Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Maaasahan at Nakakapagpatibay na mga Balita

Maaasahan at Nakakapagpatibay na mga Balita

DISYEMBRE 1, 2021

 Mahal ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapananampalataya nila. (1 Pedro 2:17) Marami sa atin ang gaya ni Tannis, isang sister sa Kenya. Sinabi niya: “Gusto kong malaman kung ano’ng nangyayari sa mga kapatid sa buong mundo.” Saan nakakakuha ng balita si Tannis at ang milyon-milyong iba pang Saksi? Mula 2013, nagagawa natin ito sa tulong ng seksiyong Newsroom sa ating website na jw.org.

 Mababasa sa Newsroom ang maaasahang mga report tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa mga paksang gaya ng pagre-release ng Bibliya, disaster relief work, mga proyekto ng pagtatayo, at iba pang mahahalagang pangyayari. Dito natin mababalitaan ang tungkol sa mga kapatid na nakulong dahil sa pananampalataya nila. Mababasa rin dito ang nakakapagpatibay na mga karanasan tungkol sa kampanya sa pangangaral at pag-alaala sa Memoryal. Sino ang nagre-research sa mga artikulong ibabalita rito, at paano ito inihahanda?

Paghahanap at Pagre-report ng mga Balita

 Ang Newsroom ay pinapangasiwaan ng Office of Public Information (OPI). Nasa pandaigdig na punong tanggapan ang departamentong ito, at nasa ilalim ito ng pangangasiwa ng Coordinators’ Committee ng Lupong Tagapamahala. Mahigit 100 brother at sister ang nagtatrabaho sa OPI, at marami sa kanila ay mga remote volunteer. Ang ilan sa kanila ay mga writer, researcher, visual artist, at translator. Ang trabaho naman ng iba ay makipag-usap sa mga opisyal ng gobyerno, propesor at mga guro, at sa media. Mahigit 80 Public Information Desk (PID) sa mga sangay sa buong mundo ang tumutulong sa OPI.

 Nakikipagtulungan ang OPI sa PID sa paghahanda ng isang balita. Kapag napagpasiyahan ng mga kapatid na magandang ibalita ang isang pangyayari, nagre-research sila tungkol dito at kumukuha ng maaasahang impormasyon. Kasama na rin dito ang pag-i-interview at pakikipag-usap sa mga eksperto. Pagkakuha ng mga impormasyon, isusulat nila ang artikulo, ie-edit, ipu-proofread, lalagyan ng mga litrato, at papaaprobahan sa Coordinators’ Committee.

Pasasalamat ng mga Kapatid

 Ano ang masasabi ng mga kapatid tungkol sa Newsroom? Sinabi ni Cheryl, isang sister sa Pilipinas: “Gustong-gusto kong simulan ang araw ko sa pagbabasa ng mga balita tungkol sa organisasyon ni Jehova at sa mga kapatid.”

 Maraming mambabasa ang nagsasabi na naiiba ang jw.org Newsroom sa iba pang news media. Sinabi ni Tatiana na taga-Kazakhstan: “Mabuti na lang at mapagkakatiwalaan ko ang mga balita sa jw.org. Maaasahan at totoo ang mga balita rito.” Sinabi naman ni Alma, isang sister sa Mexico: “Kumpara sa masasamang balita na naririnig natin sa media, talagang nakakapagpatibay ang mga balita sa Newsroom.”

 Hindi lang maaasahan ang Newsroom; nakakapagpatibay din ito ng pananampalataya. Sinabi ni Bernard na taga-Kenya: “Dahil sa Newsroom, parang naging kapamilya ko na ang mga kapatid sa buong mundo, saanman sila nakatira. Espesipiko ko na ring nababanggit ang mga pangalan nila sa mga panalangin ko, pati na y’ong mga pinagdaraanan nila.” Sinabi naman ng isang sister sa Kenya na si Bybron: “Kapag nakakabasa ako ng balita tungkol sa pagre-release ng Bibliya sa ibang wika, tuwang-tuwa talaga ’ko! Ipinapaalala sa akin ng mga artikulong ito na hindi nagtatangi si Jehova.”

Dahil sa Newsroom nagiging espesipiko tayo kapag ipinapanalangin natin ang mga problemang napapaharap sa mga kapatid natin sa buong mundo

 Kahit ang mga balita tungkol sa pag-uusig sa mga kapatid ay may magandang epekto rin. “Talagang napapatibay ang pananampalataya ko kapag pinag-iisipan ko ang lakas ng loob na ipinapakita nila,” ang sabi ni Jackline na taga-Kenya. “Inaabangan ko kung ano’ng nakatulong sa kanila na makapagtiis. Kahit pala mga ‘simpleng bagay’—gaya ng panalangin, pagbabasa ng Bibliya, at pati pa nga pagkanta—ay napakaimportante para manatiling matatag ang mga kapatid.”

 Napahalagahan ng sister sa Costa Rica na si Beatriz ang mga balita tungkol sa likas na sakuna. Sinabi niya: “Nakikita ko sa Newsroom kung gaano kabilis inilalaan ng organisasyon ang lahat ng pangangailangan ng mga kapatid sa maibiging paraan. Kaya nakumbinsi ako na ito talaga ang organisasyon ni Jehova.”

 Talagang nagpapasalamat tayo sa updated na mga balita tungkol sa mga kapatid natin sa buong mundo. Nagagawa natin ito dahil sa mga donasyon ninyo sa pambuong-daigdig na gawain. Marami sa mga donasyong ito ay ipinadala sa pamamagitan ng donate.pr418.com. Maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo.