SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Gilead—Isang Internasyonal na Paaralan
DISYEMBRE 1, 2020
Taon-taon, maraming kapatid na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa buong mundo ang iniimbitahang mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, na nasa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. a Sa paaralang ito, natututo ang mga estudyante na maging mas epektibo sa mga atas nila sa organisasyon ni Jehova. Kaya napapatibay nila ang mga kongregasyon at mga sangay sa buong mundo.
Isa talagang internasyonal na paaralan ang Gilead. Halimbawa, ang ika-147 klase noong 2019 ay may 56 na estudyante mula sa 29 na bansa. Lahat ng estudyante ay nasa pantanging buong-panahong paglilingkod—Bethelite, tagapangasiwa ng sirkito, misyonero, o special pioneer.
Matagal pa bago magsimula ang klase, may mga kailangan nang ihanda. Halimbawa, ang World Headquarters Travel Department (WHQ Travel) ang bumibili ng tiket ng eroplano para sa mga naimbitahang mag-aral. Sa ika-147 klase ng Gilead, ang pamasahe ng bawat estudyanteng nagmula sa ibang bansa papuntang Patterson at pauwi sa kani-kaniyang bansa ay nasa mga $1,075 (U.S.). Kailangan ng mga estudyante mula sa Solomon Islands ng apat na flight para makarating sa Patterson at ng tatlong flight para makauwi—ibig sabihin, mahigit 35,400 kilometro ang ibibiyahe nila! Ang halaga niyan ay $2,300 (U.S.) kada estudyante. Para makatipid, may ginagamit na program ang WHQ Travel sa pagbu-book ng mga tiket. At kahit nai-reserve na nila ang tiket, babantayan pa rin ng program sa loob ng ilang linggo, o buwan pa nga, kung bababa ang presyo nito. Ginagamit din ng WHQ Travel ang mga airline mileage na ibinigay ng mga kapatid.
Maraming estudyante ang kailangan ng visa para makapasok sa United States. Kaya tinutulungan sila ng World Headquarters Legal Department na makakuha ng student visa. Ang visa at registration fee ng bawat estudyante ay nasa mga $510 (U.S.).
Paano nakakatulong sa atin ang pagsasanay sa mga estudyanteng ito? Si Hendra Gunawan ay isang elder sa Southeast Asia. Kakongregasyon niya ang isang mag-asawang nakapag-aral sa Gilead. Sabi niya: “Dati, walang regular pioneer sa kongregasyon namin. Pero mula nang dumating y’ong mag-asawa, nahawa ang ilang kapatid sa sigasig nila, kaya nagpayunir sila. Isang sister sa kongregasyon namin ang nag-aral pa nga sa School for Kingdom Evangelizers!”
Katrabaho ni Sergio Panjaitan sa isang Bethel sa Southeast Asia ang ilang nagtapos sa Gilead. Ikinuwento niya: “Hindi lang sila ang nakinabang sa pagsasanay sa kanila—kami rin. Ang dami nilang natutuhan! Pero imbes na gamitin iyon para pahangain ang iba, isini-share nila iyon. Dahil napapatibay nila kami, pinapatibay din namin ang iba.”
Saan galing ang pondo na ginagamit para sa Gilead School? Sa mga donasyon sa worldwide work, na ang karamihan ay ibinigay gamit ang isa sa mga paraang nasa donate.pr418.com. Dahil sa inyong pagkabukas-palad, nasusuportahan ninyo ang internasyonal na paaralang ito. Maraming salamat sa inyo.
a Ang kurikulum ng paaralang ito ay mula sa Theocratic Schools Department, sa pangangasiwa ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga instructor ay mula rin sa department na ito; may mga guest instructor din, gaya ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala.