Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus—Sa Likod ng Camera

Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus—Sa Likod ng Camera

OKTUBRE 1, 2024

 Sa taóng ito, ang isa sa pinanabikan ng mga Saksi ni Jehova ay ang paglalabas ng Episode 1 ng Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus. Milyon-milyon na ang nakapanood nito. Ito ang una sa 18 episode. Anong mga pagsisikap ang ginagawa ng mga kapatid para maging posible ang proyektong ito? At paano ka nakakatulong dito?

Pag-aasikaso sa mga Cast at Crew

 Sa sangay ng Australasia a ginagawa ang shooting ng karamihan sa mga eksena sa seryeng Mabuting Balita. Nasa mga 50 hanggang 80 ang nagtatrabaho sa set, at kailangan silang paglaanan ng tanghalian, hapunan, at meryenda. Patiunang pinaplano kung ano ang mga ihahaing pagkain. “Bumibili kami sa iba’t ibang supplier para makakuha kami ng mga sangkap na maganda ang quality pero mura ang halaga,” ang sabi ni Esther na nagboboluntaryo sa Food Service Department. “Lagi rin naming ina-adjust ang dami ng lulutuin para masiguro na walang masasayang.” Araw-araw, mga apat na dolyar (U.S.) ang nagagastos sa pagkain para sa isang tao.

 Pero hindi lang pagkain ang kailangan ng mga cast at crew. Kailangan din nila ng proteksiyon laban sa mataas na level ng ultraviolet radiation. Mainit at maaraw kasi sa Australia. Para maiwasan na masyadong maarawan at mapagod dahil sa init, nagtayo ang mga production assistant ng mga tent at mga lugar kung saan puwedeng magpalamig. Tinitiyak din nila na laging may sunscreen lotion, payong, at tubig. Sinabi ni Kevin na nagboboluntaryo sa Audio/Video Services: “Karamihan sa mga production assistant na ito, mga commuter Bethelite. Masaya at mapagpakumbaba nilang ginagawa ang atas na ito at ang iba pang atas. Hindi namin magagawa ang proyektong ito kung wala sila.”

Shooting sa Ibang Lokasyon

 Hindi magiging makatotohanan ang ilang eksena kung gagawin lang ang shooting sa tanggapang pansangay, sa bakuran man nito o sa studio. Kaya kailangang humanap ng ibang lokasyon. Halimbawa, para maging makatotohanan ang mga eksena sa Bibliya, dapat na walang makitang linya ng kuryente, sementadong kalsada, at modernong mga bahay. Kaya madalas, kailangang magbiyahe nang malayo ang mga cast at crew. Kailangan ding iimpake at ibiyahe ang mga costume, prop, at kagamitan. Pagdating naman sa lokasyon ng shooting, kailangan itong ihanda uli. Bago magsimula ang shooting, tinitiyak ng mga assistant production coordinator na may mga generator, malinis na tubig at palikuran. Pansamantala ding tumutuloy ang mga cast at crew sa bahay ng mapagpatuloy na mga kapatid, sa mga trailer, hotel, o iba pang puwedeng matuluyan.

Iba’t ibang hamon kapag nagsu-shoot sa ibang lokasyon

 Magastos, nakakapagod, at nangangailangan ng maraming panahon ang pagsu-shooting sa ibang lokasyon. Kaya noong 2023, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbili ng video wall na nagkakahalaga ng 2.5 milyong dolyar (U.S.) para sa paggawa ng video. Dahil sa napakataas na resolution nito, kaya nitong ipakita ang isang makatotohanang background. May kasama rin itong mga lighting na tugma sa liwanag sa eksenang nasa background. Dahil dito, nabawasan ang mga eksena na ginagawa sa ibang lokasyon. Ito ang sinabi ni Darren, miyembro ng Komite ng Sangay ng Australasia: “Nakatulong ang video wall para hindi masyadong mapagod ang mga cast at para maulit din ng mga crew ang mga eksena. Halimbawa, kapag nagsu-shoot kami sa labas, limitado ang oras namin para ma-video ang paglubog ng araw. Pero dahil sa video wall, puwede naming ulit-ulitin ang eksena ng sunset hanggang sa makuha namin ang shot na gusto namin.”

Paghahanda at pagte-test ng bagong video wall

“Parang Wala Akong Isinakripisyo”

 Kailangan ng maraming cast at crew sa bawat episode ng Mabuting Balita. Ano kaya ang nararamdaman nila sa pag-aasikaso at pangangalagang ginagawa para sa kanila?

 Naglakbay si Amber, na nakatira sa Melbourne, ng 700 kilometro para makapagboluntaryo sa proyekto. Isinulat niya: “Pagdating na pagdating ko sa airport, inasikaso na ako ng mga kapatid galing sa Bethel. Inimbitahan ako ng maraming Bethelite para kumain at uminom ng tsaa. Sa set naman, naging komportable ako at nadama ko ang pag-ibig nila. Talagang pinagpala ang pagbo-volunteer ko dito. Parang wala akong isinakripisyo!”

 Sinabi naman ni Derek na nagtatrabaho sa production team: “Sa umpisa pa lang, maraming department na ang tumulong sa amin. Ang sarap sa pakiramdam na makasama ang mga kapatid na nagsakripisyo ng panahon nila, pag-aari, at lakas para sa proyektong ito. Talagang mababait sila at gustong-gustong tumulong. Masasabi kong pinagpala kami. Sigurado ako na hindi lang interesado si Jehova sa resulta, kundi pati na kung paano ito matatapos.”

 Talagang nagpapasalamat kami sa mga donasyon mo, pati na sa mga nag-donate sa pamamagitan ng donate.pr418.com. Dahil sa mga donasyon mo, naging posible ang video series na ito.

a Ang sangay ng Australasia ang nangangasiwa sa gawain ng maraming bansa, gaya ng Australia at iba pang lupain sa South Pacific. Matatagpuan ang sangay na ito sa labas ng lunsod ng Sydney, Australia.