SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Literature Cart “Para Marinig ng Lahat ng Bansa” ang Mabuting Balita
ABRIL 1, 2023
Mahigit 10 taon na nating ginagamit sa pangangaral ang mga literature cart. Sa buong mundo, napapansin ito ng mga tao at pamilyar na sila dito. Maganda ang disenyo nito at madaling gamitin. Malamang na naisip ninyo rin ang sinabi ni Asenata, isang sister sa Poland: “Simple lang ang design ng mga cart, pero maganda! Madali itong dalhin at i-set up.”
Naisip na ba ninyo kung paano dinisenyo ang mga cart at kung paano ito ginagawa?
Pinag-isipang Disenyo
Noong 2001, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na subukan ng mga kapatid sa France ang iba’t ibang paraan ng public witnessing, gaya ng paggamit ng mga cart. Halimbawa, nag-customize sila ng mga luggage at grocery cart para lagyan ng mga literatura at ipakita ito sa mga tao. Di-nagtagal, pumili ang sangay sa France ng isang disenyo na ginamit ng mga kapatid nang maraming taon.
Masayang-masaya ang mga kapatid sa France sa naging resulta ng paraan ng pangangaral na ito. Kaya noong 2011, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na subukan ng ilang mga kapatid ang paraan ng pangangaral na ito sa New York City, U.S.A., gamit ang mga cart at mesa. Di-nagtagal, nakita ng mga pioneer na sumali rito na maraming advantage ang paggamit ng mga cart, gaya ng pagiging madaling dalhin. Nagbigay rin sila ng mga suggestion kung paano pa mapapaganda ang disenyo ng mga cart. Noon, gawa sa kahoy at handmade ang mga cart. Kaya mabigat ang mga ito at mahirap iakyat at ibaba kapag may mga hagdan. Dahil dito, gumawa sila ng bagong disenyo na mas magaan, pero hindi kayang itumba ng hangin. Mas malaki na rin ang mga gulong at matibay ang pagkakadisenyo nito kaya mas madali na itong dalhin sa malulubak na daan. Meron na rin itong maliit na lalagyan para sa mga literatura.
Naging matagumpay ito! Kaya noong 2012, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na gamitin ang mga literature cart sa buong mundo. Nakahanap din tayo ng manufacturer na kayang gumawa ng maraming cart gamit ang mga materyales na di-mabigat pero matibay.
Sa sumunod na mga taon, may ilang maliliit na pagbabago sa mga cart na nagpaganda pa rito. Halimbawa, noong 2015, meron na itong cover para sa ulan. Clear na plastic ang harap nito. Natuwa si Dina, mula sa Georgia, sa design na ito. Sinabi niya, “May ‘raincoat’ na ang cart ’pag umuulan.” Noong 2017, naglagay na rin ng mga magnetic poster para sa ilang wika. Sinabi ni Tomasz, na taga-Poland: “Mahirap palitan ang mga adhesive poster. Kaya magandang solusyon y’ong magnetic poster.” Noong 2019, may mga binago sa ginamit na mga materyales at sa paggawa ng mga cart para maging mas matibay pa ang mga ito.
Paggawa ng mga Literature Cart
Isa lang ang manufacturer ng lahat ng cart na ipinapadala sa mga kongregasyon sa buong mundo. Sa ngayon, $43 (U.S.) ang isang cart, at hindi pa kasama ang bayad para sa shipping at iba pa. Mahigit $16 million (U.S.) na ang ginamit natin para sa mga cart, at mahigit 420,000 na ang naipadala sa mga kongregasyon sa buong mundo.
Para magamit sa pinakamabuting paraan ang mga donasyon, maramihan ang pag-order sa mga literature cart. Puwede na ring umorder ang mga kongregasyon ng spare parts para ma-repair nila ang mga cart imbes na palitan ang buong cart.
Pangangaral Gamit ang mga Cart
Masaya ang mga kapatid na gamitin ang mga literature cart. Sinabi ni Martina, mula sa Ghana: “Karamihan sa paraan ng pangangaral natin, tayo ang lumalapit sa mga tao. Pero ang nagustuhan ko sa cart witnessing, sila ang lumalapit sa atin. Kahit y’ong mga dumadaan, masasabi nating napapangaralan din.”
Sa isa pang bansa sa Africa, lumapit ang isang lalaki sa isang cart at kumuha ng mga publikasyon sa wika niya. Bumalik siya pagkatapos ng isang linggo at sinabi: “Nabasa ko na ang lahat ng kinuha ko. Ang ganda ng mga natutuhan ko. Sasabihin ko ito sa mga kapamilya ko sa lugar namin,” na mga 500 kilometro ang layo. Pagkatapos ng dalawang buwan, bumalik ulit siya at sinabi: “Nabasa na ng mga tao sa nayon namin ang lahat ng nakuha ko, at masayang-masaya sila sa mga nabasa nila. Gusto na nilang maging Saksi ni Jehova. Pero may mga tanong pa sila. Halimbawa, alam nila na para mabautismuhan, dapat silang mailubog sa tubig. Pero walang ilog na malapit sa amin. Dapat ba kaming pumunta dito para mabautismuhan?” Ini-refer ng mga kapatid ang lalaking ito sa isang pioneer na nagsasalita ng wika niya. Mula noon, regular na silang nakakapag-usap.
Natutuwa tayong makita na ginagamit ang mga literature cart “para marinig ng lahat ng bansa” ang mabuting balita. (Mateo 24:14) Saan nakukuha ang pambayad sa paggawa ng mga cart? Sa mga donasyon na natatanggap natin para sa worldwide work, na ang karamihan ay ibinibigay gamit ang donate.pr418.com. Maraming salamat sa pagiging mapagbigay ninyo.