MULA SA AMING ARCHIVE
Pagtuturo sa mga Tao sa Buong Mundo na Bumasa at Sumulat
“Lumaki ako sa kabukiran,” ang sabi ni Agostinho na taga-Brazil. “Mahirap lang kami. Huminto ako sa pag-aaral para magtrabaho at makatulong sa pamilya namin.” Natuto lang bumasa at sumulat si Agostinho noong 33 anyos na siya. “Dahil marunong na akong bumasa at sumulat, mas nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili,” ang sabi niya.
Isa si Agostinho sa mahigit 250,000 naturuan ng mga Saksi ni Jehova na bumasa at sumulat sa nakalipas na 70 taon. Bakit ito ginagawa ng mga Saksi ni Jehova? Paano nakinabang ang mga naturuan?
Hadlang sa Pagkatuto
Pagdating ng 1935, nangangaral na ang mga Saksi ni Jehova sa 115 lupain. Para mapangaralan ang mga nagsasalita ng ibang wika, gumamit ang mga misyonero ng mga rekording ng naisaling pahayag sa Bibliya, at nagbigay rin sila ng mga literatura sa lokal na wika. Interesado ang mga tao sa Bibliya, pero dahil marami ang hindi marunong bumasa at sumulat, nahihirapan silang matuto.
Hindi nila kayang basahin ang Bibliya, kaya hindi nila alam kung paano isasabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Josue 1:8; Awit 1:2, 3) Hamon din sa kanila na gampanan ang mga responsibilidad nila bilang Kristiyano. Halimbawa, kung hindi marunong bumasa ang mga magulang, mahirap para sa kanila na turuan ang mga anak nila. (Deuteronomio 6:6, 7) At ang mga bagong Saksi na hindi marunong bumasa ay malilimitahan sa paggamit ng Bibliya kapag nagtuturo sa iba.
Kampanya sa Pagtuturo na Bumasa at Sumulat
Noong mga dekada ’40 at ’50, sina Nathan H. Knorr at Milton G. Henschel, na kasama sa mga nangunguna sa mga Saksi ni Jehova, ay nagpunta sa iba’t ibang lupain para organisahin ang pangangaral. Sa mga lupaing marami ang hindi marunong bumasa at sumulat, inirekomenda nila sa tanggapang pansangay roon na magsaayos ng pagtuturo sa mga kongregasyon.
Nagpadala ang tanggapang pansangay sa mga kongregasyon ng tagubilin kung paano gagawin ang pagtuturo. Sa ilang lupain, may programa na ng pagtuturo ang gobyerno na puwedeng gamitin ng mga kapatid. Halimbawa, sa Brazil, tumanggap ang sangay ng mga textbook at gamit sa pag-aaral mula sa gobyerno at ipinadala ang mga ito sa mga kongregasyon. Sa ibang lupain, kailangang gumawa ng mga Saksi ng sarili nilang programa.
Puwedeng mag-aral ang mga lalaki at babae, bata at matanda. Ang layunin ay maturuan ang mga estudyante na bumasa sa sarili nilang wika. Kaya kung minsan, maraming wika ang itinuturo sa isang kongregasyon.
Isang Programa na Nakakatulong sa mga Tao
Paano nakinabang ang mga tao sa programang ito? Sinabi ng isang Saksi na taga-Mexico: “Nauunawaan ko na ngayon ang Bibliya, kaya tumatagos ito sa puso ko. Dahil marunong na akong bumasa, mas may kumpiyansa na akong makipag-usap sa mga kapitbahay ko, at mas marami na akong napapangaralan tungkol sa Bibliya.”
Hindi lang iyan ang naitulong ng programang ito. Sinabi ni Isaac na taga-Burundi: “Dahil marunong na akong bumasa at sumulat, nakatulong ito para matuto ako ng mga skill sa pagtatayo. Ito na ang naging trabaho ko, at nangangasiwa ako ngayon ng malalaking proyekto.”
Si Jesusa na taga-Peru ay 49 anyos nang sumama siya sa klase. “Bilang ina,” ang sabi niya, “kailangan kong mabasa ang mga presyo at pangalan ng bilihin. Dati, hiráp akong gawin iyon. Pero dahil sa klase, mas may kumpiyansa na ako kapag namimili ako para sa pamilya ko.”
Sa nakalipas na mga taon, pinapurihan ng mga opisyal ng iba’t ibang bansa ang mga Saksi ni Jehova sa ginagawa nilang pagtuturo na bumasa at sumulat. Sa ngayon, patuloy pa rin ang mga Saksi sa pagtuturong ito, at patuloy rin nilang pinapaganda ang mga programa at pantulong na ginagamit nila. Gumawa rin sila at nag-imprenta ng halos 224 na milyong brosyur sa 720 wika para tulungan ang mga tao na hindi marunong bumasa o limitado ang pinag-aralan. a
a Halimbawa, ang brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing ay available sa 123 wika, at ang brosyur na Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman ay available sa mahigit 500 wika.