SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Isang Espesyal na Tool Para sa Pag-aaral ng Bibliya
ABRIL 1, 2022
Noong Enero 2021, ipinatalastas ng Lupong Tagapamahala na magkakaroon ng bagong tool sa pag-aaral ng Bibliya, ang Masayang Buhay Magpakailanman. a Ano ang reaksiyon mo sa patalastas na ito? Sinabi ni Matthew, na taga-Canada: “Na-excite ako! Lalo na n’ong ipinapaliwanag sa mga pahayag at video kung paano ito ginawa at kung bakit napakaepektibo nito. Hindi na ako makapaghintay na magkaroon nito at magamit sa ministeryo.”
Dahil sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, nagkaroon tayo ng bagong paraan sa pagba-Bible study. Pero hindi lang iyan ang kaibahan nito sa mga aklat na ginagamit natin noon sa Bible study. Kung may kopya ka ng nakaimprentang Masayang Buhay Magpakailanman, baka may napansin ka pang kaibahan nito. Para malaman kung ano iyon, tingnan natin kung paano ginawa ang aklat na ito.
Isang Bagong Aklat na May Bagong Materyales
Mas makapal na papel. Bakit kailangan ito? May mahigit 600 makukulay na larawan ang Masayang Buhay Magpakailanman. Halos 10 beses na mas marami ito kaysa sa aklat na Itinuturo. Mas marami rin itong blangkong espasyo—mga parte ng isang pahina na walang nakasulat o artwork. Dahil dito, nagkaroon ng dalawang problema: Kapag manipis ang papel, babakat ang larawan sa kabilang pahina. Para maiwasan ito, ang mga kapatid sa International Printing Department (IPD), sa Wallkill, New York, U.S.A., ay sumubok ng apat na klase ng papel na ginagamit natin ngayon sa pag-iimprenta. Sinuri ng Writing Committee ng Lupong Tagapamahala ang bawat sampol at napili ang pinakamakapal na papel. Mas mahal nang mga 16 percent ang papel na ito kaysa sa mga papel na ginagamit natin sa iba pang publikasyon. Pero makakatulong ito sa mga Bible study na hindi ma-distract sa mga larawan sa kabilang pahina ng aklat na ito.
Bagong pabalat. May bagong materyales na ginamit sa pabalat ng bagong aklat. Ginamitan ito ng ibang klase ng laminate. Imbes na gumamit ng makintab na laminate, ang ginamit sa aklat ay matte finish. Kaya mas agaw-pansin na ang artwork sa pabalat nito. Makakatulong din ang laminate para hindi mabilis maluma ang aklat kahit madalas itong gamitin. Pero limang beses na mas mahal ang matte na laminate kaysa sa makintab na laminate. Kaya nagtulong-tulong ang ilang sangay para makahanap ng mas murang matte finish.
Bakit mas mahal na mga materyales ang pinili natin? Sinabi ng isang brother mula sa IPD: “Inaasahan namin na magagamit nang husto ang aklat na ito kaya gusto naming mapanatili ang magandang hitsura nito kahit gamitin ito nang gamitin.” Sinabi rin ni Eduardo, na nagtatrabaho sa Printery Office sa sangay ng Brazil: “Masayang-masaya kami na gumamit ang organisasyon ni Jehova ng de-kalidad na mga materyales para maging matibay ito at magandang gamitin. Kaya masasabing nagagamit nang tama ang mga donasyon.”
Pag-iimprenta sa Panahon ng COVID-19 Pandemic
Sinimulan ang pag-iimprenta ng Masayang Buhay Magpakailanman noong Marso 2021. Panahon ito ng COVID-19 pandemic, kaya nagkaroon ng mga hamon. Dahil naka-lockdown ang Bethel, hindi puwedeng pumunta ang mga commuter, at hindi rin makapag-imbita ng mga bagong Bethelite para makatulong sa pag-iimprenta. Kaya kulang ng mga tao sa ilang printery, at ang iba naman ay ipinasara muna dahil sa mga protocol ng gobyerno.
Paano natin naipagpatuloy ang pag-iimprenta? Nang payagan na ulit magbukas ang mga printery, pansamantalang inatasan ang mga kapatid sa iba’t ibang departamento sa Bethel para tumulong sa pag-iimprenta. “Nakapagpatuloy tayo sa pag-iimprenta dahil handang tumulong at matuto ang mga kapatid,” ang sabi ni Joel, na nagtatrabaho sa IPD.
Sa kabila ng mga hamong ito, nakapag-imprenta pa rin ng milyon-milyong kopya ng Masayang Buhay Magpakailanman. Para magawa iyan, kinailangan ng napakaraming iba’t ibang materyales gaya ng mga printing plate, laminate film, papel, ink, at adhesive. Sa unang limang buwan pa lang ng pag-iimprenta, mahigit 2.3 milyong U.S. dollar na ang nagastos natin sa materyales. Para makatipid, ang dami ng inimprentang aklat ay idinepende sa pangangailangan ng mga kongregasyon.
“Isa Itong Napakagandang Tool”
Ano ang masasabi ng mga tagapagturo ng Bibliya at ng mga Bible study nila sa bagong tool na ito? Sinabi ni Paul, isang kapatid sa Australia: “Ang sarap gamitin ng Masayang Buhay Magpakailanman. Nae-excite tuloy akong mag-study. Ang ganda ng pagkakagawa sa aklat at interactive talaga ito. Nandito na lahat. Ang linaw ng mga impormasyon, tumatagos sa puso ang mga tanong, may mga video, larawan, chart, at mga goal para sa Bible study. Isa itong napakagandang tool na tumutulong sa akin na maging mas mahusay na tagapagturo.”
Sinabi ng isang Bible study sa United States: “Gustong-gusto ko ang bagong aklat. Mas naiintindihan ko ang mga paksa kasi may mga artwork. Tumatagos sa puso ko ang mga video, kaya gusto kong gawin ang mga natututuhan ko.” Dalawang beses siyang nagpapa-Bible study sa isang linggo at regular siyang dumadalo sa mga pulong.
Milyon-milyong kopya ng Masayang Buhay Magpakailanman ang kailangan pa ring imprentahin sa maraming wika. Sa ngayon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na imprentahin ang aklat na ito sa 710 wika. Mas marami ito nang 340 kaysa sa inaprobahang wika para sa aklat na Itinuturo!
Paano tinutustusan ang pag-iimprentang ito? Sa pamamagitan ng mga donasyon sa pambuong-daigdig na gawain, na karamihan ay ipinapadala gamit ang mga paraang makikita sa donate.pr418.com. Maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo. Dahil dito, nakakagawa tayo ng mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya para sa mga taong gustong makilala si Jehova at ‘mabuhay magpakailanman.’—Awit 22:26.
a Ini-release ito sa isang taunang miting na ipinalabas sa isang JW Broadcasting.