Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Maintenance ng mga Kingdom Hall

Maintenance ng mga Kingdom Hall

ABRIL 1, 2024

 “Gustong-gusto ko ang Kingdom Hall namin!” ang sabi ni Nicole, isang kabataang sister sa Colombia. “Doon ko kasi nakakasama ang mga kapatid.” Ganiyan din ba ang nararamdaman mo?

 Sa buong mundo, nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa mga 63,000 Kingdom Hall. Sa mga lugar na ito, komportable tayong sumasamba sa Diyos. Pero may iba pang nagagawa ang mga Kingdom Hall natin. Sinabi ni David, isang regular pioneer sa Colombia: “Dahil sa Kingdom Hall namin, mas nagiging madali sa iba na tanggapin ang mabuting balita. Maraming bisita ang humahanga kasi maayos na maayos pa raw ang Kingdom Hall namin.” Resulta iyan ng kasipagan ng mga kapatid sa paglilinis at maintenance ng mga Kingdom Hall. Paano ba iyon ginagawa?

Pag-oorganisa ng Maintenance

 Ang mga kongregasyong gumagamit ng Kingdom Hall ang nagme-maintain din nito. Kaya naman regular na nililinis ng mga kapatid ang Kingdom Hall nila. Sila rin ang gumagawa ng maintenance at maliliit na repair para maiwasan ang malalaking sira.

 Para matulungan ang mga kongregasyon sa maintenance ng Kingdom Hall nila, nag-a-assign ang Local Design/Construction Department (LDC) ng mga brother na magiging maintenance trainer. Anim hanggang sampung Kingdom Hall ang inaasikaso ng isang maintenance trainer. Pinupuntahan niya ang mga ito at tinuturuan ang mga kapatid sa mga kongregasyon kung paano aalagaan ang Kingdom Hall nila. Kada tatlong taon, pinupuntahan niya ang bawat Kingdom Hall para i-check ang kalagayan nito at tingnan kung may mga problemang dapat ayusin.

Tumutulong ang mga maintenance trainer para mapanatili nating maganda at maayos ang mga Kingdom Hall

 Talagang nagpapasalamat ang mga kapatid sa training na ibinibigay ng mga maintenance trainer. Sinabi ni Indhumathi, isang sister sa India: “Ang ganda ng training. Tuwang-tuwa ako kasi alam ko na ngayon kung paano papanatilihing maganda ang Kingdom Hall namin.” Sinabi naman ni Evans, isang brother sa Kenya: “Nalaman namin na kapag inasikaso namin agad ang maliliit na problema bago ito lumaki, mas makakatipid kami.”

Pagpondo sa Maintenance

 Inaabot ng ilang daan hanggang ilang libong dolyar a ang ginagastos sa paggamit at maintenance ng isang Kingdom Hall sa isang taon. Nakadepende iyan kung saan nakatayo ang Kingdom Hall, gaano katagal na ito, at kung ilang kongregasyon ang gumagamit nito. Saan natin kinukuha ang pondo para dito?

 Nagiging posible ang pagme-maintain sa mga Kingdom Hall dahil sa mga donasyon. Sinabi ni Alexander, isang brother sa Kazakhstan: “Ginagamit namin ang pondo para sa Internet, tubig, at kuryente ng Kingdom Hall. Doon din namin kinukuha ang para sa iba pang kailangan sa Kingdom Hall, gaya ng tissue, gloves, mga panlinis, at pintura.” Ibinibigay naman ang sobrang pondo sa worldwide work para magamit sa mas malalaking proyekto ng maintenance sa buong mundo.

Malalaking Proyekto ng Maintenance

 Kung may gagawing maintenance sa isang Kingdom Hall na nagkakahalaga nang higit sa dalawa o tatlong buwang regular na ginagastos sa paggamit nito, sasabihin ito ng mga elder sa LDC maintenance trainer. Kung aprobahan ng LDC ang proyekto, karaniwan nang popondohan ito ng mga donasyon mula sa worldwide work. Nitong 2023 taon ng paglilingkod, gumastos ng $76.6 milyon para sa 8,793 proyekto. Tingnan ang dalawa sa mga ito.

 Sa Angola, may isang Kingdom Hall na maraming problema. Labinlimang taon na kasi mula nang itayo ito. Kailangan nang palitan ang mga wiring nito, at may mga bitak sa pader. Sinasabi din ng mga kapitbahay na umaagos ang tubig-ulan mula sa Kingdom Hall papunta sa mga bahay nila. Dahil sa mga problemang ito, inaprobahan at inorganisa ng LDC ang isang proyekto para ayusin ang Kingdom Hall. Gumastos ng $9,285 para sa proyektong ito. Laking pasasalamat ng mga kapitbahay, at hangang-hanga sila sa pagkakaorganisa ng proyekto.

Bagong renovate na Kingdom Hall sa Angola

 Sa Poland naman, tumutulo na ang bubong ng isang Kingdom Hall, at kailangan nang palitan ang carpet nito. Kaya inaprobahan ng LDC ang isang proyekto para i-repair at gawing waterproof ang bubong. Inaprobahan din na palitan ang carpet. Gumastos naman ng $9,757 para sa proyektong ito. Dahil dito, hindi na kailangang gumawa ng malaking renovation sa Kingdom Hall sa mga susunod na taon.

Pagre-renovate sa isang Kingdom Hall sa Poland

Napapapurihan si Jehova

 Dahil sa maintenance, nagagamit sa pinakamabuting paraan ang mga donasyon natin at napapapurihan si Jehova. Sinabi ni Shaun, isang brother sa Tonga: “Dahil sa mga ginagawa nating maintenance project, nasasamba natin si Jehova sa isang malinis, maayos, at disenteng Kingdom Hall. Nakakatulong iyon para mapapurihan siya ng mga tao sa komunidad. Hindi kami nahihiyang imbitahan ang mga tao sa Kingdom Hall namin.”

Ano ang Magagawa Mo?

 Makakatulong tayong lahat sa paglilinis at pagme-maintain ng mga lugar ng pagsamba. Sinabi ni Marino, isang maintenance trainer sa Australia: “May pribilehiyo tayong lahat na pangalagaan ang mga Kingdom Hall natin. Kapag ginawa natin iyan, makakatulong tayo para magamit ang mga donasyon sa mas mahahalagang proyekto.”

 Nag-e-enjoy sa pagtulong sa maintenance ng Kingdom Hall si Joel, isang brother sa India. Sinabi niya: “Kapag kasama ko ang mga kapatid sa pagboboluntaryo sa maintenance, nai-imagine kong nasa Paraiso na ako.” Sinabi naman ni Nicole, na binanggit kanina: “Nitong nakaraan, tumulong ako sa pagma-mop ng sahig habang inaayos ng mga brother ang isang tulo sa CR. Kahit hindi ako aktuwal na tumulong sa pag-aayos, nakatulong naman ako para maiwasan ang aksidente.”

 Kung gusto mong magboluntaryo sa maintenance ng Kingdom Hall ninyo, sabihin mo iyon sa mga elder. Makakatulong din ang mga donasyon mo hindi lang sa maintenance ng Kingdom Hall ninyo, kundi pati na sa iba pang mga Kingdom Hall sa buong mundo. Puwede kang mag-donate sa mga donation box ng Kingdom Hall ninyo o sa donate.pr418.com. Maraming salamat sa pagiging bukas-palad mo.

Makakatulong tayong lahat para mapangalagaan ang mga Kingdom Hall natin

a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.