Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Disaster Relief Noong 2021—Hindi Natin Iniwan ang Ating mga Kapatid

Disaster Relief Noong 2021—Hindi Natin Iniwan ang Ating mga Kapatid

ENERO 1, 2022

 Noong 2021 taon ng paglilingkod, a patuloy na nagdusa ang buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic. Gaya ng ipinaliwanag sa artikulong “Pagbibigay ng Relief sa Panahon ng Pandemic,” milyon-milyong dolyar b ang ginastos natin para sa mga relief sa pandemic at mahigit 950 Disaster Relief Committee ang binuo natin.

 Sa kasagsagan ng pandemic, naapektuhan din ang mga kapatid natin ng iba pang mga sakuna. Kaya naman para sa mahigit 200 sakuna, inaprobahan ng Coordinators’ Committee ng Lupong Tagapamahala ang paggastos ng 8 milyong dolyar. Hindi pa kasama rito ang mga relief na ibinigay para sa COVID-19. Tingnan kung paano ginamit ang donasyon mo para tulungan ang mga naging biktima ng dalawang nagdaang sakuna.

Pagsabog ng Bundok Nyiragongo

 Noong Mayo 22, 2021, nagsimulang sumabog ang Bundok Nyiragongo, isang bulkan sa Democratic Republic of the Congo. Ang lava na dumaloy mula rito ay sumira ng mga bahay, paaralan, at isang reservoir ng tubig. Pero hindi lang iyan ang naging panganib. Ilang araw matapos ang pagsabog, naglabas ng nakakalasong alikabok ang bulkan at nakarating sa lunsod ng Goma. Marami ring naiulat na pagyanig. Mahigit kalahati sa mga taga lunsod ang inutusang lumikas. Daan-daang libo ang umalis at ang iba naman ay tumawid ng border papuntang Rwanda.

Sa bakuran ng isang Kingdom Hall, namahagi ang relief committee doon ng mainit na oatmeal, o lugaw

 Nasa mga 5,000 Saksi ni Jehova ang kasama sa lumikas. Nasira ang bahay ng ilan sa kanila dahil sa pagsabog. Ninakawan naman ang bahay ng iba matapos silang lumikas. Ang mga relief committee sa Rwanda at sa Democratic Republic of the Congo ay parehong nagsaayos ng mga relief effort. Tungkol sa isang relief committee, ganito ang inireport ng sangay sa Congo (Kinshasa): “Kahit napakagulo ng sitwasyon sa lunsod at bago pa palikasin ang mga tao, nagsimula nang mamigay ng mga pagkain, tubig, kumot, at damit ang committee.” Sa isang bayan naman kung saan mahigit 2,000 kapatid ang nagkasama-sama, nagtayo ng mga tent ang isang relief committee, namigay ng mga mask, at ipinaliwanag nila kung paano makakaiwas sa COVID-19 at cholera.

Tinitimbang muna ang mga sako ng pagkain bago ipamigay sa mga kapatid na lumikas

 Sa loob ng tatlong buwan mula nang magsimula ang sakuna, nakapamahagi ang mga kapatid natin ng mahigit anim na toneladang bigas, anim na toneladang corn flour, tatlong toneladang mantika, at tatlong toneladang tubig. Para makatipid, isinaayos ng sangay na bumili ng pagkain nang maramihan sa mga lokal na pamilihan imbes na mag-order ng mas mahal na mga pagkain mula sa ibang bansa.

 “Masyado kaming nasiraan ng loob at nalungkot,” ang sabi ng isang sister na nawasak ng pagsabog ng bulkan ang bagong bahay. Pero nakatanggap siya at ang pamilya niya ng materyal at espirituwal na tulong. Ngayon, ang sabi niya: “Sa tulong ni Jehova, kumpleto naman lahat ng pangangailangan namin. Nakita naming inalalayan kami ni Jehova kaya madali naming nakayanan ito.”

Pagbagsak ng Ekonomiya ng Venezuela

 Maraming taon nang dumaranas ng matinding krisis sa ekonomiya ang Venezuela. Nagtitiis ang mga kapatid natin sa mahihirap na kalagayan ng pamumuhay, kakulangan sa pagkain, at pagdami ng krimen. Pero hindi sila pinabayaan ng organisasyon ni Jehova.

Sako-sakong bigas ang ikinakarga para maihatid sa iba’t ibang lugar sa Venezuela

 Sa nakalipas na taon ng paglilingkod, mahigit 1.5 milyong dolyar ang nagastos sa pagbili at paghahatid ng pagkain at sabon sa mga pamilyang nangangailangan. Inireport ng sangay sa Venezuela: “Mahirap maghatid ng 130 toneladang pagkain sa iba’t ibang lugar sa bansa kada buwan para makarating iyon sa mga kapatid na nangangailangan.” Madalas din na mga pagkaing hindi agad nasisira ang ipinapadala ng mga kapatid. Sinabi rin ng sangay: “Kapag bumibili kami ng pagkain, kadalasan, maramihan at kung ano ang napapanahon at mas mura. At ginagamit namin ang pinakamatipid na paraan para madala ito sa mga kapatid.”

Dahil sa matinding kakulangan sa gasolina at kawalan ng masasakyan, nag-bike ang mga kabataang brother para maghatid ng mga pagkain sa mga kakongregasyon nila. Bumiyahe sila ng 18 kilometro balikan

 Gustong-gusto ni Leonel ang atas niya bilang miyembro ng Disaster Relief Committee sa Venezuela. “Napakagandang pribilehiyo ng relief work,” ang sabi niya. “Napatibay ako nito mula nang mamatay ang asawa ko sa COVID-19. Naging abala ako at naramdaman kong nakakatulong ako sa mga kapatid na nangangailangan. Nakita ko mismo kung paano tinutupad ni Jehova ang pangako niyang hindi niya papabayaan ang mga lingkod niya.”

 Kasama sa nakatanggap ng tulong ang isang brother na dating naglingkod din sa isang relief committee. “Ngayon, ako naman ang nangangailangan ng tulong,” ang sabi niya. “Hindi lang materyal na tulong ang natanggap naming mag-asawa. Tinulungan din kami ng mga kapatid na maging kalmado. Inalagaan nila kami, dinamayan, at pinatibay.”

 May mga sakunang hindi talaga natin inaasahan. Pero sa ganoong mga sitwasyon, nakakakuha at nakakapaghatid agad ng tulong ang organisasyon ni Jehova. Salamat sa mga donasyon ninyo sa worldwide work. Makikita sa donate.pr418.com ang ilang paraan para makapag-donate. Maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo.

a Nagsimula ang 2021 taon ng paglilingkod noong Setyembre 1, 2020, at natapos noong Agosto 31, 2021.

b Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.