SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Misyonero “Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”
HUNYO 1, 2021
Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Masigasig na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang atas na iyan. Pero may ilang malalaki at matataong lugar na hindi pa gaanong napapangaralan. May ilang bansa naman na kakaunti lang ang Saksi. (Mateo 9:37, 38) Ano ang ginagawa natin para mapangaralan ang pinakamaraming tao hangga’t posible?
Para masunod ang utos ni Jesus, ang Service Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nag-aatas ng mga misyonero sa mga lugar sa buong mundo na may pangangailangan. Sa ngayon, mayroon nang 3,090 misyonero sa buong mundo. a Karamihan sa kanila ay sinanay sa isang paaralan sa Bibliya, gaya ng School for Kingdom Evangelizers. Handang iwan ng mga misyonero ang tahanan nila para lumipat sa ibang bansa. Dahil sa kanilang pagkamaygulang, kasanayan, at karanasan, nakatulong ang tapat na mga misyonerong ito para maipangaral ang mabuting balita, at naging magandang halimbawa sila sa mga bagong alagad.
Pagtulong sa mga Misyonero Para Makatulong sa Iba
Sa bawat tanggapang pansangay, ang Field Ministers Desk ng Service Department ay nakikipagtulungan sa Komite ng Sangay para ilaan ang pangangailangan ng mga misyonero, gaya ng simpleng tirahan, pangangalaga sa kalusugan, at isang maliit na halaga para sa mga gastusin. Noong 2020 taon ng paglilingkod, halos 27 milyong dolyar (U.S.) ang nagastos ng mga Saksi ni Jehova para sa mga misyonero. Dahil dito, nakakapagpokus ang mga misyonero sa ministeryo nila at sa pagpapatibay sa kongregasyon.
Paano nakatulong ang mga misyonero sa gawaing pangangaral? Sinabi ni Frank Madsen, miyembro ng Komite ng Sangay sa Malawi: “Dahil sa lakas ng loob at kasanayan ng mga misyonero, natulungan ang mga kongregasyon na mangaral sa mahihirap na teritoryo, gaya ng mga pribadong komunidad at mga lugar na maraming dayuhan. Magandang halimbawa rin sa iba ang pagsisikap nilang matutuhan ang wika at kultura sa teritoryo nila. Malaking impluwensiya sila sa mga kabataan para pag-isipan ang buong-panahong paglilingkod. Ipinagpapasalamat namin kay Jehova ang mga misyonerong ito.”
Isang miyembro ng Komite ng Sangay sa ibang bansa ang nagsabi: “Pinapatunayan ng mga misyonero na nagkakaisa ang bayan ni Jehova sa buong mundo. Malinaw na nakikita kahit ng mga di-Saksi na hindi tayo apektado ng pagkakaiba-iba ng kultura. Sa halip, nagkakaisa tayo dahil sa mga turo ng Bibliya.”
Paano natutulungan ng mga misyonero ang mga kapatid sa kongregasyon? Natutuwa si Paulo, taga-Timor-Leste, na may mga misyonero sa kongregasyon nila. Sinabi niya: “Napakainit sa lugar namin. Pero kahit na galing sa malamig na lugar ang mga misyonero, patuloy pa rin sila sa pangangaral. Tuwing umaga, sumasama sila sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Madalas ko rin silang nakikitang nag-a-RV kahit tanghaling-tapat, pati na rin sa gabi. Napakarami na nilang natulungang makaalam ng katotohanan, kasama na ako. Ginagamit nila ang buong buhay nila sa masigasig na paglilingkod kay Jehova. Dahil dito, napapatibay ang buong kongregasyon na higit pang maglingkod.”
Ikinuwento ni Ketti, isang regular pioneer sa Malawi, kung paano natulungan ng isang mag-asawang misyonero ang pamilya nila: “Nang dumating sa kongregasyon namin ang mag-asawang misyonero, ako pa lang ang Saksi sa amin. Pero tinulungan ako ng mag-asawang ito, at naging malapít sila sa pamilya namin. Nakatulong ang magandang halimbawa nila sa mga anak namin na makitang napakasayang maglingkod kay Jehova. Dahil diyan, regular pioneer na ang tatlo naming anak na babae, at dumadalo na sa pulong ang asawa ko.”
Saan galing ang pondong ginagamit para sa mga misyonero? Sa mga donasyon sa pambuong-daigdig na gawain, na ang karamihan ay ibinibigay gamit ang isa sa mga paraang nasa donate.pr418.com. Talagang pinapahalagahan ang mga donasyong ito.
a Ang mga misyonerong ito ay ipinapadala sa mga kongregasyong nangangailangan ng mángangarál. Mayroon pang 1,001 misyonero na naglilingkod sa gawaing pansirkito.