SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Pagtatayong Nakakatulong sa Pangangaral
OKTUBRE 20, 2023
Gustong-gusto ng Lupong Tagapamahala na gamitin ang mga donasyon para magkaroon ng mga pasilidad na makakatulong sa pangangaral natin ng Kaharian. Halimbawa, noong 2023 taon ng paglilingkod, gumastos ng mahigit 500 milyong dolyar ang mga legal na korporasyon na ginagamit ng mga sangay ng mga Saksi ni Jehova para sa pagbili, pagtatayo, pagre-renovate, at maintenance ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall sa buong mundo. a Hindi pa kasama sa halagang ito ang ginagamit ng mga kongregasyon sa buong mundo para sa pagmamantini ng mga Kingdom Hall nila.
Ginagamit din ang mga donasyon para makapagtayo at mamantini ang mga pasilidad ng mga sangay, na ginagamit para maorganisa at masuportahan ang gawaing pangangaral sa buong mundo. Pinasimple rin ang mga gawain sa sangay para magamit ang ibang pondo sa pagtatayo at pagre-remodel ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Pero malaking halaga pa rin ang kailangan para sa pagre-repair, pagre-remodel, at paglilipat ng mga pasilidad ng sangay. Bakit kailangang gawin ang mga ito? Paano nakakatulong sa gawaing pangangaral ang mga sangay? Alamin natin.
‘Nakakatulong Para Mas Tumagal’
Maraming tanggapang pansangay ang mahigit nang 30 o 40 taon! Sinabi ni Nicholas, na kasama sa Worldwide Design/Construction Department: “Kahit regular pa ang maintenance sa mga building, naluluma pa rin ito at nasisira. Pero nakakatulong ang mga renovation para mas tumagal pa ito at patuloy na magamit.”
Kailangan ding baguhin ang mga pasilidad ng Bethel para masuportahan ang mga pangangailangan ng organisasyon. Sa buong mundo, biglang lumaki ang bilang ng mga kapatid mula nang maitayo ang karamihan sa mga tanggapang pansangay. At para masuportahan ang pagdaming ito, kailangan din ng mas marami pang boluntaryo sa mga pasilidad. Kaya ang mga pasilidad na dating tama lang ang laki ay sobrang sikip na!
Pinag-iisipan din ang safety. Dahil nabubuhay na tayo sa dulo ng mga huling araw, mas madalas tayong nakakaranas ng mga sakunang nagsasapanganib ng buhay natin. (Lucas 21:11) Dahil sa pinakabagong mga construction technique sa renovation, nagiging mas ligtas ang mga nagtatrabaho sa mga pasilidad natin. Puwede ring makatulong ang mga renovation na iyon para mas madaling maorganisa ang mga relief work at patuloy na masuportahan ang pangangaral pagkatapos ng isang likas na sakuna.
“Pinagpala ni Jehova ang Desisyong Ito”
Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo o pagre-renovate sa mga pasilidad ng 43 sangay nitong 2023 taon ng paglilingkod. Kaya may isinasagawang construction sa halos kalahati ng lahat ng pasilidad ng Bethel sa buong mundo. Tingnan natin ang ilang halimbawa para makita kung paano ito nakakatulong sa gawain natin.
Angola. Sinabi ng isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Angola na si Matt: “Masaya kaming makita ang katuparan ng hula sa Hagai 2:7. Sa loob lang ng 10 taon, tumaas nang 60 porsiyento ang bilang ng mamamahayag dito! Kaya para masuportahan ang mga kapatid, kailangang gawing triple ang laki ng pamilyang Bethel. Pero dahil maliit lang ang mga pasilidad namin, limitado lang ang puwede naming imbitahan. Kaya maraming Bethelite ang madalas mag-overtime dahil sa dami ng trabaho.”
Nag-atas ng mga brother para alamin kung ano ang magandang gawin. Noong una, naisip nila na mabilis at praktikal kung ire-renovate ang building ng Bethel. Pero matapos nilang pag-aralang mabuti ang mga bagay-bagay, nakita nila na may iba pang puwedeng gawin para magamit sa mas magandang paraan ang mga donasyon. Inirekomenda nila na bilhin at i-renovate ang isang building na malapit sa Bethel. “Noong unang iharap sa Branch Committee ang pagbili at pag-renovate ng isang building, nag-alangan kami na baka hindi ’yon magiging kasingganda ng building na tayo mismo ang magtatayo, at baka hindi rin ’yon babagay sa mga pangangailangan namin,” ang sabi ni Matt. “Pero nakita namin ngayon na saktong-sakto ’yon sa mga pangangailangan namin. Pinagpala ni Jehova ang desisyong ito.”
Posibleng kailangan pang palakihin sa hinaharap ang sangay sa Angola. Pero malaking tulong na sa sangay ang bagong building, pati na ang mga modular housing sa compound ng Bethel at ang mga nirentahang apartment malapit sa sangay, para patuloy na masuportahan ng sangay ang mabilis na pagsulong ng gawain sa lugar nila.
Japan. Halos 40 taon na mula nang itayo ang pangunahing mga building ng sangay, at hindi pa nakapagsagawa ng major renovation mula noon. Sinikap ng mga kapatid na mamantini ang mga building, pero ang totoo, luma na talaga ang mga iyon. Kaya nagsasagawa ngayon ng major renovation sa sangay.
May mga bagong kaayusan din sa Bethel. Bago 2015, ipinagluluto ng pagkain ang buong pamilyang Bethel. Kaya maliliit ang kitchen sa karamihan ng mga kuwarto sa Bethel sa Japan. Pero sa ngayon, inihahanda na ng mga Bethelite ang karamihan sa mga pagkain nila. Ni-renovate ang mga kuwarto para mas madali silang makapagluto ng pagkain. Sinabi ni Kumiko, isang sister sa sangay sa Japan, “Komportable nang magluto sa kitchen namin ngayon, at malaking tulong ’yon para lalo kong mapahalagahan ang mga bagong kaayusan sa Bethel.”
Napakalaki ng naitutulong ng sangay sa Japan para sa gawaing pangangaral sa buong mundo. (Mateo 28:19, 20) Isa ang Japan sa dalawang sangay na nag-iimprenta ng kumpletong Bibliya. Kaya kasama sa construction project ngayon ang pag-i-install ng trimming at dust collection system para maging mas ligtas ang mga nagtatrabaho sa Printery. Halos isang milyong dolyar ang halaga ng pagbili at pag-i-install ng bagong system na ito, pero makakatulong ito para patuloy na makapag-imprenta ang sangay at makapagpadala ng espirituwal na pagkain.
Tiniyak ng mga kapatid na makakapag-imprenta pa rin ng Bibliya kahit may construction. Sinabi ni Trey, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Japan: “Sa panahon ng construction, patuloy pa rin ang organisasyon sa pagre-release ng Bibliya sa iba’t ibang wika, at dumarami rin ang nangangailangan ng Bibliya sa buong mundo. Kailangan ng maingat na pagpaplano ng maraming department sa Bethel at ng contractor para maiayos ang schedule ng pag-i-install ng bagong equipment at ng pag-iimprenta ng mga literatura.” Kahit may ganitong mga hamon, halos 220,000 Bibliya ang naiimprenta bawat buwan mula Marso hanggang Agosto 2023! Nagawa iyan kahit nasa kasagsagan ang construction sa Printery. Natapos ang lahat ng gawaing ito nang hindi lumampas sa budget para dito.
Ginawa rin ang renovation project para malaki ang matipid sa kuryente. Mag-i-install ng mga bagong solar panel para makatipid ng tinatayang $120,000 bawat taon. Mag-i-install din ng mga triple-glazed window para lalo pang makatipid sa kuryente na tinatayang aabot sa $10,000 bawat taon. Mas mahal ang mga ito, pero tinatayang mahigit 3.5 milyong dolyar ang matitipid sa paglipas ng panahong magagamit ang mga panel at window na ito. Makakatulong din ito para hindi gaanong maapektuhan ang kalikasan.
“Marami Pa ang Kailangang Gawin”
Nakita natin sa dalawang project na ito kung gaano kalaking trabaho ang kailangan para patuloy na masuportahan ng mga pasilidad ng Bethel ang gawaing pangangaral. At hindi pa tapos ang gawain. “Marami na tayong natapos, pero marami pa ang kailangang gawin,” ang sabi ni Aaron, mula sa Worldwide Design/Construction Department. Paano ito magagawa? Sinabi pa niya: “Maliban sa ibinibigay na mga donasyon na nagagamit sa mahahalagang proyektong ito, nagpapasalamat din kami sa mga nag-volunteer sa nakaraang mga taon at sa mga nagsisikap para makapag-volunteer din sa hinaharap. Pinapatunayan lang ng mga ’to na pinagpapala ni Jehova ang gawain natin.”—Awit 110:3.
Ang lahat ng construction at renovation natin ay sinusuportahan ng mga boluntaryong donasyon, na ang karamihan ay ibinibigay gamit ang donate.pr418.com. Maraming salamat sa pagiging bukas-palad ninyo.
a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.