MULA SA AMING ARCHIVE
Naglilingkod kay Jehova Kahit Mahirap ang Buhay
Sa maraming bansa, ang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga pangangailangan ay nagpapahirap sa mga tao. Apektado rin nito ang mga Saksi ni Jehova. Pero hindi sila masyadong nag-aalala kasi alam nila na ‘hinding-hindi pababayaan’ ni Jehova ang mga lingkod niya. (Hebreo 13:5) At laging ginagawa iyan ni Jehova. Naranasan iyan ng mga Saksi sa Pilipinas. Patuloy na naghihirap ang maraming tao doon. Pero lalo itong naramdaman noong 1970’s at 1980’s.
“Minsan napapaiyak na lang ako kasi halos wala kaming makain,” ang sabi ng sister na si Vicky. a “May mga pagkakataon pa nga na kanin, asin, at tubig lang ang mayroon kami.” Hindi naman makakita ng trabaho ang brother na si Florencio. Sinabi niya: “Mayroon lang akong tatlong pares ng damit. Ito lang ang paulit-ulit na isinusuot ko sa pagdalo sa mga pulong at asamblea.” Paano nakayanan ng mga lingkod ni Jehova ang kahirapan sa buhay? Ano ang nakatulong sa kanila na manatiling malakas sa espirituwal? At paano makakatulong sa atin ang mga halimbawa nila kapag biglang nagbago ang kalagayan ng buhay natin?
Nagtiwala Sila kay Jehova
Kumbinsido ang mga Saksi sa Pilipinas na hindi sila pababayaan ni Jehova sa mahihirap na kalagayan. (Hebreo 13:6) At lagi itong ginagawa ni Jehova sa paraang hindi nila inaasahan. Ganito ang sinabi ng sister na si Cecille: “Apat kami sa pamilya. Pagkatapos kong masaing ang huling takal ng bigas, wala na kaming susunod na makakain. Kaya ipinanalangin namin ang pangangailangan namin para sa araw na iyon. Habang nag-aalmusal kami, dumating ang isang brother na may dalang limang kilo ng bigas. Napaiyak kami sa tuwa at talagang ipinagpasalamat namin ito kay Jehova. Marami pa kaming ganitong karanasan.”
Sinunod din ng mga lingkod ng Diyos ang mga payo ng Bibliya. (Kawikaan 2:6, 7) Tingnan ang halimbawa ni Arcelita na kakabautismo lang. Dalaga pa siya noon at hirap na hirap sa buhay. Sinabi niya ang lahat ng ikinakabahala niya kay Jehova at pinag-isipan ang Kawikaan 10:4. Sinasabi doon: “Kahirapan ang dulot ng kamay na tamad, pero yaman ang dala ng kamay na masipag.” Sinunod niya iyan kaya nagsimula siyang magtanim. “Talagang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap ko,” ang sabi niya. “Ang totoo, sapat ang inani ko para may makain ako. May naibenta rin ako na nagamit ko para sa pamasahe.”
Hindi Nila Pinabayaan ang mga Pagtitipon
Wala ring pambili ng lupa at pampatayo ng Kingdom Hall ang mga kapatid. Pero sinunod pa rin nila ang utos na magtipon at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Ginawa nila kung ano ang kaya nilang gawin. Halimbawa, sinabi ng sister na si Deborah: “Mga anim lang kaming dumadalo sa pulong. Ginaganap namin ito sa isang maliit na kubo na itinayo namin ng kasama kong payunir. Gumamit kami ng pawid o tuyong dahon ng niyog para sa bubong at dingding. At ginawa naman naming mga upuan ang katawan ng puno ng niyog.”
Karamihan sa mga kapatid, nagtitipon sa mga bahay. “Gawa sa dayami at kawayan ang maliit na bahay namin,” ang sabi ng sister na si Virginia. “Kada Sabado, inaalis namin ang mga gamit namin para magamit ang bahay namin sa pulong kinabukasan.” May mga bahay naman na butas ang bubong. “Kapag umuulan,” ang sabi ng brother na si Noel, “naglalagay kami ng timba para masahod ang tubig. Pero halos hindi na namin napapansin iyon kasi kasama namin ang mga kapatid sa pagsamba kay Jehova.”
Patuloy Silang Naging Masigasig sa Ministeryo
Kahit kapos sa materyal, hindi nabawasan ang sigasig ng mga Saksi sa ministeryo. Sinabi ni Lindina, na nakatira sa isla ng Negros: “Malaki ang pamilya namin, at si Tatay lang ang nagtatrabaho. Kaya madalas, wala kaming pamasahe at naglalakad lang papunta sa teritoryo. Pero masaya pa rin kami kasi sama-sama kami. Alam din naming napapasaya namin si Jehova.”
Mahirap mangaral sa malalayo at bulubunduking lugar kasi halos walang pampublikong sasakyan na pumupunta doon. Sinabi ni Esther, na nakatira sa Luzon: “Mga 6 hanggang 12 kaming Saksi na umaalis ng maaga para mangaral. Kailangan kasi naming maglakad nang napakalayo. Pagkatapos, buong araw kaming mangangaral. May mga baon kami na kinakain namin sa ilalim ng mga puno. Ang ilang kapatid, wala talagang maibaon. Pero sumasama pa rin sila sa pangangaral. Sinasabi namin sa kanila, ‘Huwag kayong mag-alala. Kasya sa atin ang dala naming pagkain.’”
Talagang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na iyan. Halimbawa, noong 1970, ang bilang ng mamamahayag sa Pilipinas ay 54,789. Halos dumoble ito noong 1989 at umabot ng 102,487. At noong 2023, umabot na sa 253,876 ang bilang ng tagapaghayag ng Kaharian sa Pilipinas.
“Hindi Hadlang ang Kahirapan sa Buhay Para Mahalin si Jehova”
Kahit mahirap ang buhay, masaya pa rin ang mga Saksi at masigasig sa paglilingkod kay Jehova. “Hindi hadlang ang kahirapan sa buhay para mahalin si Jehova,” ang sabi ng brother na si Antonio. Sinabi naman ng sister na si Fe Abad: “Noong hirap na hirap kami sa buhay ng mister ko, hindi kami lumayo kay Jehova at naging masaya kami sa pagkakaroon ng simpleng buhay. Kaya kahit ang mga anak namin, natutong magtiwala sa kaniya.”
“Hindi hadlang ang pagiging mahirap para paglingkuran si Jehova,” ang sabi ni Lucila, na nakatira sa Samar Island. Sinabi pa niya: “Kapag inuna natin ang Diyos, magiging kontento tayo at positibo sa buhay. Masaya akong makita ang mga inaaralan ko sa Bibliya na makilala si Jehova at makasama sila sa pagpapayunir.”
Alam natin na sa hinaharap, mas hihirap pa ang buhay. Kaya pag-isipan natin ang sinabi ng elder na si Rodolfo: “Sa hirap ng buhay noong 1970’s at 1980’s, naramdaman ko na hindi ako pinabayaan ni Jehova. Kahit kaunti lang ang pera ko, hindi ko naramdaman na kaawa-awa ako. Lagi akong pinaglalaanan ni Jehova. Masayang-masaya ako sa buhay ko ngayon, at gustong-gusto ko nang maranasan ang ‘tunay na buhay’ sa Paraiso.”—1 Timoteo 6:19.
a Binago ang ilang pangalan.