SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Disaster Relief Noong 2022—Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid
ENERO 1, 2023
Inihula ng Bibliya na sa panahon natin ngayon, magkakaroon ng mga digmaan, lindol, epidemya, at may makikitang “nakakatakot na mga bagay.” (Lucas 21:10, 11) Patuloy na natupad ang hulang ito nitong 2022 taon ng paglilingkod. a Halimbawa, hindi pa rin natatapos ang digmaan sa Ukraine, at naaapektuhan nito ang milyon-milyong tao. At halos ngayon pa lang bumabangon ang buong mundo mula sa COVID-19 pandemic. Marami rin ang naapektuhan ng likas na mga sakuna, gaya ng mga lindol sa Haiti at bagyo sa Central America, Pilipinas, at sa southeastern Africa. Ano ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova para matulungan ang mga naapektuhan ng sakuna?
Nitong 2022 taon ng paglilingkod, gumawa ang organisasyon natin ng mga relief work para sa mga naapektuhan ng mga 200 sakuna. Sa kabuoan, halos 12 million dollars ang nagastos natin. b Tingnan kung paano ginamit ang mga donasyon para tulungan ang mga biktima ng dalawang sakuna.
Mga Lindol sa Haiti
Noong Agosto 14, 2021, nagkaroon ng magnitude 7.2 na lindol sa southern Haiti. Nakakalungkot, tatlong Saksi ang namatay—dalawang sister at isang brother. Bukod naman sa pisikal na pinsala, ang mga nakaligtas sa lindol ay naapektuhan sa emosyonal na paraan. Sinabi ng isang brother na si Stephane: “Sobrang dami ng namatay sa siyudad namin. Kaya sa loob ng mahigit dalawang buwan, linggo-linggo, may inililibing.” Sinabi ng isa pang brother na si Éliézer: “Maraming kapatid ang walang bahay, damit, sapatos, at iba pang pangangailangan. Tumagal din nang ilang buwan ang mga aftershock, kaya takot na takot ang marami.”
Tumulong agad ang organisasyon natin. Nagpadala ang sangay sa Haiti ng mahigit 53 tonelada ng pagkain, pati na ng mga tent, tarpaulin, kutson, at solar charger para sa mga cellphone. Bukod doon, mahigit 100 bahay ang muling itinayo o ni-repair noong 2022 taon ng paglilingkod. Mahigit isang milyong dolyar ang nagastos natin para sa relief work sa Haiti.
Talagang nagpapasalamat ang mga kapatid. Sinabi ni Lorette: “Winasak ng lindol ang bahay namin, at nawala rin ang negosyo namin. Wala kaming makain. Pero tinulungan kami ng organisasyon ni Jehova, at ibinigay ang lahat ng pangangailangan namin.” Sinabi ni Micheline: “Y’ong bahay na tinitirhan namin ng dalawa kong anak, nasira dahil sa lindol. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Kaya nanalangin ako para tulungan ako ni Jehova, at sinagot niya ako gamit ang organisasyon niya. Ngayon, meron na ulit kaming matibay na bahay. Gusto kong gawin ang lahat para ipakita kay Jehova na nagpapasalamat ako sa kaniya.”
Napansin din ng mga awtoridad doon ang ginagawa nating relief work. Sinabi ng direktor ng city hall sa L’Asile: “Natutuwa ako kasi napakabilis ninyong tumulong. Hanga rin ako sa inyo kasi ang laki ng respeto ninyo sa mga awtoridad. Masaya rin akong makita na hindi pera ang habol ninyo. Gusto n’yo talagang tumulong sa mga tao. Kumilos kayo kasi mahal ninyo sila.”
Sinalanta ng Bagyong Ana ang Malawi at Mozambique
Noong Enero 24, 2022, nag-landfall ang Bagyong Ana sa Mozambique, at tumawid papunta sa Malawi. Nagkaroon ng malakas na ulan at pagbugso ng hangin, na hanggang 100 kilometro kada oras. Pinatumba nito ang mga poste ng kuryente, sinira ang mga tulay, at nagdulot ng mga baha.
Mahigit 30,000 Saksi ang naapektuhan ng bagyo sa Malawi at Mozambique. Sinabi ni Charles, isang brother na tumulong sa relief work: “Noong makita ko y’ong paghihirap ng mga kapatid at y’ong mga nawala sa kanila, nadurog ang puso ko. Lungkot na lungkot ako.” Ang mas malala pa, ang kaunting pagkain at tanim ng mga kapatid, nawala pa dahil sa bagyo. Nawasak din ang bahay ng marami. Nakakalungkot, isang brother ang namatayan ng asawa at dalawang anak na babae. Nalunod ang mga ito nang tumaob ang rescue boat nila.
Talagang nakakatakot ang bagyo. Noong 1:00 a.m. sa Nchalo, Malawi, narinig ng pamilyang Sengeredo ang pagragasa ng tubig. Dalawang ilog ang umapaw! Nagpasiya si Brother Sengeredo na lumikas silang pamilya. Buti na lang ginawa nila iyon kasi nawasak ang bahay nila dahil sa baha. Nasira ang mga gamit nila at y’ong iba naman, tinangay ng baha. Sa Kingdom Hall nagpunta ang pamilya, na mga 30-minutong lakaran mula sa bahay nila. Pero ngayon, inabot sila ng dalawang oras. Kahit basang-basa sila at pagod, ligtas naman sila.
Inumpisahan agad ng mga sangay sa Malawi at Mozambique ang relief work. Inutusan nila ang mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder na alamin ang pangangailangan ng mga naapektuhang kapatid, at magbigay ng espirituwal at emosyonal na suporta sa kanila. May mga inatasang Disaster Relief Committee (DRC) para mangasiwa sa relief work. Agad namang tumulong ang mga ito para makakuha ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ang mga kapatid. Mahigit $33,000 ang ginastos para sa humanitarian aid, at mahigit $300,000 naman sa pagre-repair at muling pagtatayo ng mga bahay.
Pinag-isipang mabuti ng mga DRC kung paano gagamitin ang mga pondo. Mahalaga iyon kasi mataas ang inflation. Halimbawa, noong unang pitong buwan ng relief work, tumaas ang presyo ng corn flour nang mahigit 70 percent; isa pa naman ito sa mga pangunahing pagkain sa Malawi. Tumaas din ang presyo ng petrolyo at gas. Kaya para makatipid, bumili ang mga kapatid ng mga pagkain at materyales sa pagtatayo nang maramihan sa lugar nila. Dahil doon, naka-discount sila at naiwasan nilang gumastos nang malaki para sa transportasyon.
Talagang na-touch ang mga kapatid sa relief work. Sinabi ni Felisberto, isang brother sa Mozambique: “Ito lang ang organisasyong nakita ko na napakalaki ng naitulong! Mula sa mga materyales, transportasyon, mga kapatid sa construction, pagkain, hanggang sa maibiging pag-alalay na natanggap namin. Sa relief work na ito, kitang-kita ang pag-ibig sa kapuwa na sinabi ni Jesus sa Juan 13:34, 35.” Nasira naman ang bahay ni Ester, isang biyuda sa Malawi. Sinabi niya: “Hindi ko alam ang gagawin ko. Wala kasi akong pera para makapagtayo ulit ng bahay. Kaya nang magpunta ang mga kapatid para ipagtayo ako ng bahay, pakiramdam ko, nasa Paraiso na ako.”
Habang papalapit tayo sa ipinangakong bagong sanlibutan, marami pa tayong mararanasang sakuna. (Mateo 24:7, 8) Salamat sa patuloy ninyong pagbibigay ng mga donasyon. Dahil dito, sigurado tayo na makakatanggap ang bayan ni Jehova ng mga pangangailangan nila sa panahon ng sakuna. Ipinapaliwanag sa donate.pr418.com ang mga paraan para mag-donate. Maraming salamat sa inyong pagiging bukas-palad.