sukat lang na apat na metro kuwadrado at walang palikuran, ang naging tirahan ko sa loob ng pitong buwan. Natutulog ako sa maruming sahig na may isang kumot lang.
c Ang “Don” ay isang titulo na ginagamit sa mga bansang nagsasalita ng wikang Spanish para ipakita ang paggalang sa isang tao. Sinasabi ito bago ang pangalan ng isang tao.