Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MILTIADIS STAVROU | KUWENTO NG BUHAY

“Damang-dama Namin na Pinangangalagaan at Ginagabayan Kami ni Jehova”

“Damang-dama Namin na Pinangangalagaan at Ginagabayan Kami ni Jehova”

Gaya ng mga kabataang kaedaran ko, noong mga 13 ako, gustong-gusto kong pinapanood ang mga kotseng dumadaan sa kalsada namin sa Tripoli, Lebanon. Isang maganda at pulang American car na pag-aari ng isang Syrian ang pinakanagustuhan ko. Kaya gulat na gulat ako nang utusan kami ng lider ng relihiyon namin na Orthodox na batuhin ang kotseng iyon dahil Saksi ni Jehova ang may-ari n’on!

 Nang sabihin namin sa kaniya na baka tamaan namin ang driver, sinabi niya: “Patayin n’yo na. Gamitin n’yo ang banal na damit ko para punasan ang dugo niya sa mga kamay n’yo!” Lumaki akong isang Greek Orthodox, pero nang marinig ko ang mga sinabing iyon ng lider namin, iniwan ko ang relihiyon ko. Kapag binabalikan ko ang pangyayaring iyon, naiisip kong nakatulong iyon para mahanap ko ang katotohanan tungkol kay Jehova.

Nalaman Ko ang Katotohanan Tungkol kay Jehova

 Lumaki ako sa lunsod ng Tripoli. Iba-iba ang kultura, wika, at relihiyon ng mga tao doon. At mahalaga ang mga iyon para sa kanila, mahalaga rin ang mga iyon para sa pamilya namin. Kaya naman sumali ako at ang mga kuya ko sa isang grupo na tinatawag na Soldiers of the Faith. a Laban ang grupong ito sa mga Saksi ni Jehova. Wala kaming kilalang Saksi, pero sinabi ng pari namin na isa silang gang na laban sa Greek Orthodox Church at si Jehova ang lider nila. Paulit-ulit na sinasabi ng pari namin na kapag nakakita kami ng Saksi, atakihin namin sila.

 Wala akong kamalay-malay na may nakilala na palang Saksi ni Jehova ang tatlong kuya ko. Imbes na sundin ang sinabi ng pari namin, pumayag ang mga kuya ko na makipag-Bible study sa mga Saksi para patunayan na mali sila. Isang gabi, pag-uwi ko nadatnan kong punô ng mga Saksi ni Jehova ang sala namin. Nag-uusap-usap sila ng pamilya ko at ng ilang kapitbahay namin tungkol sa Bibliya. Dismayadong-dismayado ako! Hindi ko maintindihan kung paano nagawa iyon ng mga kuya ko sa relihiyon namin. Nang paalis na ako, sinabi sa akin ng isang kapitbahay namin na maupo muna ako at makinig. Isa siyang kilalang dentista at Saksi ni Jehova rin. Ipinabasa noon nang malakas ng isang kaibigan ng pamilya namin ang Awit 83:18 mula sa sarili kong Bibliya. At noon ko nakita na nagsisinungaling pala sa amin ang pari namin. Hindi lider ng gang si Jehova—siya ang nag-iisang tunay na Diyos!

Pagkatapos ng bautismo ko

 Gustong-gusto kong makilala si Jehova kaya nagsimula akong dumalo sa mga Bible study sa bahay namin. Si Brother Michel Aboud ang nagka-conduct noon ng Bible study. Isang araw, may itinanong ang kaibigan ko, bata pa ako tanong ko na rin iyon. Ang sabi niya, “Sino ang gumawa sa Diyos?” Itinuro sa amin ni Brother Aboud ang isang pusa na nakahiga sa sofa. Sinabi niya na hindi naiintindihan ng mga pusa kung ano ang sinasabi ng mga tao at kung paano sila nag-iisip. Ganiyan din tayo, marami tayong hindi naiintindihan tungkol sa Diyos. Sa simpleng ilustrasyong iyon, nakita ko kung bakit may mga bagay tungkol kay Jehova na hindi ko lubusang maiintindihan. Di-nagtagal, inialay ko kay Jehova ang buhay ko at nagpabautismo ako noong 1946 sa edad na 15.

Nagkaroon ng Direksiyon ang Buhay Ko Nang Magpayunir Ako

 Noong 1948, sumama ako sa photography business ng kuya kong si Hanna. May katabing paint shop ang shop ni kuya. Pag-aari iyon ng brother na si Najib Salem. b Hindi takot mangaral si Najib, hanggang noong mamatay siya sa edad na 100. Kapag nangangaral kami sa mga nayon, kitang-kita ko ang lakas ng loob ni Najib kahit may mga kumokontra sa kaniya. Kayang-kaya rin niyang kausapin kahit sino tungkol sa Bibliya, kahit ano pa ang relihiyon nila. Malaki ang naging impluwensiya sa akin ng halimbawa ni Najib.

Malaki ang naging impluwensiya sa akin ni Najib Salem (nasa likod, kanan)

 Isang araw, habang nagtatrabaho kami, bumisita sa amin si Mary Shaayah. Isa siyang Lebanese na sister mula sa United States. Kahit nanay siya at maraming ginagawa, masipag na pioneer siya. Nabago ng pagdalaw ni Mary ang buhay ko. Mahigit dalawang oras siyang nagkuwento sa amin ng mga karanasan niya sa pangangaral. Bago siya umalis, tumingin siya sa akin at sinabi niya: “Milto, single ka naman, bakit hindi ka magpayunir?” Nangatuwiran ako na kailangan ko kasing magtrabaho. Pero nagtanong siya: “Gaano katagal na ba ako dito ngayong umaga?” Sumagot ako: “Mga dalawang oras po.” Sinabi ni Mary: “Napansin kong wala kang gaanong trabaho sa mga oras na iyon. Kung mangangaral ka nang mga ganoon kahaba araw-araw, makakapagpayunir ka. Subukan mo lang nang isang taon, saka ka magdesisyon kung itutuloy mo.”

 Sa kultura namin, hindi nakikinig ang mga lalaki kapag babae ang nagpapayo. Pero nakita kong makatuwiran ang sinabi ni Mary. Pagkalipas ng dalawang buwan, noong Enero 1952, nagpayunir ako. Pagkaraan naman ng mga 18 buwan, tumanggap ako ng imbitasyon na mag-aral sa ika-22 klase ng Paaralang Gilead.

Ako, kasama ang pamilya at mga kaibigan, bago ako mag-aral sa Paaralang Gilead noong 1953

 Pagka-graduate ko, na-assign ako sa Middle East. Makalipas ang halos isang taon, napangasawa ko si Doris Wood, isang masayahing misyonera mula sa England na naglilingkod din sa Middle East.

Pangangaral sa Syria

 Di-nagtagal matapos kaming ikasal, na-assign kami ni Doris sa Aleppo, Syria. Bawal ang gawaing pangangaral doon, kaya karamihan ng Bible study namin ay ini-refer lang sa amin.

 Isang araw, dumalaw kami sa isang babaeng interesado sa Bibliya. Nanginginig siya nang buksan niya ang pinto at sinabi sa amin: “Mag-ingat kayo! Kagagaling lang dito ng mga pulis. Gusto nilang malaman kung saan kayo nakatira.” Alam na ng mga secret police kung saan-saan kami nagba-Bible study. Tinawagan namin ang mga brother na nangangasiwa sa gawain sa Middle East, at sinabi nilang umalis na kami agad sa bansang iyon. Lungkot na lungkot kami kasi maiiwan namin ang mga Bible study namin, pero damang-dama namin na pinrotektahan kami ni Jehova.

Ginabayan Kami ni Jehova sa Iraq

 Noong 1955, na-assign naman kami sa Baghdad, Iraq. Puwede kaming mangaral sa lahat ng tao sa Iraq, basta mag-iingat lang. Pero mas nagpokus kami sa mga Kristiyano.

Mga kasama kong misyonero sa Iraq

 Nakikipag-usap din kami sa mga Muslim kapag nakikita namin sila sa palengke o sa kalsada. Madalas, ang sinasabi ni Doris ay mga bagay na magugustuhan ng mga nakikinig sa kaniya. Halimbawa, sinasabi niya: “Laging sinasabi sa akin ng tatay ko noon na lahat tayo ay mananagot sa Lumikha sa atin.” (Roma 14:12) Pagkatapos, sasabihin din niya: “Malaki ang naitulong nito sa buhay ko. Ikaw, ano ang tingin mo doon sa sinabi ng tatay ko?”

 Halos tatlong taon kaming naglingkod sa Baghdad, tinulungan namin ang mga kapatid doon na maorganisa ang gawaing pangangaral. Ang missionary home namin ang ginamit para sa mga pulong sa wikang Arabic. Kaya masayang-masaya kaming i-welcome ang mga tao mula sa komunidad ng mga Assyrian, isang etnikong grupo na ang karamihan ay tinatawag na mga Kristiyano. Nakita nila ang pagmamahal at pagkakaisa sa mga pulong namin, kaya nakumbinsi sila na kami ang tunay na mga alagad ni Jesus.​—Juan 13:35.

Nagpupulong kami sa missionary home namin sa Baghdad

 Isa sa agad na tumanggap sa mensahe ng kapayapaan si Nicolas Aziz, isang malumanay at mapagpakumbabang ama ng tahanan na may lahing Armenian at Assyrian. Tinanggap agad ni Nicolas at ng asawa niyang si Helen ang turo ng Bibliya na si Jehova at ang Anak niyang si Jesus ay dalawang magkaibang persona. (1 Corinto 8:5, 6) Tandang-tanda ko pa noong nabautismuhan si Nicolas at ang 20 iba pa sa Euphrates River.

Tinulungan Kami ni Jehova sa Iran

Noong 1958 sa Iran

 Pagkatapos ng kudeta na nauwi sa kamatayan ni King Faisal II ng Iraq noong Hulyo 14, 1958, na-deport kami sa Iran. Maingat naming ipinagpatuloy doon ang ministeryo namin. Nangaral kami sa mga dayuhan sa loob ng mga anim na buwan.

 Bago kami umalis sa Tehran, ang capital ng Iran, dinala ako sa istasyon ng pulis para pagtatanungin. Kaya nalaman kong minamanmanan na pala kami ng mga pulis. Pagkatapos ng interogasyon, kinontak ko si Doris at sinabi kong minamanmanan kami ng mga pulis. Kaya napagkasunduan namin na para sa kaligtasan namin, hindi muna ako uuwi at hindi muna kami magkikita hanggang sa bago kami makaalis ng bansa.

 May natuluyan naman si Doris na ligtas na lugar hanggang sa araw na magkikita kami sa airport. Pero paano siya makakapunta roon nang hindi nalalaman ng mga pulis? Ipinanalangin iyon ni Doris kay Jehova.

 Maya-maya, umulan nang malakas, kaya sumilong muna ang mga tao pati na ang mga pulis. Dahil dito, malayang nakaalis si Doris. Sinabi niya, “Himala talaga ang bahang iyon!”

 Nang makaalis kami sa Iran, na-assign naman kami sa ibang teritoryo. Doon, nangaral kami sa mga tao na iba’t iba ang relihiyon at etnikong pinagmulan. Pagdating ng 1961, nasa gawaing pansirkito na kami. Dumadalaw kami sa mga kapatid sa iba’t ibang lugar sa Middle East.

Nakita Namin Kung Paano Kumikilos ang Espiritu ni Jehova

 Maraming beses kong nakita sa ministeryo namin sa Middle East kung paano pinagkakaisa ng espiritu ni Jehova ang mga tao. Natatandaan ko pa ang masayang pag-uusap namin ng dalawang Palestinian na Bible study ko, sina Eddy at Nicolas. Gustong-gusto nilang dumalo sa mga pulong namin, pero agad silang tumigil sa pagba-Bible study dahil sa mga paniniwala nila pagdating sa politika. Ipinanalangin ko kay Jehova na sana mabuksan ang puso nila. Nang maintindihan nila na lulutasin ng Diyos, hindi lang ang mga problema ng mga Palestinian, kundi ng lahat ng tao, ipinagpatuloy nila ang Bible study. (Isaias 2:4) Binago nila ang pananaw nila na mas nakakataas ang lahi nila kaysa sa iba at nagpabautismo. Naging masigasig na circuit overseer si Nicolas.

 Iba’t ibang bansa ang napuntahan namin ni Doris at humanga kami sa katapatan ng mga kapatid natin anuman ang kalagayan nila. Napakarami nilang pinagdadaanan, kaya minabuti kong laging maging nakakapagpatibay ang mga dalaw ko bilang circuit overseer. (Roma 1:11, 12) Para magawa iyon, sinisikap ko lagi na isiping hindi ako nakakahigit sa mga kapatid. (1 Corinto 9:22) Kapag napapatibay ko ang mga kapatid, ang sarap sa pakiramdam.

 Napakasayang makita na naging tapat na mga lingkod ni Jehova ang marami sa naging Bible study namin. Dahil sa kaguluhan sa bansa nila, lumipat ang ilan sa kanila sa ibang bansa kasama ng pamilya nila. Pero naging pagpapala sila para sa mga naglilingkod sa teritoryong Arabic ang wika sa Australia, Canada, Europe, at sa United States. Nitong nakaraang mga taon, ilan sa mga anak nila ang bumalik sa Middle East para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Napakarami naming naging espirituwal na anak at apo ni Doris. Masayang-masaya kami kapag nakikita namin sila!

Kay Jehova Kami Aasa Magpakailanman

 Sa buong buhay namin, damang-dama namin ang pangangalaga at gabay ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Laking pasasalamat ko na natulungan akong maalis ang pagtatangi at ang mataas na pagtingin ko sa lahi namin mula pa noong bata ako. Marami akong natutuhan sa mga kapatid natin na malalakas ang loob at hindi nagtatangi. Naihanda ako nito na mangaral sa mga tao na iba’t iba ang pinagmulan. Sa bawat bansa na pinupuntahan namin ni Doris, maraming naging hamon at hindi namin alam ang susunod na mangyayari. Pero tinuruan kami nito na kay Jehova lang magtiwala at hindi sa sarili namin.​—Awit 16:8.

 Kapag binabalik-balikan ko ang maraming taon ng paglilingkod ko kay Jehova, naiisip ko na napakalaki ng utang na loob ko sa Ama ko sa langit. Gaya nga ng madalas na sinasabi ng mahal kong si Doris, walang dapat makapigil sa bukod-tanging pagsamba namin kay Jehova, kahit pa sa harap ng kamatayan! Hinding-hindi namin pagsisisihan na ginamit kami ni Jehova para mangaral ng mensahe ng kapayapaan sa Middle East. (Awit 46:8, 9) Hindi kami natatakot anuman ang mangyari sa hinaharap, dahil alam namin na patuloy na gagabayan at poprotektahan ni Jehova ang lahat ng umaasa sa kaniya.​—Isaias 26:3.

a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa grupong ito, tingnan ang 1980 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 186-188.

b Mababasa ang kuwento ni Najib Salem sa Setyembre 1, 2001, isyu ng Bantayan, pahina 22-26.