SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Isang Buong Library sa Iyong Kamay
SETYEMBRE 1, 2021
“Parang kailan lang, hindi natin ma-imagine na puwedeng maging digital ang espirituwal na pagkain natin.” Ganiyan din ba ang naisip mo? Bahagi iyan ng nakakapagpatibay na pahayag ni Brother Geoffrey Jackson sa 2020 Ikaanim na Update ng Lupong Tagapamahala. Sinabi pa niya: “Pero ngayon, hindi na natin maisip kung paano tayo makakaraos sa pandemic kung wala ang mga tool gaya ng JW Library. Inihanda tayo ni Jehova nitong nakalipas na mga taon para maharap ang ganitong sitwasyon.”
Paano tayo inihahanda ni Jehova? Paano ginawa ang JW Library app, at ano ang kailangan para i-maintain ito at mas mapaganda?
Ngayon Lang Nagkaroon Nito
Noong Mayo 2013, nagpagawa ang Lupong Tagapamahala sa MEPS Programming, isang department sa pandaigdig na punong-tanggapan, ng isang app na naglalaman ng nirebisang New World Translation. “Bago nito, wala pa tayong nailalabas na mobile app sa alinmang app store,” ang sabi ni Paul Willies, na nasa MEPS Programming. “Pero bumuo kami ng isang team, itinigil muna ang ilang proyekto, at nakipagtulungan sa ibang department para idisenyo at gawin ang app at ang nilalaman nito. Madalas kaming nananalangin noon. At sa tulong ni Jehova, nailabas ang app sa taunang miting pagkatapos lang ng limang buwan!”
Para maging isang tunay na library ito, kinailangang magdagdag pa ng mas maraming publikasyon sa mas maraming wika. Pagdating ng Enero 2015, available na dito ang halos lahat ng bagong publikasyon natin sa English, at pagkaraan lang ng anim na buwan, puwede nang i-download ang mga publikasyong iyon sa daan-daang iba pang wika.
Mula noon, pinaganda pa nang pinaganda ang app. Nagdagdag dito ng mga video, at pinagsama sa isang tab ang lahat ng publikasyon at media para sa mga pulong sa kongregasyon. Puwede na ring ma-access ang laman ng Tulong sa Pag-aaral mula mismo sa talata ng Bibliya.
Pagme-maintain ng Library
Ang JW Library ay ginagamit sa 8 milyong gadyet araw-araw at sa mahigit 15 milyong gadyet buwan-buwan! Ano ang kailangan para gumana nang maayos ang app sa mga gadyet na iyon? Sinabi ni Brother Willies: “Hindi talaga natatapos ang isang mobile app. Palagi kaming nagdadagdag ng mga bagong feature para mas makatulong sa mga gumagamit nito. Dahil madalas i-update ang mga operating system ng mga gadyet, palagi rin naming ina-adjust ang app para maging compatible ito sa mga system na iyon. Kailangan din naming i-maintain at i-upgrade ang internal software habang dumadami ang mga publikasyon at recording sa JW Library.” Kapag pinagsama-sama ang lahat ng wika, mayroon nang mga 200,000 na publikasyon at mahigit 600,000 na audio at video recording na available sa JW Library!
Para magawa ang mga ito, hindi lang mga computer hardware ang kailangan. Kailangan ding bumili ng ilang software license. Ang isang license ay umaabot nang $1,500 (U.S.) kada taon. Bukod diyan, gumagastos din taon-taon ng mga $10,000 (U.S.) ang MEPS Programming sa mga gadyet mula sa iba’t ibang manufacturer para masigurong patuloy na gagana nang maayos ang app sa mga bagong computer, tablet, at cellphone.
Natitipid ang Pondo Dahil sa mga Download
Malaki ang natipid sa pag-iimprenta, pagba-bind, at pagpapadala ng literatura dahil sa JW Library. Ang isang halimbawa ay ang buklet nating Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Nag-imprenta tayo ng halos 12 milyong kopya ng Pagsusuri sa Kasulatan—2013. Pero para sa 2020 edisyon, mga limang milyon lang ang inimprenta natin—kahit nadagdagan pa tayo ng mga 700,000 kapatid sa buong mundo. Bakit? Kasi binabasa na ito ng maraming kapatid sa JW Library. a
“Napakagandang Regalo Nito!”
Napakarami pang naitutulong ng JW Library sa mga gumagamit nito. Para kay Geneviève na taga-Canada, naging mas regular ang pag-aaral niya dahil sa app na ito. Inamin niya: “Ang totoo, kung kailangan ko pang maglabas ng sangkatutak na libro para mag-aral, tatamarin siguro akong mag-aral tuwing umaga. Pero dahil sa app, isang bukás lang ng tablet ko, nandun nang lahat. Tumibay ang pananampalataya ko at mas napalapít ako kay Jehova dahil sa regular na pag-aaral ko.”
Napakalaking tulong ng app lalo na ngayong COVID-19 pandemic. Sinabi ni Charlyn na taga-United States: “Nang kumalat ang COVID-19 sa buong mundo, mahigit isang taon na akong hindi nakakakita ng mga bagong publikasyon natin na nakaimprenta. Pero dahil sa JW Library, patuloy tayong napaglalaanan ng espirituwal na pagkain. Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova.”
Marami ang sasang-ayon kay Faye na taga-Pilipinas. Sinabi niya: “Dahil sa napakagandang app na ito, napapanatili ko ang espirituwal na rutin ko at pagiging malapít kay Jehova. Binabasa ko agad ito paggising ko sa umaga. Ito ang pinapakinggan ko habang may ginagawa ako sa bahay. Ito ang ginagamit ko sa paghahanda para sa pulong. Ito ang ginagamit ko para paghandaan ang pag-aaralan namin ng Bible study ko. Dito ako nanonood ng mga video kapag wala akong ginagawa. Dito ako nagbabasa ng mga artikulo o ng Bibliya kapag naghihintay ako sa pila. Napakagandang regalo nito!”
Napakalaking bagay din ng app sa ministeryo. Halimbawa, habang nangangaral ang isang sister sa Cameroon, gusto sana niyang gamitin ang tekstong ginamit ng isa pang sister noong nakaraang mga linggo. Pero nakalimutan niya ito. Sinabi niya: “Mabuti na lang, may natandaan akong mga salita doon. Kaya binuksan ko ang app at pumunta sa Bibliya. ’Tapos, inilagay ko sa search box ang mga salitang ’yon. Lumabas agad ang teksto! Dahil sa app na ito, nahahanap ko ang maraming tekstong nakakalimutan ko.”
Dahil sa mga donasyon ninyo gamit ang mga paraang makikita sa donate.pr418.com, nagagawa naming mapaganda at ma-maintain ang JW Library app para sa mga kapatid sa buong mundo. Maraming salamat sa inyong pagiging bukas-palad.
Mga Nagawa sa JW Library
Oktubre 2013—Inilabas ang app na naglalaman ng nirebisang New World Translation
Enero 2015—Naging available ang iba pang publikasyon sa English, na sinundan ng daan-daang iba pang wika
Nobyembre 2015—Idinagdag ang feature na pagha-highlight
Mayo 2016—Idinagdag ang tab na Meetings
Mayo 2017—Idinagdag ang feature na paggawa ng mga nota
Disyembre 2017—Idinagdag ang mga feature para sa Study Bible
Marso 2019—Puwede nang mag-download ng mga audio recording at mag-stream ng video, at puwede na ring ma-access ang Tulong sa Pag-aaral mula mismo sa talata ng Bibliya
Enero 2021—Idinagdag ang mga feature para sa Masayang Buhay Magpakailanman
a May bayad ang bawat download mula sa JW Library. Halimbawa, noong nakaraang taon, gumastos tayo ng mahigit $1.5 milyon (U.S.) para sa streaming at download mula sa jw.org at para sa JW Library app. Pero di-hamak na mas matipid pa rin ang pagda-download ng mga publikasyon sa digital format at mga recording kumpara sa pag-iimprenta at pagpapadala ng mga literatura, CD, at DVD.